Lolit Solis reflects on biggest takeaway from 1994 MFF scam

Manay Lolit recalls FPJ’s unconditional love and show of support
Lolit Solis
Manay Lolit Solis reflects on her biggest takeaway from the 1994 Manila Film Festival (MFF) scam. She says, “Ang ano ko lang dun, yung realization na marami palang nagmamahal sa akin.”

Sa Hunyo 22 na ang ika-30 anibersaryo ng 1994 Manila Film Festival (MFF) scam na ginanap sa Manila Midtown Ramada Hotel.

May isisiwalat pa bang bago rito ang umaming mastermind na si Manay Lolit Solis?

Lolit Solis
Manay Lolit Solis 

PHOTO/S: JERRY OLEA

“Basta ako, ako lang may kasalanan sa scam,” mahinahong sambit ni Manay Lolit noong Mayo 30, Huwebes, sa Chili’s restaurant, T. Morato Avenue, Quezon City.

“Iyong ayaw umamin, bahala sila! Di ba? Ako, inamin ko. Kasi, mabigat din iyon sa iyo kapag may ginawa kang hindi mo inano, di ba?

“Saka ako talaga, ever since, basta ginawa ko ang isang bagay, inaamin ko yun kahit na gaano yun kapalpak.”

MANAY LOLIT SHARES FUNNY ANECDOTE ABOUT HER DAD

Ang mayor ng Manila noong sumabog ang 1994 MFF Scam ay si Mayor Alfredo S. Lim, na pumanaw noong Agosto 8, 2020 dahil sa Covid-19.

Lolit Solis
Lolit Solis 

PHOTO/S: JERRY OLEA

Nagparamdam ba sa kanya si Mayor Lim nang yumao ito?

“Hindi! Pero nagkita na kami nun, e. Nakangiti naman siya,” tugon ni Manay Lolit.

“Siya lang naman yung atat na atat na, ‘Kailangang aminin niyo iyan! Aminin niyo iyan!’”

Buti wala pa noong social media. Hindi pa uso ang cellphone at internet sa Pilipinas.

“Kung hindi, lahat ng alipusta natanggap ko, di ba? Siyempre ano, ‘no?! Naku, ha?! Nasa-CNN iyon! Hindi lang national issue, nabalita rin internationally!

Susog ni Manay Lolit, “At eto ang da height! Ang tatay ko noon, buhay pa. Talagang tuwing lalabas ako sa diyaryo, dala-dala niya.

“Proud na proud siya, nasa diyaryo ako. Ha! Ha! Ha! Ha! Hindi yata niya binabasa. Ha! Ha! Ha! Ha!

“Basta nakita niya ang litrato ko sa diyaryo! Talaga! Talagang dala-dala niya yung diyaryo. Dalawang kopya palagi.

“Basta nakita niya ako sa diyaryo, bibili siya ng dalawang kopya, iuuwi pa niya sa akin, ‘Anak, o, nasa diyaryo ka!’

“Hindi man lang niya basahin na kasalanan kaya nasa diyaryo! Talagang ano pa siya, talagang proud na proud!

“Mabuti na lang, hindi pa niya alam na puwede palang ipa-frame yun, ‘no?! Baka mamaya, kung alam niya, pina-frame pa niya!”

Limang taon makalipas ang 1994 MMFF Scam ay pumanaw na ang ama ni Manay Lolit.

MANAY LOLIT ALL PRAISES FOR NANETTE MEDVED

Nagpa-birthday lunch si Manay Lolit noong Mayo 19 sa Oriental Palace restaurant sa T. Morato Avenue, Quezon City kaugnay ng ika-77 niyang kaarawan.

Sa mga pangunahing personalidad na sangkot sa 1994 MFF Scam ay bukod-tanging si Nanette Medved ang dumalo.

“Sa lahat ng alaga ko, akala ko, ang magiging p*k*-p*k*, prostitute, ang krung-krung na si Nanette,” saad ni Manay Lolit.

“Pagkatapos, yun pala, siya ang asawa ng taipan, di ba?!

“Makikita mo naman ang strength of character niya. Nung pagkatapos ng scam, di ba, yung akala mo, mapapariwara na.

“Anong ginawa niya? Nag-enrol. Nag-aral. Di ba, dun mo talaga makikitang may focus sa buhay, di ba?

“Sa halip na walwalin ang buhay niya, tingnan mo, nag-aral, di ba? O, dahil nag-aral siya, na-meet niya si Chris Po.

“At nag-agawan sa pag-ibig niya, si Chris Po at si Lance Gokongwei, ha? Di ba? Maiisip mo, si Nanette, sexy star pero nag-aaral, di ba?

“Ang nakakatawa pa, pinaglalaruan namin siya ni Gorgy [Rula], ‘Ay! Si Nanette, may dala-dalang notebook para ipakitang nag-aaral siya!’

“Kasi, kaartehan ni Nanette tuwing pupuntang Bistro Lorenzo, may dalang ganun-ganun, puwede namang iwanan sa kotse pero dala-dala pa rin niya. Ang landi-landi!

“Yun pala, talagang nag-aaral ang gagah, di ba?!”

Kabilang sa mga dawit sa 1994 MFF Scam sina Gabby Concepcion, Ruffa Gutierrez, Gretchen Barretto, Aiko Melendez, Edu Manzano, Annabelle Rama, at Viveka Babajee na pumanaw noong Hunyo 25, 2010.

MANAY LOLIT OVERWHELMED BY SUPPORT FROM SHOWBIZ FRIENDS

Malaki ba ang naitulong ng 1994 Manila Film Fest Scam sa pagkatao niya?

“Ang ano ko lang dun, yung realization na marami palang nagmamahal sa akin,” lahad ni Manay Lolit na nagdiwang ng kaarawan noong Mayo 20.

“At hindi ko akalain na ganun ang ano, ha? Ganun ang reaksyon ng mga reporter na close sa akin, ha?

“Si Ricky Lo nga, everytime na kailangan niyang ilabas, magpapaalam pa iyan sa akin, ‘Lolit, may ilalabas kaming ganito. Alam mo na, ha?’ Ganun. Dun ko na-realize.”

Si Ricky ang dating entertainment editor ng Philippine Star, at respetadong writer at kolumnista sa larangan ng local showbiz.

Pinagalitan ba siya ni Fernando Poe Jr., ang tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino?

“Hindi ako pinagalitan. Ang sarap-sarap nung sinabi ni FPJ. Sabi niya, ‘If worse comes to worst, iaano kita,’ sabi niyang ganun. ‘Tutulungan kita!’ Oo,” pagbabalik-tanaw ni Manay Lolit.

“Tapos niyakap niya ako.

“Si Ate Charito ang nagalit sa akin, Charito Solis. ‘Naku, pareho pa naman tayo ng apelyido, ha?! Kahihiyan ang ginawa mo! Gusto mo lang pala ng award! Andami kong award sa bahay, hiningi mo na lang sana ang isa!’

“‘Naku, hayaan mo na yan, Ate Chato.’ ‘Ihulog kita dito!’ Kasi, nasa itaas kami nun ng restaurant sa Katipunan Avenue, ‘Ihulog kita dito!’

“Diyos ko! Kalokah talaga!”

Pumanaw si Charito Solis noong Enero 9, 1998; si FPJ, noong Disyembre 14, 2004; at si Ricky Lo noong Mayo 4, 2021.