Maegan Aguilar finally reconciles with father Freddie Aguilar: “Salamat po sa pag tanggap ninyo sa amin at sa akin.”

Maegan to Freedie: “I love you tay, salamat po sa pagtanggap…”

Maegan Aguilar reunites with father Freddie Aguilar: 'Sa wakas nayakap ko na ulit ang tatay ko'

Walang mapagsidlan ang saya at pasasalamat ni Maegan Aguilar na sa wakas ay nagkaayos na sila ng kanyang ama, ang legendary folk singer na si Freddie Aguilar.

Sa Instagram noong November 18, 2023, ipinost ni Maegan ang larawan nila ni Freddie nang magpunta siya sa bahay ng kanyang ama.

Kalakip ng litrato nila ang mensahe ng pasasalamat ni Maegan sa “Anak” singer sa muli nitong pagtanggap at pagmamahal sa kanya.

Ayon pa kay Maegan, na-miss niya ang ama kaya gagawin niya ang kanyang buong makakaya para sulitin ang muling pagkakataong ibinigay sa kanilang dalawa.

Mababasa sa kanyang caption (published as is), “Sa wakas nayakap ko na ulit ang tatay ko.

“I love you tay, salamat po sa pag tanggap ninyo sa amin at sa akin.

“I missed you so much tay & looking forward to spending more quality time with you and the kids and the rest of our family.

“May God bless us always.”

Bukod kay Freddie, reunited na rin si Maegan sa kanyang mga anak.

Ito ang buong pagmamalaki niyang ibinahagi sa hiwalay na post sa Instagram.

Saad niya, “Finally with my daughters again! After being away from each other for a while.

“God is truly good all the time. In Jesus name. Amen.”

Maging si Freddie ay hindi rin nakaligtaang ibahagi sa publiko ang pagkakaayos nila ng anak.

Sa Facebook noong Biyernes, November 17, ipinost ni Freddie ang litrato ng dinner date nila ni Maegan kasama ang mga apo nito sa kanya.

Ani Freddie, “We had early dinner tonite together with my daughter Maegan, my grand daughters Layla Sky, Mahi Vae and Anaya. ALHAMDULILLAH.”

MAEGAN-FREDDIE RIFT

Psychologist weighs in on Freddie-Maegan rift | ABS-CBN News

Noong 2014 unang beses na mabalitang mayroon silang hindi pagkakaunawaan.

Ayon noon kay Maegan, pinalayas siya, kasama ang kanyang partner at mga anak, sa bahay ng ama matapos ang kanilang pagtatalo na may kinalaman sa bulok na gulay at utang na nagkakahalaga ng PHP1,500.

Nagkabati sila noong 2015.

Ngunit noong January 2023, dumulog si Maegan kay Senator Raffy Tulfo sa programa nitong Raffy Tulfo in Action para humingi ng tulong.

Ibinahagi niya ang pagkakaroon ng hyperthyroidism at dinanas na cardiac arrest.

Hiling niyang magkasundo na sila ng amang si Freddie.

Hindi malinaw kung kailan sila muling nag-away, matapos nilang magkabati noong 2015.

Pagsusumamo ni Maegan, kailangan niya ang tulong ng ama dahil sa kanyang pinagdaraanan.

Aniya, “Siguro po, ‘Tay, dapat magkaayos tayo at some point. Bago tayo mawala at wala nang chance para ayusin ang lahat.”

Dito rin ipinagtapat ni Maegan na may sakit siyang hyperthyroidism. Ito rin daw ang nagiging dahilan ng kanyang pagiging malnourished.

Tanong sa kanya ng host na si Senator Tulfo, bakit hindi siya lumapit sa kanyang amang si Ka Freddie?

Paliwanag ni Maegan, “Hindi po ako makalapit kay Tatay. Hindi ko po ma-explain yung dahilan kasi he has his reasons why he’s not helping me.”

Tinanong din siya kung itinakwil na ba siya ng ama kaya hindi tinutulungan.

Tugon ni Maegan, “Ganun na nga po. Pero I have been estranged naman po kasi, Senator Raffy, since I was 16, kasi I left the house na po.

“And then, yung instances na nakatira po ako sa kanya is because of his request to spend time with [him], also yung mga anak ko.

“But there’s always an on-and-off bati thing between me and my tatay. Pero sa ngayon po kasi, hindi ko maayos, e. Dahil nga po he has his reasons na hindi ko na po alam kung ano yun.”

Hanggang noong February 19, nakapanayam naman si Freddie ng veteran showbiz columnist na si Aster Amoyo.

Dito ipinagtapat ni Ka Freddie na hindi pa rin niya pinapayagang tumuntong sa bahay niya si Maegan.

Ayon sa legendary singer, “We are talking but she’s still not allowed in my house kasi nasa akin yung anak niyang si Anaya na pinag-aaral namin.

“Tapos yung isang apo ko pang si Sky, nasa bahay din. Pero si Sky, anak ni Jeriko, nakatira sila sa bahay. Dalawang anak kong lalaki, nasa bahay ko pareho, e.”

Ayon sa music icon, hanggang hindi niya nararamdamang nagbago na si Maegan ay mananatiling ganito ang kanilang relasyon.

Paliwanag pa ni Freddie, “Si Maegan, hindi siya puwede dun until malaman ko na talagang nagbago na siya.

“Kasi si Maegan, sinasabi niya sa akin na, ‘Tay, nagbago na po ako.’

“Sabi ko, ‘Anak, hindi mo kailangan sabihin na nagbago ka sa akin, e. Ako, malalaman ko yun anak kapag nagbago ka. Ako mismo magsasabi sa yo anak, anak, halika, nagbago ka na, e.’

“Pero kako, hindi mo puwedeng sabihin lang, may kasamang action yan kako. With what you’re doing now, hindi ka pa rin nagbabago.”