Man in Cebu City attacks 3 girls for being pretty

The suspect and the one of his victims
Walang partikular na ibinigay na dahilan ang suspek kung bakit siya nananapak ng magagandang babae. Sabi lang niya sa mga pulis, peke ang mukha ng mga ito. (Photo: screenshots at GTV)

CW: Violence

Tatlong babae ang sinaktan ng isang lalaki sa Cebu City sa magkakahiwalay na insidente.

Ang rason, ayon sa mga pulis, ayaw raw kasi ng suspek sa mga magagandang babae.

The suspect
Hindi nilinaw ng lalaking suspek kung bakit malaki ang galit niya sa magagandang babae: Photo: screenshot at GTV

“Sinasampal niya dahil maganda raw. Peke raw ang mga mukha nila,” pahayag ni Police Major Mark Don Alfred Leanza, ang hepe ng Police Station 2, Cebu City Police Office, sa panayam ng GMA Regional TV Balitang Bisdak.

Sa isang hiwalay na panayam ay sinabi rin ni Leanza na, “Upon verification and upon interview doon sa suspek natin, ang sinabi niya lang din is, hindi daw niya gusto na nakakakita ng maganda.

“Yun ang partikular na sinabi niya.”

INCIDENTS OF ATTACKING PRETTY GIRLS

Sugat sa mukha at black eye ang tinamo ng mga babaeng biktima ng suspek.

Ang unang biktima ay naglalakad sa Osmeña Street at pauwi na sa kanilang bahay nang suntukin siya ng suspek sa ilong.

Malakas ang pagkakasapak ng lalaki, at nabasa ng dugo maging ang damit ng babae.

Nangitim naman ang palibot ng mata ng 33 anyos na pangalawang biktima, na sinuntok ng suspek sa may Jacosalem Street.

The blackened eye of one of the victims
Puro pasa ang palibot ng mata ng isang biktima matapos itong sapakin ng suspek. Photo: screenshot at GTV

Nagda-jogging naman sa may B. Rodriguez Street ang pangatlong biktima na isang 22 anyos na dalaga nang sapakin ng suspek sa mata.

Black eye rin ang inabot nito.

SUSPEK ARESTADO NA

Nasakote ang 37-year-old na suspek matapos isumbong sa mga pulis ng tatlong babae ang ginawa nitong pananakit sa kanila.

Hindi na binanggit ang kanyang pangalan.

Inaalam pa ng pulisya kung may problema sa pag-iisip ang lalaki.

Sinampahan na ito ng reklamong multiple physical injuries.