Ang makatulong sa mga magulang ang tanging pangarap ni Wenn Ricaforte mula pagkabata.
Tubong Barangay Kinalangay Viejo, Malinao, Aklan, nagmula si Wenn sa pamilyang salat sa pera.
Sa post ng DSWD Western Visayas sa official Facebook page ng ahensya noong May 23, 2023, binanggit ni Wenn ang mga hirap na pinagdaanan niya.
“Nakatira kami sa maliit na bahay gawa sa mixed materials.
“Bilang panganay sa apat na magkakapatid, ang mahirap na katayuan namin sa buhay ay siyang naging inspirasyon ko na makaangat sa buhay.”
Hindi naging madali ang kanyang journey tungo sa kanyang pangarap.
“Bilang anak ng isang magsasaka at midwife, ang kahirapan ang isa sa mga naging matinding hadlang sa aking pag-aaral.”
Ang maganda, ayon kay Wenn, ay walang katapusan ang suportang natatanggap niya sa mga magulang na lalo pang nagsumikap.
“Naaalala ko pa noong high school, para makasali ako sa mga contest, kailangan pang isangla ng aking ina ang kanyang hikaw na souvenir niya pa mula sa kanyang pagtatrabaho noon sa abroad.
“Minsan ay ibinebenta ang alagang baboy at mga palay galing sa pagsasaka para makasali ako sa mga workshops.”
Para masuklian ang kabutihan ng kanyang parents, “Sinusulit ko ang ganitong mga oportunidad at sinisigurado ang aking pagkatuto.
“Namulat man sa pait na dala ng kahirapan, ang ambisyong makaraos sa ganitong uri ng buhay ang aking naging pangunahing layunin simula sa pagkabata.”
BENEFITS OF 4PS, SCHOLARSHIP GRANT
Napabilang ang pamilya ni Wenn sa beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng gobyerno.
“Ipinambibili ng pagkaing pambaon, uniporme, at mga gamit sa eskwelahan.
“Naging malaking bahagi ito sa aming pag-aaral na magkakapatid lalung-lalo na noong high school ako.”
Nang maka-graduate ng high school ay kumuha siya ng Bachelor of Science in Secondary Education major in Science sa Central Philippine University (CPU) sa Iloilo City.
Pero natapos na rin ang cash grants ng 4Ps para sa kanya.
Ang ginawa ni Wenn ay nag-apply siya bilang iskolar ng Department of Science and Technology (DOST).
Suwerte namang nakapasa siya.
Sa pamamagitan ng kanyang DOST scholarship ay maluwalhati niyang natapos ang kolehiyo.
Nagtapos si Wenn bilang Summa Cum Laude.
ROLE MODEL AS TOPNOTCHER
Agad sumalang si Wenn sa pagre-review para sa board exam.
Pagbabahagi niya, “Naaalala ko noon na napanood ko pa ang balita sa TV Patrol ang tungkol kay Ma’am Iah Seraspi na Top 2 noong LET 2015.”
Si Iah Seraspi ay nai-feature din ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong December 2, 2021.
Kuwento pa ni Wenn, “Ako ay manghang-mangha sa kanya at hindi ko itatangging pinangarap ko rin na maging kagaya niya.
“Hindi ko malilimutan ang kanyang mga katagang nakatatak sa aking isipan magpahanggang ngayon: ‘My stomach may be empty, but you will definitely see the capacity of my brain.’
“Tila nakahanap ako ng taong magiging role model ko sa aking tatahaking landas.”
Kaya gayun na lang ang tuwa niya dahil makalipas ang ilang taon mula nang mapanood niya ang panayam kay Iah, nakadaupang-palad niya ang board topnotcher.
Isa si Iah sa mga lecturers ng review center kung saan siya nag-enroll.
“At dito, napukaw muli ang aking pangarap na maging topnotcher.
“Pinanghihinaan man ng loob dahil kahit ni minsan ay hindi ako nag-top sa mga practice board exams habang nagre-review, pero sa kabila nito ay ipinagpatuloy ko pa rin ang aking pagre-review nang maige.”
Nang lumabas ang resulta ng March 2023 Licensure Examination for Teachers, Top 9 si Wenn.
May rating siya na 91.20 percent.
Sa ngayon, walang katapusan ang pasasalamat ni Wenn sa Panginoon at sa lahat ng taong naging bahagi ng kanyang tagumpay.
“Katuwang ang 4Ps, aking napagtagumpayan ang hirap sa pag-aaral.
“Namulubi man ako habang tinatahak ang daan tungo sa pagkakamit ng aking mga pangarap, walang katumbas na biyaya naman ang naging kapalit nito ngayon.
“I am and will forever be indebted to everyone who has helped me make it this far. This success is yours, too.”
Sa kasalukuyan, gaya ng kanyang role model na si Iah Seraspe, lecturer na rin si Wenn sa review center.
Heto ang katagang iniwan niya para sa mga kabataang mula sa mahirap na pamilya pero may pangarap.
“Mas matamis ang tagumpay mula sa mapait na paglalakbay.”