Maricel Soriano on good terms with all her exes except one

Maricel Soriano reveals she is not friends with one of her ex-partners: “Hulaan niyo na lang kung sino.” 

PHOTO/S: YOUTUBE (MARICEL SORIANO)

Naging prangka si Maricel Soriano sa pagsasabing hindi na niya kailangan ng love life sa puntong ito ng kanyang buhay.

Ayon sa tinaguriang Diamond Star ng local showbiz, ang gusto lang niya ngayon ay ituon ang atensiyon sa pagtatrabaho na siyang nagpapasaya sa kanya.

Si Maricel ang guest ni Korina Sanchez sa Korina Interviews ng Net25 YouTube channel na inilabas noong January 21, 2024.

Inusisa si Maricel kung friends ba siya sa lahat ng kanyang nakarelasyon.

Tumango si Maricel, pero kagyat na natigilan at napaisip.

“Parang nagla-lie ako doon,” sundot niya.

Pagbawi niya, “Hindi. Hindi lahat.

“Isa lang, actually, ang hindi,” sundot ng aktres.

“E, hulaan niyo na lang kung sino. I cannot say the name.”

Pagpapatuloy ng multi-awarded actress, karamihan naman sa mga nakarelasyon nito ay maituturing niyang kaibigan.

“Pero majority [of them] okay ako sa lahat, except for one person.”

Hindi na pinangalanan ni Maricel kung sino ang dating karelasyon na hindi niya kaibigan hanggang sa ngayon.

Naging asawa noon ni Maricel si Edu Manzano. Ikinasal sila noong 1989, subalit naghiwalay matapos ang dalawang taon.

Ang malinaw ay magkaibigan pa rin sina Maricel at Edu. Vocal din ang dalawa sa pagsasabing maayos ang kanilang samahan.

Nakarelasyon din niya noon ang former action star na si Ronnie Ricketts.

Nag-ampon sila noon ng isang batang lalaki, si Marron, na ngayon ay 37 anyos na.

Nauwi rin sa paghihiwalay ang pagsasama nila ni Ronnie.

Sumunod na nakarelasyon ni Maricel ang businessman na si Cesar Jalosjos.

Nagkaanak sila ng isa, si Sebastien, na ngayon ay 31 anyos na.

Sa interview ni Korina, consistent si Maricel sa kanyang mensaheng maayos na ang lagay niya kahit walang love life.

“I’m okay because I’m okay. Without a man in my life, okay lang ako,” giit ng dramatic actress.

May mga pagkakataong sinikap ni Korina na usisain si Maricel sa usaping pag-ibig, pero malinaw sa mga pahayag ni Maricel na hindi siya interesado.

“Wala akong panahon. Kasi gusto kong magtrabaho lang nang magtrabaho para sa mga anak ko naman,” aniya.

Nagbiro pa si Korina na ayaw talaga ni Maricel na pag-usapan ang tungkol sa buhay pag-ibig.

Hirit ni Maricel, “E, kasi nga ngayon busy ako.

“Baka ma-‘Who is this?’ ko pa siya, di ba?” dagdag niya at nagmuwestrang nakikipag-usap sa telepono.