After two decades in PH showbiz, Miles Ocampo receives first acting award.
Simple pero may kurot sa puso ang acceptance speech ni Miles Ocampo nang masungkit ang Best Supporting Actress Award para sa pelikulang Family of Two sa Metro Manila Film Festival 2023 Gabi Ng Parangal.
Tinalo ni Miles ang ibang nominado na sina Agot Isidro (Becky & Badette), Alessandra de Rossi (Firefly), Gloria Diaz (Mallari), at Janella Salvador (Mallari).
Bakas ang magkahalong gulat at tuwa sa mukha ni Miles nang tawagin ang kanyang pangalan.
Noong una ay hindi pa kasi naisama si Miles sa VTR ng mga nominado para sa Best Supporting Actress, kaya hindi rin naanunsiyo ng hosts ang kanyang pangalan sa mga nominado.
Nang buksan ng presenter na si Kaladkaren ang envelope na naglalaman ng winner, napahinto siya at hindi muna inanunsiyo ang winner.
Hinintay ni Kaladkaren na maihabol ng hosts na sina Giselle Sanchez at Eisel Serrano ang pag-anunsiyo na kasama si Miles sa mga nominado bilang Best Supporting Actress.
Kaya nakadagdag pa ito sa sorpresa nang tawagin si Miles bilang winner sa naturang kategorya.
Katabi ni Miles sa audience ang lead stars ng Family of Two na sina Alden Richards at Sharon Cuneta, na agad nag-congratulate sa dalaga.
Pagtungtong ng stage, inihayag ni Miles ang saya sa pagkilala sa kanyang galing sa pag-arte sa Family of Two, kunsaan gumanap siya bilang nobya ng karakter ni Alden.
“Hala! Six years old ako nag-start sa industriya. 27 na ako next year, first time ko nakatanggap ng award,” masiglang bungad ni Miles.
Patuloy niya: “Ganito pa pala feeling ng mga artista. Sobrang pinag-isipan ko po kung tatanggapin ko itong project na ito.
“Alam ito ng team. Kakatapos ko lang po operahan, baka sabihin mukha akong nanay ni Alden.”
April 14 nang ihayag ni Miles sa kanyang Instagram na na-diagnose siya na may Papillary Thyroid Carcinoma at sumailalim ng thyroidectomy surgery para alisin ang kanyang thyroid glands.
Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng scar sa kanyang leeg.
Sa pagpapatuloy ng kanyang speech, nagpasalamat si Miles sa director ng Family of Two na si Nuel Crisostomo Naval at producer na Cineko Productions.
“To Crown Artist Management… thank you much. Sa pamilya ko po… Pina-practice ko lang to dati, may award na tayo!
“Sa lahat ng hanggang ngayon naniniwala sa kaya ko, maraming-maraming salamat po,” ani Miles.
Sabay emosyonal na dagdag niya: “Lord, andami po nangyari ngayong taon, pero thank you po. Thank you po sa lahat ng bumubo ng MMFF, marami pong salamat!”
Isa pang pinagdaanan ni Miles bago nagtapos ang taon ay ang hiwalayan nila ng nobyo na si Elijah Canlas.
Humigit kumulang dalawang taon silang magkarelasyon.
Incidentally, dumalo rin si Elijah sa MMFF 2023 Gabi Ng Parangal dahil bahagi siya ng cast ng Gomburza. Isa rin si Elijah sa presenters sa awards night.
MMFF 2023 PRODUCTION MISHAP
May isa pang pagkakamali sa VTR para sa Best Supporting Actress nominees, na kinorek na lamang matapos ang isang commercial gap.
Hindi rin naanunsiyo ang pangalan ni Agot Isidro dahil sa halip na pangalan niya ay pangalan ni Eugene Domingo ang inilagay sa VTR at inanunsiyo ng host.
Humingi ng paumanhin ang hosts dahil sa “erroneous VTR regarding the best supporting actress nominees.”
Sabi pa ng hosts na sina Eisel Serrano at Giselle Sanchez: “The correct list of nominees for Best Suppporting Actress are Agot Isidro for Becky & Badette, Miles Ocampo for Family of Two, Alessandra de Rossi for Firefly, Gloria Diaz for Mallari, and Janella Salvador for Mallari.”