Ang 21-year-old na si Brooke Bruk-Jackson ang kinoronahan bilang Miss Universe Zimbabwe noong September 16, 2023.
Siya ang magiging kinatawan ng naturang African nation sa gaganaping Miss Universe pageant sa El Salvador this coming November.
Pero napuno ng ingay ang pagwawagi ni Brooke bilang Miss Zimbabwe.
Makalipas ang 22 years, ngayon na lang uli ginanap ang Miss Universe Zimbabwe beauty contest, at ngayon na lang uli lalahok ang naturang bansa sa Miss Universe pageant.
Ayon sa mga kritiko, si Brooke ay hindi “accurate representation” ng pangkalahatang populasyon ng Zimbabwe.
Bagaman at isinilang at lumaki sa Harare, ang capital ng Zimbabwe, isang white si Brooke.
Ang 98 percent ng populasyon ng Zimbabwe ay black.
Naging mitsa pa ito ng kontrobersya.
Para sa mga kritiko ng pageant, isa itong malaking problema.
Ang argumento ng mga may disgusto sa panalo ni Brooke, may mantsa ito ng racial bias.
Nanalo lang umano siya dahil siya ay white.
Komento ng isang kritiko sa X (formerly Twitter), “All those beautiful melanated women, and you telling me the European woman won a contest for Black people?”
Post naman ng isa sa Instagram, “I’m not supporting this at all and I’m not here to argue with [anybody].
“Black people should learn to love and respect themselves. Stop sending a white girl to represent Zimbabwe.”
Ang Miss Universe Zimbabwe ang national preliminary event kung saan ang mananalo ang magiging kinatawan ng bansa para sa Miss Universe pageant.
Ang mga contestants ay nagmula sa 10 probinsya ng Zimbabwe.
Maaaring lumahok dito ang Zimbabwean nationals na nagmula sa ibang bansa.
Si Brooke ang ikalawang white woman na nagwagi ng national African beauty pageant ngayong 2023.
Ang una ay si Miss South Africa Natasha Joubert.
Pero itinuturing na mas kontrobersiyal ang panalo ni Brooke dahil sa mas malalim ang pagkakawatak-watak ng racial landscape ng Zimbabwe.
Nag-ugat ito sa kasaysayan ng land reform ng naturang bansa, at pag-alis doon ng mga white inhabitants.
Para sa mga kritiko ng pageant, nakapagtataka na bilang nag-iisang white woman sa 25 contestants, si Brooke pa ang tinanghal na winner.
Who is Brooke Bruk-Jackson?
Si Brooke ay kasalukuyang employed bilang beauty therapist. Isa rin siyang part-time model.
Nagtapos siya ng senior high school sa Chispite Senior School sa Harare.
After senior high school, nag-aral siya sa British Academy of Fashion Design sa London, kung saan natanggap niya angdiploma.
Noong October 2022, pinapirma siya ng kontrata ng Boss Models South Africa, isang modeling talent agency sa Cape Town.
Sa kabila naman ng mga batikos, may mga nagtanggol din kay Brooke.
Ayon sa kanyang supporters sa social media, well-deserved ang kanyang panalo.
Tinukoy ng mga ito ang pambihirang galing ni Brooke sa question and answer portion, bukod pa ang kanyang modeling prowess.