MMFF 2023 Gabi ng Parangal sidelights: Indie actor Cedrick Juan tinalo sina Piolo Pascual, Dingdong Dantes, at Alden Richards

Best Supporting Actress winner Miles Ocampo, di nabanggit sa mga nominado.

Naging maningning ang Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2023 na ginanap sa New Frontier Theater ngayong Miyerkules ng gabi, Disyembre 27, 2023, dahil sa pagdalo ng mga sikat na artistang may mga kalahok na pelikula at may layuning himukin ang mga Pilipinong bumalik sa panonood ng sine.

Mabilis ang pamamahagi ng mga parangal dahil, tulad ng mga nakaraang taon, wala na ang mga nakasanayang production number.

Pero hindi pa rin naiwasan ang mga pagkakamali tulad ng hindi pagkakabanggit sa pangalan ni Miles Ocampo bilang nominado sa best supporting actress category, pero siya ang nagwagi para sa kanyang pagganap sa Family of Two.

Knock! Knock! It's MILES OCAMPO, MMFF 2023 BEST SUPPORTING ACTRESS! - YouTube

Humingi ng paumanhin ang mga host na sina Giselle Sanchez at Eisel Serrano dahil bukod sa pagkakaligwak sa pangalan ni Miles, nagkamali rin sa pagbanggit sa pangalan ni Eugene Domingo sa kategorya ng best supporting actress.

Si Agot Isidro na co-star ni Eugene sa Becky & Badette ang best supporting actress nominee at hindi si Eugene, dahil nominado si Eugene sa best actress category.

Nang sabihin ng direktor na si Zig Dulay na “Yehey, dadami yung sinehan namin,” nagsabi siya ng totoo dahil tiyak na madaragdagan ang mga sinehang pagtatanghalan ng Firefly, ang hinirang na best picture ng 49th MMFF.

Bahagi ng pasasalamat ni Direk Zig: “Nagbabalik na po ang GMA Pictures at GMA Public Affairs, at sa pamamagitan ng Firefly, nagbibigay sila ng pangakong magpapatuloy sa paggawa ng pelikula na may puso, dekalidad, at may kabuluhan.

“Iniaalay namin ang pelikula sa lahat ng taong naniniwala sa kapangyarihan ng pangarap, kapangyarihan ng pag-ibig, at kapangyarihan ng sining. Maraming-maraming salamat po.”

zig dulay firefly

Ang best actor winner na si Cedrick Juan ang gumanap na Padre Burgos sa GomBurZa, ang isa sa mga nagbigay ng pinakasinserong acceptance speech kaya may mga napaiyak sa kanyang mga binitiwang salita.

Mapagkumbabang ipinakilala ni Cedrick ang sarili at hindi niya napigilang mapaluha dahil sa sobrang kaligayahan na nararamdaman.

“Magpapakilala lang po ako sa inyong lahat. Marami sa inyo ang hindi nakakakilala sa akin. Ako po si Cedric Juan,” umpisa ng talumpati ni Cedrick.

Hindi nakalimutang pasalamatan ni Cedrick ang lahat ng mga taong nagtiwala sa kanyang kakayahan.

“Iniaalay ko ang parangal na ito para sa lahat ng mga Pilipinong hindi nakakakuha ng tamang hustisya,” pahayag ni Cedrick.

Tinalo ni Cedrick sa best actor category ang mga A-lister actors na sina Piolo Pascual (Mallari), Alden Richards (Family of Two), at Dingdong Dantes (Rewind), pero bakas sa mukha ng tatlo ang tuwa dahil sa tagumpay ng GomBurZa actor.

Makatutulong ang panalo ni Cedrick para madagdagan ang mga tatangkilik sa GomBurZa dahil nagkaroon ng interes ang mga taong mapanood ang kanyang award-winning performance.

Napaluha rin ang Star for All Seasons na si Vilma Santos na hindi umaasang mananalong pinakamahusay na aktres dahil magagaling ang mga aktres sa kanyang kategorya.

Nanalo si Vilma para sa comeback movie niyang When I Met You In Tokyo.

Ang iba pang mga nominado ay sina Sharon Cuneta (Family of Two), Marian Rivera (Rewind), Eugene Domingo (Becky & Badette), Pokwang (Becky & Badette), at Beauty Gonzalez (Kampon).

Aniya, “Hindi ko po ine-expect ito. Ang adbokasiya lang po namin talaga when we did When I Met You In Tokyo is not even the best actress o best actor, we just wanted to do a simple love story sa edad po namin.

“Pero ang talagang adbokasiya po namin ay maging successful ang Metro Manila Film Festival, and at the same time, mabalik po sana yung mga tao sa sine. Yun po ang aming inaasam-asam.”

Không có mô tả.