Puwedeng maghain ng reklamo ang naulilang pamilya ng veteran actor na si Ronaldo Valdez dahil sa pagkalat ng video ng mga huling sandali ng kanyang buhay, ayon sa isang abogadong hiningan ng opinyon ng Cabinet Files.
“Puwedeng maghain ng reklamo. It’s a criminal case.
“But even then sa civil code, may violation of privacy yan. Damages pa rin.
“Dapat igalang yung mga ganyang moment. Kawawa naman,” pahayag ng abogado, na hindi nagustuhan ang ginawa ng hindi pa nakikilalang taong pinagmulan ng sensitibong video.
Idinagdag ng abogado na madaling matutukoy ng mga naulila ni Ronaldo ang kumuha ng video dahil sa mga taong pumasok sa tahanan ni Janno Gibbs sa Quezon City noong Linggo, Disyembre 17, 2023, para imbestigahan ang nangyari sa kanyang pumanaw na ama.
Imbestigahan ang mga imbestigador ang panawagan ng netizens na nanlumo dahil sa pagkalat ng video na maituturing na paglapastangan sa isang namatay o desecration of the dead.
Hindi nagkulang si Janno sa paghingi ng paunawa mula sa publiko nang kumpirmahin niya ang pagkamatay ng ama sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag noong Lunes, Disyembre 18, 2023, kasunod ang hiling na igalang ng publiko ang pagdadalamhati ng kanilang pamilya.
Sa kabila ng magalang na pakiusap ni Janno, nagpaunlak sa pagpapainterbyu sa mga news organization at news program ang mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD).
Detalyadong ikinuwento ng mga kinatawan ng QCPD ang resulta ng imbestigasyon nila sa pagpanaw ng beteranong aktor, na inalisan ng dignidad nang kumalat ang sensitibong video ng mga huling sandali ng kanyang buhay.
Ngayong Martes ng gabi, Disyembre 19, ang huling lamay sa cremated remains ni Ronaldo sa Garden Suite ng Loyola Memorial Chapels and Crematorium sa Guadalupe, Makati City.
Patuloy na ipinagluluksa ng showbiz industry ang pagkawala ni Ronaldo.
Binigyang-pugay siya ng Eastwood Walk of Fame sa Eastwood, Libis, Quezon City, sa pamamagitan ng pagtitirik ng kandila, paglalagay ng larawan niya, at bulaklak sa kanyang bituin.
Muling naging prominente sa buhay ni Ronaldo ang numero 7 dahil binigyan siya ng sariling bituin sa ika-pitong taon ng Eastwalk Walk of Fame noong Disyembre 1, 2012.
Hitik sa numero 7 ang buhay ni Ronaldo.
Isinilang siya noong Nobyembre 27, 1946.
Binawian siya ng buhay sa edad na 77 noong Disyembre 17, 2023, Linggo, ang ika-pitong araw na nilikha ng Panginoong Diyos.
Wala nang malay habang may tama ng bala ng baril ang multi-awarded veteran actor na si Ronaldo Valdez nang matagpuan sa loob ng kanyang kuwarto sa bahay nila sa Quezon City.
Ito ang bagong impormasyong inilabas ng chief ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit na si Police Major DonDon Llapitan, ayon sa report ni Marisol Abduhrahman sa 24 Oras, nitong Lunes, December 18, 2023.
Ayon kay Llapitan, pasado alas tres ng hapon nitong Linggo, December 17, nang matagpuan si Ronaldo sa mismong kuwarto niya.
Sa statement ni Police Major Llapitan: “Si Sir Ronaldo Valdez po ay nakaupo po sa kanyang upuan, wala na pong malay.
“May tama sa kanyang right temple at yung baril na ginamit ay nasa kanyang kamay pa rin.”
Itinakbo pa umano sa pinakamalapit na ospital ang beteranong aktor pero idineklara na itong dead on arrival.
Dahil may nakitang baril sa crime scene, mabilis na isinailalim sa paraffin test ang lahat ng taong kasama ni Ronaldo sa bahay.
Bahagi raw ito ng standard operating procedure (SOP) sa mga insidenteng posibleng ginamitan ng dahas. Ngunit paglilinaw ng pulisya, hindi nito ibig sabihin na may kasalanan ang mga tinest sa nangyari.
Wala pang malinaw na motibo sa pagkamatay ni Ronaldo dahil sa ngayon ay hinihintay pa ang resulta ng paraffin and ballistic tests.
Sa inilabas na statement ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Lunes ng umaga, December 18, sinabi nilang masusi nilang iniimbestigahan ang insidente.
Ang QCPD ang unang nag-anunsiyo sa publiko sa pagkamatay ng premyadong aktor bago pa maglabas ng maikling pahayag sa Instagram ang mismong anak ni Ronaldo na si Janno Gibbs ngayong araw rin.
Mababasa sa pahayag ng QCPD (published as is): “As of today, QCPD is currently conducting a thorough investigation to ascertain the cause of the death of Mr. James Gibbs aka Ronaldo Valdez.
“We understand the importance of this matter; hence, we are working diligently to gather all relevant facts and evidence.”
Tiniyak din ng QCPD sa publiko na agad nilang ilalabas ang impormasyon sa sanhi ng pagkamatay ni Ronaldo sa sandaling matapos nila ang kanilang imbestigasyon.
Kalakip nito ang pagpapaalala nila sa publiko na iwasang gumawa ng fake news, bagkus igalang ang privacy na makapagluksa na hinihingi ng pamilya ng aktor.
Saad nila: “We assure the public that any findings from the investigation will be officially released.
“We also urge the public to refrain from concluding and respect the family’s request to grieve in private.”