Nancy McDonie, Running Man Philippines ang unang labas bilang Sparkle artist

nancy mcdonie sparkle

Hindi April Fools’ Day joke ang balita tungkol sa pagpirma ni Nancy McDonie ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center.

Opisyal itong inanunsiyo ng talent management arm ng GMA Network, Inc. ngayong Lunes, Abril 1, 2024 sa pamamagitan ng kanilang social media accounts.

Pahayag ng Sparkle GMA Artist Center: “Sparkle proudly welcomes its new international star, Nancy McDonie, to its diverse and stellar roster of talents.

“Get ready to witness her journey as she shines among the brightest stars in the industry!

“Welcome to Sparkle, Nancy.”

Higit na kilala si Nancy bilang dating miyembro ng Momoland, ang South Korean girl group na nabuwag noong Pebrero 2023.

Ibinalita sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes ng hapon na darating sa bansa si Nancy sa susunod na buwan para sa pagpirma niya ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center at ibang mga proyekto.

Ang guesting ni Nancy sa Season 2 o Winter edition ng Running Man Philippines, na mapapanood sa Mayo 2024, ang unang paglabas niya sa isang programa ng GMA-7.

Kinunan sa South Korea ang partisipasyon ni Nancy sa Winter edition ng Running Man Philippines kaya nagkaroon na ng pagkakataon ang cast members na makilala at makasama siya nang personal.

Nagpakita rin ng interes si Nancy na lumabas sa mga teleserye ng GMA-7.

Kahit contract star na siya ng talent management company ng Kapuso Network, mamamalagi si Nancy sa South Korea at pupunta lamang siya sa Pilipinas kapag may mga gagawing proyekto.

Ang South Korean-based talent management agency na ATOC ang mananatiling mamamahala sa entertainment career ni Nancy sa South Korea.

Ang Sparkle naman ang may kapangyarihang makipagnegosasyon para sa kanya sa mga papasok na proyekto niya sa Pilipinas gaya ng pelikula, concerts, TV guestings, at product endorsements.