Netizens defend Janella Salvador’s “paos ako, kayo na lang” remark in It’s Showtime

Janella Salvador on It's Showtime

Ipinagtanggol ng ilang netizens ang Kapamilya actress-singer na si Janella Salvador laban sa mga bumabatikos dito, matapos niyang bumisita sa ABS-CBN noontime show na It’s Showtime.

Noong Martes, April 2, 2024, bumisita si Janella at ang Thai actor na si Win Metawin sa Kapamilya noontime show para i-promote ang kanilang upcoming film na Under Parallel Skies.

janella salvador win metawin it's showtime

Binanggit din ni Janella ang kanyang upcoming concert at single niyang “Headtone.”

Matapos mag-promote, humingi sa kanya ng “sample” o patikim ang It’s Showtime co-host na si Kim Chiu.

Pero hindi siya napagbigyan ni Janella.

“Sample naman Janella sa bago mong…” hirit ni Kim.

Hindi pa man natatapos sa pagsasalita si Kim ay agad naman nang sumagot si Janella.

Aniya, “Medyo paos ako today, kayo na lang. Next time, promise.”

Ang sagot niyang ito ay hindi rin nakaligtas sa panunukso ni Vice Ganda.

Ginawa itong biro ng TV host-comedian sa segment ng show na “EXpecially For You,” nang ayaw magbigay ng sample ang isa sa kanilang searchee.

Banat ni Vice, “Medyo paos siya ngayon, kayo na lang.”

Kita naman sa mukha ng kanyang mga co-host ang pakagulat, maging si Kim ay napatawa na lang.