Netizens poke fun at Marian Rivera’s latest TikTok entry: “Bakit niyo kasi tinuruan mag-TikTok si Marian.”

Kumalap ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens ang bagong TikTok video ni Marian Rivera.

Ito’y matapos kumasa ng Kapuso actress sa TikTok trend na “Tube Girl” sa saliw ng kantang “Greedy” ni Tate McRae.

Nitong Biyernes, October 13, 2023, ini-upload ni Marian sa kanyang TikTok account ang bersiyon niya ng “Tube Girl,” kung saan dito ay makikita ang pagpo-posing niya sa harap ng camera habang ito’y nagso-slow-mo.

Mababasang caption niya, “Tube girl [Philippine flag] version.”

Marami sa mga netizen ang napahanga sa ganda ni Marian habang nagpo-pose sa camera, maging ang pagiging updated daw nito sa mga latest trend sa TikTok.

Komento ng isang netizen, “Bakit niyo kasi tinuruan mag TikTok si Marian. Kapag may entry na siya ayawan na e.”

Saad pa ng isa, “Oh edi inawrahan lang tayo lahat ni Marian HAHAHAHA ganda mo Marimar.”

May iba pang humirit na kapag ginawa na ni Marian ang isang TikTok trend ay ayaw na itong sundan pa ng iba.

Sabi ng isang netizen, “Kapag ikaw talaga nag TikTok, panalo na agad e, hirap nang sundan.”

Hirit pa ng isa, “Marian din pangalan ko pero hindi ko kaya to. Grabe ka na mamsh.”

Dagdag pa ng isa, “May nanalo na sa trend na to, uwian na mga beh.”

Habang isinusulat ang artikulong ito ay mayroon nang 1.3 million views sa TikTok ang video na ito ni Marian.

MARIAN ON HER TIKTOK ERA

Noong August 10 nang simulan ni Marian ang pag-a-upload ng dance cover video sa TikTok.

Kabilang sa mga patok na dance cover niya ay ang “Price Tag” ni Jessy J na ngayon ay mayroon nang 191.8 million views, “It’s Plenty” ng Burna Boys na may 130.1 million views, at ang kanta ni Marian mismo na “Sabay-Sabay Tayo” na mayroon nang 44.3 million views at this writing.

Sa panayam ni Marian sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong September 8, inamin niyang maging siya ay nagulat sa biglaang pag-viral ng una niyangTikTok dance cover.

Pagbabahagi niya, “Ginawa ko yon, nag-enjoy lang ako, e. Parang sabi ko, ‘Sige nga post ko to, try ko lang,’ tapos natulog na ako.

“Kinabukasan, ang dami kong messages, ang dami kong tawag.

“Sabi ko, ‘Anong nangyari?’ Sabi nila, ‘Sayaw ka pa.’ Okay, sige, hanggang kaya ng sched.”

Ang fans din daw niya ang nag-udyok sa kanyang pasukin ang mundo ng pagsasayaw sa TikTok.

Ani Marian, “Ang dami kasing nagsasabi sa akin na bakit hindi raw ako sumayaw kasi nami-miss na nila akong sumayaw.

“Kaya sabi ko, ‘Oo nga, why not? Bakit naman hindi?’

“Nag-try lang ako nung ‘Price Tag,’ hindi ko naman alam na magugustuhan nila.”