Newbie actress Yumi Garcia finally br.eaks silence after being dr.agged into Jelai Andres-Jon Gutierrez br.eak.up

yumi garcia
Yumi Garcia: “Alam ko na yung magkontrol ng emotions, kilala ko na yung sarili ko. Hindi na para i-gaslight ang sarili ko na hindi, okay ako. Kailangan kong maramdaman yung sakit muna bago maging okay ako at para makapag-heal ako nang maayos. Once na hindi mo maramdaman yung emotions mo, hindi mo male-learn kung saan ka talaga nasasaktan.”

Trigger Warning: Self-harm

Dumanas ng matinding depresyon si Yumi Garcia noong 2021 dahil nadamay siya sa paghihiwalay ng social media influencer at aktres na si Jelai Andres at ng asawa nito, ang dating Ex-Batallion member na si Jon Gutierrez, na kilala rin sa tawag na King Badger.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita si Yumi tungkol sa kontrobersiyang kinasangkutan niya noong 17 years old pa lamang siya at dahilan para saktan niya ang sarili sa pamamagitan ng paghihiwa sa kanyang kanang pulso.

“Nagulat po ako. Bakit ako nadamay,” reaksiyon ng singer at aspiring actress nang makausap siya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph).

Dinamdam noon nang husto ni Yumi ang mabigat na akusasyon na, diumano, siya ang nakasira sa relasyon nina Jelai at Jon. Nakadagdag pa sa depresyon niya ang matitinding mga batikos sa kanya sa social media.

“Na-trigger nang pumutok ang isyu kasi first time ko na ma-bash ng buong mundo,” pagtatapat ng ex-member ng P-Pop Generation.

Nangako si Yumi na hinding-hindi na niya uulitin ang pananakit sa sarili.

“Sinasabi nila na matapang ako, pero nung time na yon, actually, hindi.

“Palasagot daw ako pero wala naman akong sinasagot. Bashers lang ang mga sinasagot ko kasi sobra na.

“Nung time na yon, ako lang mag-isa. Hindi ko naman ine-expect na ganoon ang mangyayari sa buhay ko.

“Wala talaga akong kinausap. Ayokong sabihin yung nararamdaman ko kasi mas magiging masaya yung bashers. Talo ako dun.

“So ang ginawa ko, habang nasasaktan ako, ayokong sabihin yung term, pero nagkaroon talaga ako ng depression noon.

“Walang nakakaalam, kahit ang family ko, hindi nila alam.”

Dagdag niya, “Tumayo ako sa sarili kong mga paa. Nagpaka-strong ako. Bumalik ako nang buo na ‘yung sarili ko.”

PICKING HERSELF UP

Bukod sa pagpapakatatag sa kanyang kalooban, isinuko raw ni Yumi ang sarili sa Diyos para magkaroon siya ng kapayapaan. Inisip din niyang nangyayari ang lahat dahil gusto ng Diyos na maging matapang siya.

“Sabi ko, ‘Lord, Ikaw na po ang bahala. Ang iniisip ko po sa lahat ng mga nangyayari sa buhay ko, Lord, kaya Niyo po ba ito ginagawa sa akin para maging strong ako dahil alam Mo na weak ako?’

“Matatag na ako ngayon. Hindi na ako para magmukmok. Kontrolado ko na ang sarili ko.

“Iniisip ko na, ‘Lord, pinapatibay Mo na naman ako kaya ganito.’

“Ngayon, hindi na ako sinusumpong ng depression kasi alam ko na yung process.

“Nag-self-reflect po ako kaya natutunan ko ang gusto kong mangyari sa sarili ko. Kung ano ang gusto kong gawin sa future, kung ano ang gusto kong unahin.

“Siyempre, inuna ko ang sarili ko bago ako nagtrabaho ulit,” saad ni Yumi.

Aminado si Yumi na hindi siya nagkaroon ng normal na kabataan. Sa edad na labindalawa, nag-isip siyang wakasan ang sariling buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng isang uri ng bleaching product dahil sa mga personal na problema.

Hindi man normal ang kabataan niya, nagpapasalamat si Yumi dahil sa mga aral na kanyang natutunan.

Aniya, “Hindi po naging normal ang childhood ko pero in a good way po kasi parang hindi na ako tanga-tanga kapag tumanda na ako.

“Alam ko na yung magkontrol ng emotions, kilala ko na yung sarili ko. Hindi na para i-gaslight ang sarili ko na hindi, okay ako.

“Kailangan kong maramdaman yung sakit muna bago maging okay ako at para makapag-heal ako nang maayos.

“Once na hindi mo maramdaman yung emotions mo, hindi mo male-learn kung saan ka talaga nasasaktan.

“Inaral ko yon talaga kasi gusto kong maging okay ako kasi wala naman ibang tutulong sa akin kundi ang sarili ko.”

Ipinakikilala si Yumi sa horror movie na Marita ng Viva Films.

Tiniyak ni Yumi na tuluy-tuloy na ang pag-aartista niya dahil ito ang katuparan ng kanyang matagal na pangarap mula pa noong labindalawang taon siya.