Noontime at afternoon ratings ng GMA-7, naapektuhan ng pagkatanggal ng Tahanang Pinakamasaya

Maaaring nanibago ang televiewers sa pag-adjust sa timeslot ng mga programa ng GMA-7 sa tanghali hanggang sa hapon dahil sa pagkatanggal ng Tahanang Pinakamasaya.

Noong Biyernes, Marso 8, 2024, ang Lunchtime Movie Hits ang ipinalit sa timeslot ng Tahanang Pinakamasaya.

Ang una nilang ipinalabas ay ang pelikulang Praybet Benjamin ni Vice Ganda. Ang nakuhang rating nito ay 3.3%.

Hindi nito natalo ang rating ng Eat Bulaga! ng TV5 na naka-4.4%, at ang It’s Showtime naman ay naka-3.8%.

Napaaga ng 30 minutes ang pasok ng Abot-Kamay Na Pangarap, pero maaaring hindi sila nasanay sa maagang timeslot kaya naka-8% lamang ito.

Tumama naman sa pang-afternoon slot ang Lilet Matias: Attorney-At-Law kaya na-maintain nitong 9.2% ang rating. Ang Makiling naman ay naka-8%.

Medyo bumaba rin ang napaagang Fast Talk With Boy Abunda na 4.6%, at ang sumunod na Romantic Deception ay 2.6%.

Napaaga na rin ang Family Feud, at bumaba rin ito sa 7.7%.

Nung Biyernes ay pelikula ni Vice Ganda ang itinapat sa It’s Showtime ng Unkabogable Star.

Nung Sabado, Marso 9, ang pelikulang Tunay Na Tunay: Gets Mo? Gets Ko! (2000) nina Robin Padilla at Jolina Magdangal ang ipinalabas.

Nagtataka kami kung bakit iyon ang inere samantalang ang naka-plug ay ang The Hows of Us ng KathNiel.

Ngayong Lunes, Marso 11, ang pelikula nina Vic Sotto at Kris Aquino na My Little Bossings ang itinapat sa Eat Bulaga! ni Bossing Vic.

Wala pang balita kung may noontime show nang ipapalit sa sinibak na Tahanang Pinakamasaya.

May narinig pa kasi kaming ie-extend daw ng 30 minutes ang TikToClock. Pero wala pang announcement ang GMA-7 kung ano na ang magiging final na programming ng tanghali hanggang sa hapon.

Sa weekend naman ay comedy shows ng GMA-7 ang nasa prime time. Mas nami-maintain ng Pepito Manaloto at Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis na okay ang ratings.

Noong Sabado, Marso 9, tabla ang Lunchtime Movie Hits at Eat Bulaga! na parehong 4.3%, at ang It’s Showtime ay 3.8%.

Ang Abot-Kamay Na Pangarap ay naka-8.6%.

Ang Tadhana ay 7.1%. Ang Wish Ko Lang ay 6.4%, at ang Pinoy Crime Stories ay 5.9%.

Ang Jose and Maria’s Bonggang Villa ay 7.3%, at 3.1% ang katapat nitong Rated Korina.

Sumunod ang Pepito Manaloto na naka-10.2%, at ang katapat na The Voice Teens ay naka-5.5%.

NOEL FERRER

Noong Linggo, Marso 10, ay naka-9.7% ang Bubble Gang.

Ang katapat nitong Tao Po ay naka 1.9%, at 6% naman ang The Voice Teens.

Sumunod ang Walang Matigas na Pulis Sa Matinik Na Misis na naka-10.1%.

Pagkatapos ng action-comedy nina Senator Bong Revilla at Beauty Gonzalez, na-maintain ding mataas ang rating ng Kapuso Mo, Jessisa Soho na naka-16.7%.

Ang I Can See Your Voice na naka-3.1%, at replay episode ang sa The Boobay and Tekla Show na naka-3.7%.