Ogie Diaz debunks rumored romance between Richard Gutierrez and Barbie Imperial

Ogie Diaz debunks claim that Richard Gutierrez and Barbie Imperial arrived together at a gastropub

Pinasinungalingan ni Ogie Diaz na may “something special” sa pagitan nina Richard Gutierrez at Barbie Imperial.

Sa kanilang vlog sa YouTube kahapon, January 9, 2024, napag-usapan ni Ogie at ng co-host niyang si Mama Loi ang tungkol sa pagkakakita kina Richard at Barbie sa Tipsy Pig sa Westgate, Alabang, Muntinlupa, noong Sabado ng gabi, January 6.

Nakunan ng video ang dalawa at kumalat ito sa social media, at iniulat ito ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong Lunes, January 8.

Lumabas ang isyung ito sa gitna ng balitang hiwalay na si Richard sa asawa niyang si Sarah Lahbati.

Naninindigan si Ogie na walang namamagitan kina Richard at Barbie, ayon daw sa kanyang mapagkakatiwalaang source.

“Okay. So, yung totoo niyan, si Barbie Imperial ay isa sa mga shareholders ng Tipsy Pig.

“So, ang may share si Barbie ay yung sa Tipsy Pig Timog, Q.C., at doon sa Alabang.

“So, bilang siya ay isa sa mga may-ari ay may obligasyon yung mga may-ari na pumunta sa kanilang mga negosyo para mag-entertain ng mga bisita.

“Para maipakita sa mga bisita na yun ay puntahan ng mga artista.”

Tanong naman ni Mama Loi, “One of the owners ba si Richard?”

Sagot ni Ogie, “Ah, hindi. Walang pag-aari doon si Richard.

“Nagkataon lang na kaibigan ni Richard yung lahat ng may-ari ng Tipsy Pig.

“Oo. Parang apat na tables yun. Siyempre, nagti-table hopping yung lolo mo dahil lahat yan kaibigan niya.

“So, nung naupo siya kay Barbie, nakunan ng picture.”

Ayon pa kay Ogie, sino man daw makitang kasama ng isang lalaki o babaeng galing sa hiwalayan ay ili-link dito.

“Alam mo, kahit sino pang babae yan, lalo na kung ang lalaki o yung babae na-involve sa isang relasyon, sa isang hiwalayan, tiyak na tututukan ng mga Marites kung sino yung next na makakasama nila.

“Katulad sa hiwalayang Richard at Sarah Lahbati, di ba?

“Tapos si Sarah Lahbati, may kasamang ibang lalaki, mapi-picture-an din ang mga yun at ili-link si Sarah doon. ‘Ito na ba ang bago?’

“Ganon din si Richard. Nagkatabi lang sila for, like, how many minutes daw doon sa table, as per my source.

“E, sandali lang yun. Siyempre, pak, pak, pak, lahat ng mga kamera sa cell phone ay nag-video, nag-picture, di ba?

“Pero hindi nila alam yung mga nangyayari doon na merong selebrasyon, na dumiretso pa si Barbie sa Poblacion [Makati].”

OGIE: RICHARD STILL SAD ABOUT BREAKUP WITH SARAH

Kuwento pa ni Ogie, pagkaalis ni Barbie sa Alabang ay kasama pa nito ang ilang staff ng kanilang resto-bar sa Poblacion, isang gimikang lugar sa Makati City.

“Tinreat niya yung ibang mga friends, staff ng Tipsy Pig doon sa Poblacion, parang post-Christmas party nila.

“Pero wala na doon si Richard kasi nag-uwian na sila… si Richard naka-motor lang daw.

“So, karamihan nung mga bisita, naka-motor lang.”

Ayon sa PEP source, bantay-sarado si Richard kay Barbie.

Ipinakita raw ni Richard ang pagiging gentleman nito kay Barbie dahil inalalayan nito ang aktres nang magpunta ito sa comfort room.

May komento rito si Ogie

Aniya, “Alam mo, wala rin namang pinagkaiba yan doon kay Daniel Padilla na inaalalayan pa rin si Kathryn Bernardo doon sa AAA, yung Asian Artists Awards, di ba?

“Inaalalayan din ni Daniel si Kathryn sa kasal ni Robi Domingo at ni Maiqui [Pineda], di ba?

“Nakahawak pa rin dito [beywang]. Imagine mo, lahat yung nakatutok.

“Pero wala na sila. Ngayon, ang iniisip ng mga iba ay magkabalikan pa, di ba?

“Pansinin mo. Kaya pag ang issue ay hiwalayan, talagang ili-link mo doon yung ano.”

Sabi pa ni Ogie, “Andami naman nali-link kay Barbie. Kahit nga yung isang major stockholder ng Tipsy Pig, na-link din kay Barbie.

“Pupuwedeng totoo. Pupuwede rin namang hindi.

“Kaya lang nga, yung medyo sensitive ngayon, yung mga tao sa issue ng hiwalayan, talagang kung sino makakasama mo, ili-link ka talaga.”

Sabi rin daw ng source ni Ogie, malungkot pa rin ngayon si Richard dahil sa hiwalayan nila ng asawang si Sarah.

Kuwento raw ng source ni Ogie sa kanya, “Alam mo si Richard, ‘no, malungkot pa rin siya sa nangyari.

“Pero hindi naman puwedeng magkulong si Richard all the time sa kuwarto, kasi talagang mabuburyong siya, maloloka-loka siya.

“Kaya nag-e-enjoy yung tao.”

Kaya raw hinahayaan daw ng source ni Ogie si Richard na magliwaliw ito at aliwin ang sarili mula sa kalungkutan ng hiwalayan.

Dagdag pa ni Ogie, “Hindi naman siya nagpakalasing, kasi nga nagmu-motor.

“Kaya tingnan natin, ano, pag si Sarah naman, nalapit sa kanyang isang kaibigan na lalaki, lalo na kung yung lalaki kilala.

“Naku, tandaan mo yan, mali-link din si Sarah doon.

“Ganun lang yung kasi. Kasi nga, mainit pa yung issue ng hiwalayan.”

Hanggang ngayon ay nananatiling tikom ang bibig nina Richard, Barbie, at Sarah.

Pero si Sarah, tila nais nang maka-move on kaya in-unfollow na sina Richard, Ruffa Gutierrez, Raymond Gutierrez, at biyenang si Annabelle Rama sa Instagram.

Hindi rin naman nagpahuli si Richard at ang kanyang mga kaanak. In-unfollow rin nila si Sarah sa Instagram.