Ogie Diaz denies starting KathNiel brea.kup rum.ors

Ogie Diaz denies starting KathNiel-Andrea Brillantes rumors

Mariing itinanggi ni Ogie Diaz na sa kanya unang nanggaling ang espekulasyong hiwalay na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Noong November 8, 2023, kumalat ang balitang break na umano sina Daniel at Kathryn nang mapag-usapan ito sa vlog sa YouTube ni Ogie.

Nadawit pa rito ang pangalan ni Andrea Brillantes, na ayon kay Ogie ay nali-link kay Daniel at pasikreto pa umanong nagkikita ang dalawa.

Bagamat sinabi ni Ogie na wala pang kumpirmasyon ang kanyang ibinalita ay maraming KathNiel fans ang pumalag at nagtaas ng kilay sa kanya.

Sa X (dating Twitter), ilang araw na nag-trending si Ogie nang tawagin siyang “fake news peddler” ng KathNiel fans dahil sa sinabi nito sa kanyang vlog na wala naman daw katotohanan.

Sa pamamagitan ng vlog sa YouTube ni Ogie nitong November 12, Linggo, ipinagtanggol niya ang sarili sa mga patuloy na bumabatikos at kumukuwestiyon sa nauna niyang ibinalita.

Paglilinaw niya, hindi siya ang unang nagpakalat sa haka-hakang hiwalay na sina Kathryn at Daniel.

Saad ni Ogie, “Yung fake news na sinasabi nila, wala naman kaming binanggit dito na kinonfirm namin ang isang balita tapos mali pala.

“May kinonfirm ba kaming balita dito tapos pinanindigan namin ang balita pero fake news pala sa ending?”

Pagsang-ayon naman ng co-host niyang si Mama Loi, “Ang ibinabalita natin sa kanila yung nasasagap natin sa apat na sulok ng show business.

“Kasi tayo yung nandito sa industriya. Yung mga nakakalap natin na impormasyon, inilalatag lang natin sa kanila.”

Dagdag pa ni Ogie, “Oo nga. Kaya ngayon, in question pa yon kung totoo ba o hindi.

“Kasi kung uutusan niyo kaming i-verify lahat yung mga nasasagap namin, paano po kung may nakausap kami na mismong sangkot tapos idinenay?

“’Di ba? Paano naman kung para sa amin, confirmed yung report tapos idinenay? E, di tayo rin ang napasakay.

“Ito nga yung mga nasagap. E, madalas naman tayong ganyan, nasagap, e, di ba?”

Hindi rin daw kay Ogie unang nanggaling ang tsismis na nagwakas na ang relasyon nina Kathryn at Daniel na nagpagalit sa kanilang fans.

Galing daw ito sa isang source na ayaw magpapangalan.

Malinaw rin daw na sinabi ni Ogie noon na hindi pa ito kumpirmado kaya hindi niya malaman kung bakit siya bina-bash ngayon.

Diin ni Ogie, “Ang kinakalat namin ay sana hindi totoo at laging may ‘hindi pa ito confirmed.’

“Ito naman, yung issue dito [sa KathNiel], ayan yung mga kumakalat at bali-balita. Hindi naman sa akin unang nagsimula yan.

“May mga pagkakataon na sa more than three decades ko rito sa industriya, mayroon na akong ‘source kita, sabi mo i-quote kita. Nung kinowt kita, ang nakakaloka dinenay mo.’

“Kaya kung pipilitin niyo kaming ilabas yung resibo, e, siyempre ipapaalam muna namin sa source yon.”

Katulad ng iba, ayaw rin naman daw ni Ogie magwakas ang relasyon nina Kathryn at Daniel.

Isa raw siya sa libu-libo tagahanga ng KathNiel kaya naman ikalulungkot din niya kung may katotohanan nga ang haka-hakang hiwalay na ang dalawa.

Aniya, “Ako naman, naniniwala ako na si Daniel at Kathryn, sila pa rin naman ang ending.

“Tulad ng hiling ng mga KathNiel, at tulad din ng hiling namin sa mga nakaraan na episode, sana hindi totoo yung mga naglalabasan—na hindi sa akin nagsimula ito.

“Gusto ko lang linawin. Ayaw ko namang magtuturo kung kanino unang nanggaling ang chika.”

“KAMI PO AY HUMIHINGI NG SORRY.”

Sa huli, humingi ng paumanhin si Ogie sa lahat ng fans at celebrities na na-offend sa mga isyu na kanilang ibinabalita.

Mensahe niya, “Kung meron man kaming nasaktan dito, tao lang sila at tao lang din kami.

“Kung sa palagay niyo kami ay naka-offend, humihingi po kami ng sorry.

“Kung na-offend man yung iba sa aming mga ibinabalita rito, sa pangkalahatan po, ha, in general, kami po ay humihingi ng sorry.

“Sa mga artista po, na feeling nila na-offend namin sila, sorry po.”