Ogie Diaz fires back at Liza Soberano’s father for cursing, belittling his past

Hindi pinalampas ni Ogie Diaz ang panlalait, pagmumura, at paninira umano sa kanya ng ama ni Liza Soberano na si John.

Si Ogie ang dating talent manager ni Liza.

Kuwento ni Ogie sa vlog niya sa YouTube nitong Miyerkules, December 6, 2023, marami siyang kakilala at kaibigan na nag-send sa kanya ng screenshots sa sunud-sunod na posts ni John sa Facebook noong December 2.

Ogie Diaz fires back at Liza Soberano's father for cussing him

Sa post, galit na galit ang ama ni Liza kina Ogie at Cristy Fermin dahil sa pakikialam daw ng mga ito sa buhay ng iba, kabilang na sa personal na buhay ng kanyang anak.

Mababasa sa post ni John, base sa ibinahaging screenshot ni Ogie: “Cristy Fermin pot*ng*na mo at pot*ng*na niyong lahat na nakikialam sa may buhay nang [may] buhay…lalo na ikaw OG…mabait pa anak ko ganyan mag salita.

“bukas may live akong gagawin or sasabihin about you…You all woke up the BEAST..[angry face emojis].”

Sa hiwalay na post, binalikan din ni John ang nakaraan ni Ogie nang hindi pa ito artista.

Aniya (published as is), “OG D…bumalik ka lang ng pagtinda ng turon para yang bunganga mo hindi putak ng putak about other people’s business…ang isigaw mo na lang is TURON LUMPIA. di ba jan ka rin nag umpisa?”

Hindi naman ito pinalampas ni Ogie.

Hindi raw tama na ipagwalang-kibo lang niya ito lalo na’t wala siyang alam na kasalanan o atraso sa ama ng dati niyang alagang si Liza.

Matagal na panahong naging manager ni Liza si Ogie noong nasa pangangalaga pa lamang ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN, ang aktres.

Noong June 2022, pumirma ng kontrata si Liza sa Careless Music, ang music label at management company na pagmamay-ari ng singer-actor na si James Reid.

Buwelta ni Ogie kay John: “Yung P.I mo at P.I niyong lahat na nakialam, teka, pinakialamanan ba namin yung buhay niyo recently, Daddy?

“Ang pinag-uusapan na ngayon e, yung pagtatapos ng relasyon ng KathNiel, kaya nasaan ka doon, nasaan yung anak mo don?

“Ikaw na magsabi, nasaan?”

Hindi rin daw mawari ni Ogie kung bakit binura agad ni John ang mga post nito at hindi tinupad ang ipinangakong magla-live siya para isiwalat ang nalalaman niya sa talent manager-comedian.

Saad ni Ogie, “Hindi naman siya nag-live, binura nga niya yung kanyang announcement.

“Pero ano naman kaya ang sasabihin niya sa live niya?

“Ako, wala ako dapat ikatakot o anuman yang ila-live mo.

John Castillo Soberano Liza Soberano Father

“Kaya hihintayin ko yang pagla-live mo, Daddy John, at hintayin mo rin yung aking magiging sagot ko sa live mo.

“Doon lang ako dedepende. Hindi na ako magkukuwento pa ng nakaraan, noong nag-uumpisa pa lang si Liza.

“Hindi muna ako magkukuwento dahil dedepende muna ako sa kuwento mo.”

Suspetsa rin ni Ogie, baka dala ng kalasingan kaya nagawa ni John na siya’y pagsalitaan ng kung anu-ano.

“Hindi ko rin alam kung saan siyang nanggaling.

“Baka lasing si Daddy noong nag-post siya. Tapos noong nahimasmasan o bumaba ang tama, doon niya na-realize na mali yon kaya dinelete niya.

“Yung Liza Soberano ang topic, hindi ka gigil. Tapos itong kay KathNiel, gigil na gigil ka.

“Ano ang gusto mong patunayan, Daddy?”

Maiintindihan pa raw ni Ogie ang pagmumura sa kanya ni John dahil baka dala lang ito ng matinding galit, ngunit ang hindi raw niya mapapalampas ay ang animo’y pangungutya nito sa nakaraan ng talent manager-comedian.

Saad ni Ogie, “Yung pagumura mo, gusto ko na lang siyang ituring na expression mo yon… out of anger.

“Pero yung [sinabi mong] bumalik na lang ako sa pagtitinda ng turon, e, darling, kung nanatili akong nagtinda ng turon noong araw, wala sa kinalalagyan niya ngayon yang si Liza.

“Hindi mo ba na-realize yon, Daddy?

“Ang dali-dali mo namang makalimot. Ano, mag-iisa-isahan pa tayo kung ano ang nagawa nating kabayanihan sa isa’t isa?

“Gusto mo ba ganon?”

Dagdag pa niya, “Hindi ko naman kayo inaaway. Naka-support pa nga ako sa Lisa Frankenstein kahit na wala na sa poder ko si Liza.

“Hindi kasi para kalimutan ko yung pinagsamahan namin, yung memories namin.

“Tapos ikaw, ikaw pa talaga may ganang maggaganyan.

“Hindi naman ikaw yung nakatrabaho ko, hindi naman ikaw yung inalagaan ko.”

Liza Soberano opens up on relationship with parents – Atin Ito

OGIE TO JOHN: “DADDY, HUWAG AKO!”

Diin pa ni Ogie, maaaring matindi nga ang galit sa kanya ni John na hindi na nito nagawang balikan pa ang nakaraan ng pamilya nila na mismong si Liza raw ang nagkuwento sa kanya.

Buwelta ni Ogie, “Unang-una, Daddy, gusto ko kayong ibalik sa nakaraan, sinasabing naghihirap kayo, e, wala rin naman kayo noong araw.

“Si Liza lang talaga ang nagtaguyod sa inyo.

“Ikukuwento ko pa ba kung ano yung mga sinabi ni Liza noong araw, kung ano yung journey ng hardships ni Liza para maabot ang pangarap niya?

“Ikaw itong puro reklamo noong araw. Kung sinunod ka namin, palagay mo may mangyayaring maganda sa anak mo?”

Hindi rin daw nakakatulong ang paggawa ng eskandalo ni John sa showbiz career ngayon ni Liza.

Payo ni Ogie kay John: “Hindi maganda itong pinagkukuda mo sa Facebook page mo para kay Liza.

“Kasi feeling ko, pati yung anak mo naiirita sa mga ganyan, sa kakaganyan mo.

“E, hindi ka nga marunong magpasalamat. I’m sure nakakarating naman sa iyo yung pagsuporta namin sa bagong pelikula ni Liza kahit na wala na siya sa akin.

“Hindi sa isinusumbat ko yon ha, pero para maggaganito ka, sandali lang, marami kaming nasasabi na magaganda tungkol kay Liza, ano, may post ka ba na nagpapasalamat?

“Daddy, huwag ako. Kung may alam ka tungkol sa akin, mas marami akong alam tungkol sa yo.

“Kung gusto mo lang naman na magbulatlatan tayo dito.”

Sa huli, sinabi ni Ogie na handang-handa siyang makipag-usap kay John kung sakali mang mayroon itong problem o hinanakit sa kanya.

Aniya, “Kung gusto mo akong kausapin, Daddy, puwedeng mo akong kausapin. Open na open ang linya ko ng komunikasyon.

“Kung may sama ka ng loob, sabihin mo sa akin, kasi malay mo nga tama ka, e, di hihingi ako ng sorry.

“Pero kung hindi naman at wala kang punto sa kinukuda mo, marami akong lilinawin sa iyo.”