Original Sang’gres ng Encantadia nag-reunion sa It’s Showtime

Ang reunion ng original Sang’gres ng Encantadia ng GMA-7 ang highlight at sorpresa sa “Magpasikat” number ng grupo nina Karylle, MC Muah, Lassy Marquez, at Amy Perez ngayong Martes, Nobyembre 7, 2023.

Huling napanood na magkakasama sina Iza Calzado, Sunshine Dizon, Karylle Tatlonghari, at Diana Zubiri sa Mystified, ang fantasy movie na ipinalabas sa iflix noong 2019.

Ang espesyal na partisipasyon nila sa “Magpasikat” ng It’s Showtime, makalipas ang apat na taon, ang nagsilbing reunion nila.

diana iza sunshine karylle encantadia(From left) Diana Zubiri, Sunshine Dizon, Iza Calzado, and Karylle

Dalawang taon na mula noong Oktubre 28, 2021 nang magdesisyon si Diana at ang asawa nitong si Andy Smith na manirahan sa Adelaide, Australia, alang-alang sa kanilang tatlong anak dahil kasagsagan pa noon ng coronavirus pandemic.

Nang matanggap ni Diana ang imbitasyon ng It’s Showtime para maging bahagi siya ng pagdiriwang ng ika-labing-apat na anibersaryo sa telebisyon ng It’s Showtime, hindi siya nagdalawang-isip dahil pagkakataon na para mabisita niya ang Pilipinas at makita ang kanyang mga kaibigan at kapwa Sang’gre sa Encantadia.

Napuno ng hiyawan ang loob ng It’s Showtime studio nang lumabas sa entablado ang original Sang’gres dahil hindi inaasahan ng manonood na kumpleto nilang makikita ang mga orihinal na bida ng Encantadia.

encantadia magpasikat

Hindi man suot nina Iza, Karylle, Sunshine, at Diana ang original Encantadia costumes nila, kakulay naman ito ng mga damit na kanilang ginamit sa production number ng “Magpasikat” na may pamagat na “All I Need is my Family.”

Trending hanggang ngayon sa X at sa ibang mga social media platform ang nambulabog na surprise appearance ng OG Sang’gres sa It’s Showtime.

Patunay itong hindi pa rin sila nakakalimutan ng publiko, kahit labingwalong taon na ang nakararaan mula nang mangyari ang kanilang pagbibida sa top-rating fantasy television series noon ng Kapuso Network.

Itinuturing ng original Encantadia fans na isang kasaysayan na nagpaiyak sa kanila ang muling pagsasama-sama nina Iza, Sunshine, Karylle, at Diana na ikinagulat nila dahil nangyari ito sa It’s Showtime na programa ng ABS-CBN.

Bukod kina Iza, Sunshine, at Diana, special guests din sa “Magpasikat” production number ng team ni Karylle ang P-pop groups na BGYO at BINI, ang Taylor Swift impersonator na si Taylor Sheesh, ang singer na si Roselle Nava at ang kanyang mga anak na sina Ram at Rafa, at ang Kapuso actor na si David Licauco.