GORGY RULA
Kataku-takot na panlalait ang inabot ng bagong palit na title na noontime show ng TAPE, Inc. na Tahanang Pinakamasaya.
Buhay na buhay na naman ang bashers ng isa sa mga host ng Tahanang Pinakamasaya na si Paolo Contis dahil pinamukha sa kanya ang sinabi niya noong malayo pa ang laban ng kaso ng TAPE at nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon kaugnay sa trademark na Eat Bulaga!.
Nang kinumusta ko si Paolo ngayong Enero 7, 2024, Linggo ng umaga, natatawa na lang daw siya sa matitindi na namang bashing na inabot niya.
Pati ang mga personal na isyu ay ibinalik na naman, kagaya ng di raw pagsusustento sa mga anak, kaya paanong sabihing “tahanang pinakamasaya.”
Hindi naman daw alam ng mga taong ito kung ano ang pinaghahandaan ni Paolo sa kanyang mga anak.
Ayaw na lang daw niyang isapubliko pa dahil mga bata ang involved at wala naman daw sila sa showbiz kaya ipinagkibit-balikat na lang niya ang mga ganitong pamemersonal sa kanya.
Hanggang ngayon ay trending pa rin sa X ang hashtag na Tahanang Pinakamasaya.
Ang galing-galing nga ng ibang netizens dahil kaagad naikumpara nila ang logo ng Tahanang Pinakamasaya sa dating musical-variety show ng GMA-7 na Sunday Pinasaya na halos magkapareho raw.
Pero ito na ba talaga ang title ng noontime show nila? Hindi pa raw alam nina Paolo.
Basta sumusunod lang daw sila sa management at kung ano ang ipapagawa sa kanila sa programa.
Ang mahalaga ay masaya raw sila sa studio at hindi nagpapaapekto sa mga isyung hinaharap nito.
At sa legal side naman nito, itutuloy pa rin daw nila ang pagpa-file ng appeal, ayon sa legal counsel nilang si Atty. Maggie Abraham-Garduque.
“We will file appeal po. Under the rules, TAPE can appeal the decision of the court within 15 days to the Court of Appeals,” text sa amin ni Atty. Garduque.
Pero eto na ba talagang Tahanang Pinakamasaya ang magiging title ng noontime show ng TAPE?
Sabi ni Atty. Garduque, “Abangan po natin ang gagamitin na ba ng TAPE as its temporary title while on appeal ang case ang Tahanang Pinakamasaya or pipili pa sila ng ibang title?
“Let us watch next week po as TAPE will reveal a lot of surprises sa show next week,” dagdag na text sa amin ni Atty. Maggie.
Nakakatuwa lang daw sa mga staff at hosts dahil ipinapakita raw nila ang paniniwala ng mga artist na “the show must go on.”
Nagpapasalamat siya sa advertisers na nandun pa rin ang suporta, at pati ang GMA-7.
Ang sabi pa ni Atty. Maggie, “I want to take this opportunity rin po to thank all the people who are continuously supporting TAPE Inc. and Tahanang Pinakamasaya.
“Katulad po ng theme song namin, ‘kayo ang dahilan kaya andito pa rin ang aming programa.’
“Sa lahat ng mga advertisers namin who never lose their faith on us, salamat po talaga.
“Ito ang nagsisilbing inspirasyon sa TAPE, Inc. para ituloy ang pagbibigay ng tulong at saya.”
JERRY OLEA
Sa Battle of Noontime Shows… matira ang matibay.
Namamayagpag ang Eat Bulaga! ng Legit Dabarkads sa TV5 at CNN kung TV ratings ang pag-uusapan.
Hanggang kailan pa kaya sa noontime show sina Tito, Vic & Joey?
Ang kontrata ng TAPE sa GMA-7 ay hanggang sa katapusan ng 2024. Abang-abang tayo kung saan pupulutin ang Tahanang Pinakamasaya.
Huwag sanang magkatotoo ang hirit ng bashers na ito ay “Tahanang Pinakasayang.”
Anong malay natin, baka ang huling halakhak ay sa It’s Showtime?
NOEL FERRER
Sa “agawan” ng title na “Eat Bulaga!” ay nagkagulu-gulo rin ang mga social media account, partikular sa YouTube, Facebook at Twitter.
Hopefully, matutuldukan din ang mga ganitong usapin at bagay-bagay sa tamang panahon.
At sa pagpapatuloy ng Battle of Noontime Shows ay ang televiewers ang panalo.