Paolo Contis, itinangging may tampo sa GMA-7 dahil sa Tahanang Pinakamasaya

Paolo Contis (right) meets up with talk show host Boy Abunda (left) and former GMA-7 executive Wilma Galvante (center), who is now a content consultant for NET25.

GORGY RULA

Kinulit ko na naman si Paolo Contis kung puwede na niya kaming pagbigyan ng panayam pagkatapos ng pagsasara ng noontime show nilang Tahanang Pinakamasaya.

Pero tumanggi siya. Wala na raw siyang kailangang sabihin pa.

Natawa lang siya nang tinanong ko kung ano yung ipinost niyang magkasama sila ng dating GMA-7 executive na si Ms. Wilma Galvante, na content consultant ngayon sa NET25.

Naintriga kami sa ipinost ng Kapuso actor sa kanyang Facebook account kung saan magkasama sila ni Ma’am Wilma at ni Joshua de Guzman, na dati ring taga-GMA-7 at nasa NET25 na rin.

wilma galvante paolo contis

Caption ni Paolo sa kanyang post, “Great catching up bro Joshua de Guzman and Ma’am Wilma Galvante (3 smile emojis) AAAANNNDDD….(3 laugh emojis).”

Naintriga kami sa “AAANNNDDD” sa caption niya.

Meron ba silang pinag-uusapang project? May gagawin ba siya sa NET25?

Sabi ni Paolo, nagkumustahan lang sila dahil sa matagal na rin silang hindi nagkikita at nagkausap nang matagal-tagal.

“Nagkape lang… catch up lang kami ni Ma’am Wilma,” matipid na text ni Paolo sa PEP Troika.

May kuha ring kasama nila si Kuya Boy Abunda, pero wala raw yun.

Nagkita-kita lang daw sila roon sa tsikahan nila ni Ma’am Wilma sa Quezon City at nagkapiktyuran. Iyon lang daw yun.

Huwag na raw ako mang-intriga dahil wala talaga.

JERRY OLEA

Pagkatapos ng Tahanang PinakamasayaBubble Gang na lang ang programa ngayon ni Paolo Contis sa GMA-7.

Kaagad na nag-react si Paolo sa tanong kung totoong galit siya o may tampo sa GMA-7 dahil sa desisyon ng management sa kanilang noontime show.

Nagulat daw siya nang tinanong din siya ni Manay Lolit Solis tungkol dito.

“Huh? Saan galing yun? At bakit ako magagalit sa GMA?” mabilis na sagot sa amin ni Paolo.

“GMA has been very supportive of me ever since. Kahit nung mga panahon na mas hindi ako okay, they supported me.

“Walang reason para magalit o magtampo ako ngayon.

“Medyo mainit lang talaga siguro yung balita sa nangyari sa Tahanang Pinakamasaya and GMA kaya madaming nakakaisip ng imbentong kuwento para may pang-content sila.

“Ibigay na natin yun sa kanila. Hanapbuhay nila yun eh,” text pa ni Paolo sa PEP Troika.

NOEL FERRER

Tama ka, Tito Gorgy, ngayon magandang kausap si Pao.

Kung kasi high siya sa mga bagay-bagay, bigay todo siya at nasa frontline palagi. Laging punchline at maingay.

I’m sure marami siyang natutunan sa mga pinagdaanan niya. At bilang kilala siya, mas nagsi-sink in ang mga bagay na mahalaga ngayong may oras siyang mag-pause at mag-reflect kung baga

Iyan naman ang tool ni Pao kaya siya magaling na artista.

Sana nga, makausap natin siya nang masinsinan… soon si Paolo Contis sa PEP Troika!