Paolo Contis, nagbayad ng 300K para maging manager si Lolit

Binili noon ni Paolo Contis ang kanyang kontrata sa dati niyang manager sa halagang PHP300,000 para ma-handle siya ni Manay Lolit Solis.

Pahayag ni Paolo sa 77th birthday celebration ni Manay Lolit noong Mayo 19, 2024, Linggo sa Oriental Palace restaurant, Quezon City, “Ako ang bumili, kasi ayaw niyang gumastos.

“Hi, Nay! Happy birthday, Nay! Nung bata kasi ako, nung kasagsagan ng scam ni Nanay, talagang yung scam ang inano ko.

“Yung mom ko, hindi ko alam kung ano ang naisip, inilapit niya ako kay Nay Lolit. Sabi niya, i-manage daw ako.”

Ang scam na tinutukoy ni Paolo ay ang 1994 Manila Film Festival scandal, na magtatatlong dekada na sa darating na Hunyo 22.

Pagpapatuloy ni Paolo, “Tapos umayaw si Nay Lolit. Kasi, sabi nga niya, wala siyang maitutulong sa akin. Kasi nga, kalagitnaan ng scam yon.

“Nung nagkaroon na ako ng ibang manager after how many years, gusto ko talaga si Nay Lolit mag-handle sa akin.

“E, may iba akong manager noon. So, sa kagustuhan ko, binili ko yung kontrata ko sa manager ko para mapunta ako kay Nay Lolit.

“And simula nun, nagkagulu-gulo na ang buhay ko!”

Tawanan nang malakas ang mga bisita, at nagpatuloy si Paolo, “Kaya ayun, kita niyo… tingnan niyo ang nangyari sa akin. Actually, may dance number mamaya. Mark Herras?”

Lalong lumakas ang hagalpakan ng mga tao. Si Mark ay dating alaga ni Manay Lolit

Sundot pa ni Paolo, “Nay, thank you! Gusto ko lang magpasalamat sa lahat, yung pagmamahal mo sa akin kahit hindi ako kamahal-mahal minsan.

“Maraming salamat sa pagtatanggol mo sa akin sa mga isyu na ikaw rin naman ang may gawa.

“Oo, may sasabihin akong sikreto sa kanya, ikakalat niya yun sa iba. Tapos ipagtatanggol niya ako!

“It’s either you love her or you hate her, but me, I love you very, very much. You’re my second mom.

“Thank you for everything, Nay Lolit. Happy, happy birthday. Love you!”

Tawang-tawa at touched na touched si Manay Lolit sa birthday message sa kanya ni Paolo.

Sabi ni Manay Lolit, kay Paolo siya na-touch nang husto sa mga sinabi nito.

Pero sa totoo lang, nung nagsisimula pa lang ang programa, kung saan kinanta ni Tirso Cruz III ang theme song nila nina Inday Badiday at Helen Vela na “Through The Years,” gusto na raw niyang maiyak.

Pinipigilan lang daw niya, at nakakahiya na nagngangawa siya sa birthday lunch niya. Pero sobrang saya raw niya at ito na raw ang pinakamasaya niyang birthday celebration

Samantala, pinaimbita rin pala ni Manay Lolit si Gabby Concepcion, pero nasa Isabela lang ang aktor.

May nagparating kasi ng mensahe na gustong dalawin ni Gabby ang dating manager sa kanyang dialysis treatment. Gusto rin daw sana ni Manay Lolit na makadalo si Gabby sa kanyang birthday lunch.

Pero mabuti na ring hindi pumuwede si Gabby, at baka magiging awkward lang kapag napapag-usapan ang tungkol sa Manila Film Festival scam.

Tinitingnan ko nga si Nanette Medved kapag sinasabi iyun ni Manay Lolit, pero napapangiti lang ang dating aktres.

In all fairness, sa gitna ng mga punchline tungkol sa panghaharbat at mga so-called kagagahan ni Nay Lolit, ang mananatili talaga ay ang kanyang pagiging fiercely loyal at loving na kaibigan ng mga taong mahal niya talaga!

Maraming salamat, Nanay Lolit — at hindi lang ikaw ang masaya kundi pati na ang mga guest mong nakaramdam ng tunay na lalim ng pagmamahal mula sa iyo!