Paolo Contis no ill feelings toward GMA-7

Mariing pinabulaanan ni Paolo Contis ang kumakalat na balita na, diumano, may galit siya o tampo siya sa GMA-7 dahil sa desisyon ng management sa kinabibilangan niyang noontime show, ang Tahanang Pinakamasaya.

Hindi na pinalawig pa ng network ang kontrata nito sa TAPE, Inc. na hanggang Disyembre 2024 pa sana ang pag-ere ng noontime show sa Kapuso Network.

Ayon sa mga ulat, malaki na ang pagkakautang ng mga producer ng Tahanang Pinakamasaya sa GMA-7.

Opisyal na nagwakas ang broadcast ng Tahanang Pinakamasaya noong March 7, 2024.

Sa isang Instagram post ng GMA Network, ibinahagi nila ang pahayag ni Paolo tungkol dito.

Una muna ay hiningan nila si Paolo ng birthday wish dahil nagdiwang ang aktor ng kanyang ika-40 kaarawan noong March 14, 2024.

Saad ni Paolo, “Wala po akong wish.

“Nais ko lang pong magpasalamat sa suporta ng GMA-7 sa akin.

“Again, I wanna thank GMA for always supporting me, for always supporting the show.”

Ang show na tinutukoy ni Paolo ay ang Bubble Gang.

Dagdag pa niya, “May kumalat po na may tampo ako sa GMA. Hindi po yun totoo. Pero pagbigyan na po natin yung mga nagkakalat nun.

“Content po nila yun, para po sa kanila yun.”

Giit ng aktor: “Pero, it’s not true. I love GMA, and I’m very thankful to GMA.

“They’ve been supporting me during the time na kahit hindi ako kasupo-suporta. So, walang dahilan para magtampo ako sa GMA.”

Dahil sa pagsasara ng Tahanang Pinakamasaya, isa na lang ang natitirang show ni Paolo sa GMA, ang Bubble Gang.