Patrick Sugui denies involvement of wife Aeriel Garcia in KathNiel breakup

Patrick Sugui (second from the right) defends wife Aeriel Garcia (rightmost) against the rumor linking her to Kathryn Bernardo and Daniel Padilla (left photo) breakup: “We don’t know where all of this is coming from. But I can assure you guys, my wife has nothing to do with this.” PHOTO/S: SCREENGRAB FROM KATHNIEL FANPAGE FACEBOOK

Mariing pinabulaanan ng Pinoy Big Brother ex-housemate na si Patrick Sugui na may kaugnayan ang asawa niyang si Aeriel Garcia sa kontrobersiyal na hiwalayan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Kasalukuyan ngayong nadadawit ang pangalan ni Aeriel sa hiwalayang KathNiel, matapos siyang ituro ng ilang netizens na naging karelasyon diumano ni Daniel noong sila pa ni Kathryn.

Nag-ugat ito dalawang buwan na ang nakalipas nang mayroong mag-post sa Reddit ng isang blind item tungkol sa isang babae raw na nagngangalang “Mermaid” na naging kalandian at ka-sexual encounter ni “Disco” habang karelasyon pa nito si “K.”

Ayon pa sa nasabing blind item, madalas ang pagkikita nina “Mermaid” at “Disco” dahil nasa iisang grupo sila ng barkadahan—ang “eat squad.”

Ilan sa mga netizen ang nag-assume na ang tinutukoy na “Mermaid” ay si Aeriel, na kapangalan ng bidang character sa Disney film na The Little Mermaid.

Habang si “Disco” naman ay in-assume na si Daniel at “K,” si Kathryn.

Ang tinutukoy na “eat squad” ay ang Nguya Squad—ang barkadahang kinabibilangan nina Daniel, Kathryn, Aeriel, at mister nitong si Patrick, kasama sina Joshua Garcia, Ria Atayde, Zanjoe Marudo, Sofia Andres, Khalil Ramos, Gabbi Garcia, Alora Sasam, Dominique Roque, Marco Gumabao, at Joe Vargas.

Ayon pa sa blind item, ang nabuong relasyon nina Daniel at Aeriel ang naging dahilan kung bakit hindi raw sumipot sina Daniel at Kathryn sa kasal ni Aeriel at Patrick noong April 20, 2022.

Naungkat ang post na ito nitong Biyernes, January 12, 2024, nang mag-post sa Instagram at Facebook ang nakatatandang kapatid ni Kathryn na si Kaye Bernardo, kasunod ng pag-unfollow ni Kathryn kay Daniel at sa tatlo pang kapwa niya aktres na sina Liza Soberano, Julia Barretto, at Gillian Vicencio.

Laman ng nakakaintrigang post ni Kaye ang isang litrato ng maskara na may nakasulat na, “WE KNOW WHAT YOU DID LAST SUMMER,” at ang makahulugang caption niyang naglalaman ng mga taong nakalipas:

“(2017, 2018, 2019, 2021, 2023) – [claps, trophy, and masks emojis] and the very first one that I know (2014). [eyes emoji]”

Ayon sa ilang netizens, marahil ang mga taon na nakasulat sa caption ni Kaye ay listahan ng mga taon kung kailan nagtaksil si Daniel kay Kathryn.

Dahil dito, mabilis na nag-viral sa social media ang pangalan ni Aeriel dahil sa haka-hakang siya ang babae ni Daniel noong 2018.

Patrick Sugui

PHOTO/S: SCREENGRAB FROM KATHNIEL FANPAGE FACEBOOK
PATRICK DEFENDS AERIEL

Sa pamamagitan ng pag-post sa X (dating Twitter) mariing pinabulaanan ni Patrick ang ispekulasyong isa ang asawa niyang si Aeriel sa sumira sa relasyon nina Daniel at Kathryn.

Ani Patrick, hindi niya alam kung bakit biglang nadawit si Aeriel sa isyu ng KathNiel, gayong matagal na silang hindi aktibo sa showbiz matapos nilang magpakasal at magkaanak.

Saad ni Patrick (published as is), “Yung nanahimik kayo, pero dinamay parin sigi, kung masaya kayo diyan e. Teka, papakain lang kami ng baby.”

Sa kabila ng mga ingay na dulot ng hiwalayan ng mga kaibigan nilang sina Daniel at Kathryn, isa lang daw ang sinisiguro ngayon ni Patrick—walang katotohanan ang ibinibintang sa kanyang asawa.

Aniya, “We dont know where all of this is coming from. But i can assure you guys, my wife has nothing to do with this.

“Yung di nila pag attend sa wedding namin before, naclear na namin yung reason kung bakit di sila nakapunta.”

Sa huli, pakiusap ni Patrick sa publiko na tigilan na ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang asawa.

Sabi niya, “Stop making false accusations please.

“Were trying to live a quiet life so please stop.

“Im only talking kasi nadawit nanaman name ng wife ko. There’s no truth to this. Thats all. Salamat.”