May “significant progress” umano sa paghahanap kay Miss Grand Philippines 2023 candidate at Grade 9 teacher na si Catherine Camilon.
Ito ay ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda Jr., base sa ulat ng GMA News Online kahapon, November 6, 2023.
Kaugnay nito, hinimok ng PNP chief na sumuko na ang mga sangkot sa pagkawala ng beauty queen.
Sabi pa niya, “What can I say, there is significant progress in the investigation. And that’s why I am appealing now to those who are involved sana sumuko na.”
Ngunit tumanggi si Acorda na ilahad ang mga bagong impormasyon ukol sa kasong iprinisinta ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nauna na ring naiulat na may person of interest na sa pagkawala ni Catherine.
Ito ay isang alagad ng pulisya na diumano’y karelasyon ng dalaga.
May lumabas na ring second person of interest sa kaso, at sinampahan na rin ito ng reklamong estafa at carnapping.
Siya ang may-ari ng kotseng dala ni Catherine noong araw na siya ay biglang nawala.
Peke umano ang ibinigay nitong pangalan at address sa deed of sale ng kotse.
Patuloy pa rin umanong iniimbestigahan ang unang person of interest na isang police major ngunit hindi pa rin umano ito nagbibigay ng impormasyon tungkol sa beauty queen.
May PHP250,000 na pabuya pa rin para sa makapagtuturo ng eksaktong lokasyon ni Camilon.
October 12, 2023 huling nakita at nakausap ng mga kamag-anak niya si Catherine.