Pokwang reacts to deportation of ex-partner Lee O’Brian

Sa bisa ng reklamo ni Pokwang na ilegal na nagtatrabaho sa Pilipinas si Lee O’Brian, nagtagumpay ang Bureau of Immigration na ipa-deport pabalik sa U.S. ang 49-year-old American actor noong Lunes, Abril 8, 2024.

Si Lee ang dating karelasyon at ama ng anak ni Pokwang.

Nagtagumpay si Pokwang dahil nangyari ang kagustuhan nitong mapalayas sa Pilipinas si Lee.

Sa eksklusibong panayam sa kanya sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Huwebes ng hapon, Abril 11, tila lumambot na ang puso ni Pokwang nang tanungin tungkol sa masaklap na kapalaran ng dating karelasyon.

Pahayag niya, “Para sa ikabubuti naming dalawa and para makapaghanapbuhay na rin siya nang maayos, ako rin ganoon.

“Para makapag-provide kami nang mas maayos para sa anak namin. Kasi kapag nandito siya, alam ko, hindi naman siya makakapaghanapbuhay dito.

“Puwes, paano siya makakapag-support sa anak niya? Ganoon din naman ako, di ba?

“Habang nandito siya, ang daming nakakarating sa akin na hindi maganda na may [mga] katibayan naman, lalong hindi ako nakakapagtrabaho.

“Kawawa lang yung bata kasi hindi kami makapaghanapbuhay pareho.

“Bakit ba kami nagtatrabaho? Di para sa anak namin?”

Tuluyan nang tinuldukan ni Pokwang ang kabanata ng buhay niyang may kinalaman kay Lee, pero nagbitaw ng salita ang komedyana na hindi niya ipagkakait ang anak na si Malia sa ama nito.

Saad niya, “So, pareho lang kaming apektado.

“Pero when it comes to karapatan niya kay Malia, hindi ko naman yon ipagdadamot. Basta ayusin lang niya ang buhay niya.

“Anuman ang mangyari, tatay pa rin siya ni Malia. Hindi ko aalisin yon.

“Kung gusto ni Malia na pumunta doon [sa Amerika], then go fine.

“Kung gusto niya [Lee] na dalawin siya ni Malia sa Amerika, okay, go. Ihahatid ko pa, basta ibabalik niya sa akin.”

Sa huli, hindi maipagkakailang ang magkaroon pa rin ng maayos na kinabukasan si Lee ang nais ni Pokwang na mangyari base sa kanyang mga pahayag.

“At least for the peace of mind of both sides, makapagtrabaho siya nang maayos. Kasi nga dito, bawal siya magtrabaho, so paano ang buhay niya rito, di ba?

“Sayang kasi may pinag-aralan naman siyang tao. Gamitin niya yung natapos niya. Gamitin niya doon, magtrabaho siya.

“Mag-ipon siya, hindi lang para kay Malia, para sa sarili rin niya. Kasi 49 na siya. Ayusin na niya ang buhay niya.”