Rita Daniela admits being third party in a relationship: “Naghiwalay sila dahil sa akin.”

Inamin ng Kapuso singer-actress na si Rita Daniela na minsan sa kanyang buhay ay naranasan niyang maging third party sa dalawang taong magkarelasyon at nagmamahalan.

Rita Daniela shares experience being a third party

Nangyari ang pag-amin ni Rita nang mag-guest siya sa episode ng Sarap ‘Di Ba? ng GMA-7 noong February 10, 2024. Kasama niyang guests sina Ken Chan at Kristoffer Martin.

Dito ay sumalang siya sa segment na “True or Charot,” kung saan magsasabi siya ng isang statement at huhulaan ng ibang players kung totoo ito o hindi.

Pahayag ni Rita: “Na-experience ko maging third party sa isang relasyon. Naghiwalay sila dahil sa akin.”

Kitang-kita ang pakagulat sa mukha ng co-player niyang si Kristoffer at ang mga host ng programa na si Carmina Villarroel at ang kambal nitong anak na sina Mavy at Cassy Legaspi.

Sabi nina Kristoffer, Mavy, at Cassy, naniniwala silang hindi ito totoo dahil kilala nila si Rita bilang isang mabait na kaibigan at katrabaho.

Rita Daniela shares experience being a third party

Taliwas naman ito sa paniniwala ng ka-love team ni Rita na si Ken.

Ayon kay Ken, alam niyang nagsasabi ng totoo si Rita nang sabihin nitong nakasira ito noon ng relasyon.

Nang kumpirmahin ito ni Carmina, ipinagtapat ni Rita na tama ang hula ni Ken.

Paliwanang naman ni Rita, hindi niya alam na may karelasyon pa ang lalaking pumuporma sa kanya noon dahil nagsinungaling ito sa kanya.

Lahad niya, “Kasi usually, sabi kapag mga ganyan, wala na sila, hindi na sila okay, tapos meron pa rin pala.

“So, nung nalaman ko, siyempre tinigil ko.

“So, nung tinigil, medyo naging makulit si guy.

“So, ako naman, ginawa ko lahat para hindi siya matuloy.

“Pero siyempre, nung nalaman ni girl, naghiwalay sila.

“Also, nung nangyari kasi yun wala pa akong God nun sa buhay ko.”

Pinagsisihan at humingi raw ng tawad si Rita sa mga nasaktan niya.

Saad niya, “Nag-sorry naman ako. Lahat ginawa ko, many times [humingi ako ng tawad].”

Walang binanggit na pagkakakilanlan si Rita kung sino ang nagkahiwalay na celebrity couple dahil sa kanya, ngunit nagbigay siya ng clue na nangyari ito noong 2017 to 2018.

Pagbubunyag pa ng aktres, nagkabalikan ang showbiz couple at ngayon ay kasal na sila.

Sa kabila ng nangyari noon, masaya na ngayon si Rita kapiling ang kanyang anak na si Uno.

Noong June 15, 2023, isinapubliko ng Kapuso actress na hiwalay na sila ng non-showbiz partner at ama ng kanyang anak.

Hindi man idinetalye ni Rita ang dahilan ng pagtatapos ng mahigit apat na taong relasyon nila ng dating nobyo, sinabi niyang ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para maisalba ang relasyon nila.

“We really tried our best just like everybody else, but it didn’t work out,” sambit ni Rita.

Sa katunayan, maayos daw silang naghiwalay at hanggang ngayon ay nananatili silang magkaibigan.

Pagbabahagi ni Rita, “We’re good friends, e—very, very good.

“We’re doing our very best to co-parent Uno.

“I’m actually proud of ourselves, kaming dalawa. Kasi hangga’t maaga inaayos na namin siya.

“Para pag lumaki na si Uno, alam mo po yun, peaceful po kami and we can still be a family na wala na pong issue-issue sa both sides.”