Isiniwalat ni Ruby Rodriguez na hindi niya ipinaalam noon sa kinabibilangang noontime show na Eat Bulaga! ang paghahanap niya ng trabaho sa U.S.
Halos dalawang taon na ngayong nagtatrabaho si Ruby bilang staff member sa Philippine Consulate Office sa Los Angeles, California.
Originally, nakatakda sana siyang magsimulang magtrabaho sa Philippine Consulate noong April 2020, subalit nangyari ang pandemya.
Nakalipad si Ruby papuntang U.S. noong Mayo 2021 at saka nagsimula sa bagong trabaho.
Bago ito, 31 taong naging co-host si Ruby sa longest-running noontime show na Eat Bulaga!.
Sa interview sa kanya ng U.S.-based Filipina host na si Jannelle So na lumabas sa YouTube noong March 6, 2024, ibinahagi ni Ruby kung paano siya naghanap at nakakuha ng trabaho sa U.S.
RUBY APPLIES FOR A JOB
Hindi itinago ni Ruby na ang primary reason kung bakit nagpunta siya sa Amerika, kasama ang buo niyang pamilya, ay para maipagamot ang kanyang bunsong anak na may special needs.
Kinailangan niyang maghanap ng trabaho roon para may pangsuporta oras na mag-migrate sila.
Inilihim daw ni Ruby ang plano niyang ito.
Saad niya, “I kept quiet. It’s my private life. This is private.
“I was quiet about it because you don’t know what will happen, okay. That’s why I kept quiet.
“If it pushed through, they will know. If it doesn’t push through, no harm done. Image intact.”
Hindi rin daw niya ipinaalam ang kanyang plano sa mga katrabaho sa Eat Bulaga!, maliban sa kanyang best friend na si Pauleen Luna.
“They didn’t know. They didn’t know,” diin ni Ruby.
“The only person who knew what I was doing that’s in this business was Pauleen Luna because she’s my best friend.
“And I know she’ll keep quiet about it.”
Bagamat nalungkot daw noon si Pauleen ay hindi niya pinigilan si Ruby sa ginagawa nito para sa kanyang anak.
Natanggap daw si Ruby sa Philippine Consulate Office sa L.A. noong 2019.
Lumipad noon si Ruby sa U.S. para sa kanyang interview. Tinanong daw siya kung makapagsisimula siyang magtrabaho ng January 1, 2020.
Nakiusap daw si Ruby na magsisimula siyang magtrabaho ng April 2020 dahil kinakailangan pa niyang magpaalam sa kanyang mga katrabaho sa noontime show, lalo na sa kanyang producer na si Tony Tuviera o Mr. T.
Kuwento ni Ruby, “I said, ‘Magpapaalam lang po ako formally to our producer para hindi po ako ma-put on the spot.’”
PANDEMIC HAPPENED
Pagbalik sa Pilipinas ay nakipag-usap si Ruby kay Mr. T at ang paalam niya ay “indefinite leave.”
Nasulat din noon sa PEP.ph na sinabi sa kanya ni Mr. T na lagi itong may tahanang babalikan sa Eat Bulaga!.
Hindi natuloy ang pag-alis ni Ruby ng April 5, 2020, dahil March ay nagkaroon ng worldwide lockdown dahil sa pandemya.
Hindi rin daw pinressure si Ruby sa kanyang bagong trabaho na lumipad sa U.S. dahil sa sitwasyon noon.
Dahil na rin sa skeletal workforce, isa si Ruby sa mga hindi na tinawagan para makabalik sa Eat Bulaga!.
Nasulat ding nagkaroon ng tampo si Ruby noon dahil hindi na siya pinabalik sa noontime show.
Tinanggap niya ang teleseryeng Owe My Love noong simula ng 2021 at tinapos ito para magkaroon ng trabaho at habang naghihintay sa paglipad niya sa U.S.
Natuloy ang pag-alis ni Ruby papuntang U.S. noong May 2021.
“When they [U.S.] fully opened, I got an email, ‘Can you come now?’ I said, ‘Okay.’ Around April, I booked a ticket and arrived May 2021.
“Tapos meron pa noon, before you go to work, quarantine for ten days.
“I did that and on the tenth day, I went to work. That’s how it started.”
Bukod sa kanyang regular job, patuloy si Ruby sa pagtanggap ng corporate events sa Amerika kaya nagagawa pa rin niyang mag-perform.