S.e.xBo.mb Aira Bermudez, Sugar Mercado weigh in on Izzy Trazona’s stand on dr.ag performer son

Nagbigay ng saloobin ang SexBomb Girls members na sina Aira Bermudez at Sugar Mercado hinggil sa isyung kinasasangkutan ng kaibigan at kagrupo nilang si Izzy Trazona.

Ito ay hinggil sa pagsasapubliko ni Izzy na hindi niya lubusang tanggap ang sekswalidad ng kanyang binatang anak na si Andrei Trazona a.k.a Sofia, maging ang pagiging drag performer nito.

Sa interview nina Aira at Sugar sa Fast Talk With Boy Abunda noong Martes, September 19, 2023, hiningan sila ng reaksiyon ng host na si Boy Abunda tungkol sa paninindigan ni Izzy na huwag suportahan ang anak dahil taliwas ito sa kanyang paniniwala bilang Kristiyano.

Ayon kay Aira, naiintindihan niya ang pinanggagalingan ni Izzy, na kilala raw niyang relihiyosa. Bilang ina, baka nais lamang ni Izzy na mapabuti ang kanyang anak.

Ngunit hindi rin daw ito sapat na batayan para hindi irespeto ang desisyon ni Andrei sa kanyang sekswalidad.

Saad ni Aira, “Kasi yang si Izzy, kumare ko yan, mahal ko yan.

“Meron siyang pinaninindigan at pinaniniwalaan. Yung faith niya kay God, kailangan nating irespeto yun.

“At yung gustong mangyari ng anak niya, kailangan din nating irespeto.

“Kasi ayun naman yung laging itinuturo sa atin.”

Read: Andrei Trazona gets overwhelming support from father Michael Navarro

Isang bagay lang daw ang nakikitang mali ni Aira sa bangayan ng mag-inang Izzy at Andrei. Ito ay ang pagsasapubliko nila sa problema ng kanilang pamilya sa social media, imbes na ayusin ito in private.

Pahayag ni Aira, “Pero sana yun lang, pagdating sa problema ng pamilya, yung sinasabi natin lagi, when it comes to social media, ‘Think hard before you click.’

“Kasi yung personal na buhay natin, hindi naman nila gustong malaman yun.

“Sana na lang, nag-usap sila, hindi sa social media.”