Ang pagpanaw ng veteran actor na si Ronaldo Valdez noong Disyembre 17, 2023 at ng South Korean actor na si Lee Sun-kyun noong Disyembre 27, 2023, ay parehong kagimbal-gimbal na balita.
Bukod sa paraan ng pagpanaw nila, kapwa hindi naging maingat ang mga pulis sa pag-iimbestiga sa kanilang mga kaso.
Dalawang miyembro ng Quezon City Police District ang nasibak mula sa kanilang puwesto, sina P/Sr. Master Sgt. Wilfredo Calinao at P/Cpl. Romel Rosales, dahil sa pagkalat ng video ng mga huling sandali ng buhay ni Valdez.
Nakita sa video ang hindi maingat na imbestigasyon ng mga sangkot na pulis na basta na lamang dinampot at hinawakan ang baril nang walang anumang suot na guwantes sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Puwede kasi itong makaapekto sa pagkalap ng mga ebidensiya.
Maikukumpara ang kapabayaan ng mga nag-imbestiga sa pagkamatay ni Valdez sa maingat na imbestigasyon ng South Korean Police na nakasuot ng mga body suit at guwantes nang kunin nila ang walang buhay na katawan ni Lee mula sa sasakyan nito.
Tinakpan ng mga Korean police ng puting tela ang sasakyan ng Parasite actor habang nagsasagawa sila ng imbestigasyon.
Kung may pagkakatulad sa kaso ng pagkamatay nina Valdez at Lee, ito ay parehong sinisisi ng publiko ang mga alagad ng batas sa pagkalat sa social media ng mga impormasyon tungkol sa malagim na pagpanaw nila.
Bago pa kumalat ang kontrobersiyal na video ni Valdez, nauna nang pinagpasa-pasahan sa social media noong Disyembre 17, 2023 ang kopya ng mga detalye ng imbestigasyon ng QCPD tungkol sa pagkasawi ng yumao.
Ibinurol ang cremated remains ni Valdez sa Loyola Memorial Chapels sa Guadalupe, Makati City, mula Disyembre 18 hanggang Disyembre 19.
Pagkatapos nito, wala nang nalaman ang publiko sa pinagdalhan ng kanyang mga labi dahil nanatiling tahimik ang pamilyang naulila niya.
Gaya ni Valdez, sandali lamang ang burol sa mga labi ni Lee na namatay noong Disyembre 27, 2023, at inihatid sa kanyang huling hantungan noong Disyembre 29, 2023.
Nadidiin nang husto ang Korean Police at media sa pagkitil ni Lee sa sariling buhay dahil hindi nila pinagbigyan ang kahilingan ng aktor na gawing pribado ang pag-iimbestiga sa mga paratang laban sa kanya.
Inakusahan siyang gumagamit ng illegal substance, at ito ay mariin niyang itinanggi.
Sinabi ni Lee na biktima ito ng extortion ng isang bar waitress na nilinlang siya para gumamit ng drugs kaya hiniling niya sa pulis na isailalim sa lie-detector test ang nag-akusa sa kanya.
Lumilitaw na nagsasabi si Lee ng totoo dahil negatibo ang resulta ng lahat ng mga drug test sa kanya.
Isinapubliko ng news site na Dispatch ang text-message exchange ng bar waitress pati na rin ng accomplice.
Makikita ang plano nilang panghuhuthot ng milyun-milyong won kay Lee.
Ayon sa report, naging drug case suspect ang aktor sa loob ng 71 days, pero naging victim of threats siya sa loob ng 105 days.
Kinokondena ngayon ng mga nagmamalasakit kay Lee ang mga pulis sa likod ng mga akusasyon laban sa aktor.
Naniniwala silang buhay pa sana ang South Koren actor kung pinagbigyan ng mga pulis ang kahilingan niyang gawing pribado ang imbestigasyon habang hindi pa kumpleto ang mga detalye at wala pang matibay na ebidensiya laban kay Lee.