Season 2 ng Running Man Philippines kasado na; controversial actress papasok sa Eat Bulaga!

Kasado na raw ang season 2 ng Running Man Philippines.

Wala pa namang kumpirmasyon sa GMA-7, pero ang latest na nasagap ng PEP Troika ay sa South Korea pa rin daw ito kukunan kahit sobrang lamig ngayon doon.

Same cast pa rin daw ang kasali: sina Glaiza de Castro, Mikael Daez, Buboy Villar, Kokoy de Santos, Lexi Gonzales, Angel Guardian, at Ruru Madrid.

Pero mukhang hindi raw kakayanin ni Ruru dahil sa tuluy-tuloy pa rin ang taping niya sa Black Rider na papasok na sa Season 2. Kaya naghahanap daw sila ngayon ng puwedeng ipalit sa Kapuso Prince of Primetime.

Ang isa pang maaapektuhan kapag matutuloy na agad itong Running Man Philippines Season 2 ay ang Eat Bulaga! ng TAPE at GMA-7.

Regular hosts doon sina Buboy, Glaiza, at Kokoy. Kaya ngayon pa lang ay naghahanap na sila ng pansamantalang ipapalit sa kanila.

May narinig kaming pangalang gusto nilang isali, pero ayaw pang kumpirmahin sa amin ng taga-Eat Bulaga!. Kontrobersiyal siyang aktres na isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon.

Siguradong pag-uusapan ang kontrobersiyal na aktres sakaling mapasama siya sa revamped Eat Bulaga!.

Pakiwari ko, mismong ang ilang Kapuso executives ay magre-react pag napanood sa nasabing noontime show ang kontrobersiyal na aktres.

Abangan natin ang mga susunod na kaganapan!!!

Wagi sa ratings ang unang season ng Running Man Philippines kaya ikinakasa ang second season nito.

Kaya lang, 40 days sila sa South Korea kaya malaking gastos iyon sa produksiyon. Tapos, 12 episodes lang ang isang season. Nababawi ba ng GMA ang puhunan para sa programang iyan?

Maraming exciting na pasiklab ang Kapuso Network para sa 2024.

Iyong Royal Blood ay baka magkaroon ng spin-off series. Hindi iyon sequel. May mga karakter na tatawid sa isang serye pero iba ay galing sa main cast.