Seth Fedelin, hindi pine-pressure ang sariling makarelasyon si Francine Diaz

Seth Fedelin on possibility of Francine Diaz to be his future: “Hindi po malabong umabot po sa punto na ganoon, pero sa ngayon po, sasabihin ko lang, ayoko rin po magsalita nang patapos. Ayoko rin naman magmukhang masyadong nagpapakilig. Sa totoo lang po, tayo, nandoon po ako sa punto na priority ko po muna yung pelikula.”

PHOTO/S: REGAL ENTERTAINMENT INC. FACEBOOK

Mag-uumpisa sa Mayo 7, 2024 ang shooting nina Francine Diaz at Seth Fedelin para sa kanilang launching movie, ang My Future You.

Aminado ang dalawa sa kabang nararamdaman nila nang humarap sila sa mga miyembro ng entertainment media nitong Martes ng hapon, Abril 23, 2024.

Pahayag ni Francine, “Honestly speaking, siyempre may pressure kasi ito po yung first movie namin, tapos sa big screen pa.

“So, hindi lang nito sakop yung mga sumusuporta sa amin, pangkalahatan po siya.”

Ang My Future You ay mula sa panulat at direksiyon ni Crisanto B. Aquino. Ipoprodyus ito ng Regal Entertainment, Inc.

Pagpapatuloy ni Francine, “Kinakabahan din po kami pero knowing na nandito si Direk, nakakampante po kami na merong mag-aalaga sa amin. May tutulong, may gagabay.

“And siyempre po, grateful kami kasi sa amin ipinagkatiwala yung My Future You.

“Overall, grateful kami pero sobrang kinakabahan kami para sa first movie namin.

Sinang-ayunan ito ni Seth, ang ka-love team ni Francine mula pa noong 2019.

Hindi raw makapaniwala ang yoiung actor na darating ang araw na mapapanood niya ang sarili sa wide screen.

Lahad ni Seth, “Sa totoo lang po, ako po, dati po, nanonood lang ako sa sinehan at hindi ko nakikita yung sarili ko sa malaking screen.

“Itong unang pelikula sa big screen na gagawin ko, kasama ko si Francine, excited. Pero sa akin, lamang yung kaba.

“Hindi ko nakita sa sarili ko na kaya ko siyang gawin. Na makakarating ako sa kinauupuan ko po ngayon. Makakatabi ko po yung mga co-actor ko

“Hindi ko siya nakitang mangyayari sa akin, pero sobra po akong saya dahil bilang aktor, isa po ito sa mga pangarap ko.

“Isa po ito sa mga gusto naming mangyari sa art na ipinapakita namin.”

IS FRANCINE SETH’S FUTURE?

Tulad ng pamagat ng kanilang pelikulang gagawin, tinanong si Seth kung nakikita nitong hahantong sa totoong relasyon ang love team nila ni Francine.

“Maging lalaki tayo [sa pagsagot],” prangkang reaksiyon ni Seth.

“Hindi po malabong umabot po sa punto na ganoon, pero sa ngayon po, sasabihin ko lang, ayoko rin po magsalita nang patapos.

“Ayoko rin naman magmukhang masyadong nagpapakilig. Sa totoo lang po, tayo, nandoon po ako sa punto na priority ko po muna yung pelikula.

“Pero malaking tulong din po kung ano yung samahan namin ni Francine dahil makakatulong yon sa bawat eksenang gagawin namin.”

Idinagdag ni Seth na hindi niya pinipilit ang sariling magkaroon ng relasyon kay Francine dahil sa kanyang mataas na respeto sa aktres at sa mga magulang nito.

“Wala po sa isip ko na… hindi ko pine-pressure ang sarili kong maging karelasyon si Francine dahil, unang-una, lagi kong sinasabi, nirerespeto ko po yung magulang ni Francine.

“Nirerespeto ko po si Francine at hindi ko na po i-elaborate kung anuman po yung mga napag-uusapan namin ni Francine.

“Pero sa tingin ko po, alam ninyo naman po na may times kami ni Francine na nag-uusap na kaming dalawa lang.

“So, sa aming dalawa na lang po yun at darating ang panahon na yung tanong na yan, masasagot po namin nang diretso.

“Sa ngayon po talaga, hindi po namin kayang sagutin nang diretso.”