Sikat na showbiz couple, tatlo na ang anak

JERRY OLEA

Hindi na bago sa showbiz na itago ang pagbubuntis o pagkakaroon ng anak ng isang artista.

Nang ilulunsad ang isang sexy actress noong 2002, natawa siya nang tanungin kung virgin pa siya. May anak na kasi siya noon.

Matapos ilunsad ang isang mahusay na starlet noong 2021 sa mapangahas na pelikula na nag-streaming, bigla siyang nawala sa eksena. Hindi agad siya nagkaroon ng follow-up movie dahil nabuntis siya.

Sa ngayon, dalawang kilalang aktres na kapwa may-asawa ang naulinigan nating nagdadalantao.

Ayaw pang ibalita ng isang aktres sa socmed ang kanyang interesting stage pero batid iyon ng malalapit niyang kaibigan.

SHOWBIZ COUPLE, KASAL NA KAYA?

Itinanggi naman ng isang kapamilya nung isa pang aktres na preggy ito.

Iyong ganitong denial ay hindi na bago. Ginawa na iyon ng ina ng isang artista na ang kiyeme ay nag-aaral lang abroad.

Ang nakakagulat, tatlo na pala ang mga supling ng kilalang showbiz couple, pero hindi pa nila inaamin.

Minabuti nilang ilihim sa publiko iyong lumalaki nilang pamilya, pero alam iyon ng mga kaibigan nila.

Sa isang concert last year, nabanggit ng beteranong aktor na magkumpare sila ng kapwa aktor na meron nang inililihim na tatlong anak. Kumambyo si beteranong aktor na ninong ang kapwa aktor ng isa niyang anak.

Teka! Kasal na ba ang sikat na showbiz couple na may tatlong supling?

NOEL FERRER

Hindi naman nila itinatago ang relasyon nila, at least. Karapatan nilang itago at gawing personal ang anumang namamagitan sa kanila.

Pero bago sa akin na tatlo na ang kanilang mga anak. Talaga, tatlo na?

Oh well, kaya siguro kayud-kayod talaga ang mga ito para masiguro ang kinabukasan nila at ng kanilang tatlong anak.

GORGY RULA

Sabi naman daw ni aktor sa ilang malalapit na kaibigan, gusto nilang gawing pribado ang ilang bahagi ng buhay nila.

Karapatan nila yun. Kaya huwag na nating kalkalin pa at pilit paaminin ang showbiz couple tungkol sa kanilang lumalaking pamilya. Nagawa nilang itago ito sa publiko.

Kaya lang, paano kaya kapag lumalaki na ang mga bagets?

Sa totoo lang, tinatanong na iyan ng iba na paano kaya kapag lumabas na ang mga bata para mag-aral sa eskuwelahan?

Paano kapag dumating ang panahong ipagmamalaki ng mga bagets na sikat na aktor at aktres ang kanilang magulang?

Isipin din natin na darating ang araw, maaring sasabihin ng mga bata, “Tatay ko yan! Nanay ko yan!”