Sylvia Sanchez recalls how Andrea Brillantes struggled with insecurities in the past

Sylvia Sanchez and Andrea Brillantes

Ibinahagi ni Sylvia Sanchez na bata pa lang si Andrea Brillantes ay malapit na sa pamilya Atayde ang Kapamilya actress.

Ayon kay Sylvia, walong taong gulang pa lang si Andrea ay madalas na itong dumalaw sa bahay nila.

Kaya saksi raw si Sylvia sa pinagdaanan ni Andrea sa karera nito.

Sa presscon proper ng Senior High, ibinahagi ni Sylvia kung paano naging malapit sa kanya si Andrea at kung paano niya pinayuhan ang young actress sa mabigat na pinagdadaanan nito noon sa buhay.

“Si Blythe kasi, ang relasyon namin ay hindi lang sa showbiz,” bungad ni Sylvia.

“Blythe” ang palayaw ni Andrea sa mga malapit na kaibigan.

Patuloy ni Sylvia, “Eight years old siya sa E-boy, at mula eight years old siya ay pumupunta siya sa bahay at naging barkada niya si Gela kaya sila naging close.

“Ngayon, sa sinasabi niya na nung sobrang down siya, nandun ako, nandun ang pamilya ko, nakita ko yun.”

Sabay baling ni Sylvia kay Andrea, “Ngayon, tuwang-tuwa ako sa iyo. Kasi, di ba, sabi ko sa iyo ‘Nak dati, maging matapang ka, kasi walang ibang tutulong sa iyo kundi sarili mo.

“Nandiyan ang barkada, puwedeng sabihan, nandiyan ang pamilya… Di ba, sinasabihan kita iiyak lang sa Diyos yung mga pasakit na nararamdaman mo?”

Pinayuhan daw ni Sylvia si Andrea kung paano harapin ang bashers.

“Yung mga bashers, wag mong intindihin ang mga yan, bashers lang yan.

“Maganda, pangit ang gagawin mo, nandiyan sila. Haters lang ang bashers, wala silang kuwenta sa buhay natin.”

Noong bata pa raw si Andrea ay kulang daw ito ng bilib sa sarili.

“Dati ito, ang sinasabi niya sa sarili niya, ‘Di po ako maganda.’ Sinasabi ko sa kanya, ‘Nakita kita, bata ka pa lang, maganda ka.’

“Tapos ang kumpiyansiya niya sa sarili niya kulang na kulang noon. Sinasabi ko sa kanya, ‘Blythe, maganda ka, magaling ka, matalino ka. Laban.’

“Mayroon kasi siyang sinasabi noon na, ‘Maganda si ganun kaysa sa akin.’ Di totoo yun. Nakasama ko ang mga batang yun at mas maganda ka dun.”

Proud si Sylvia na makitang nag-mature si Blythe ngayong dalaga na ito.

Lahad pa ni Sylvia: “Kaya ngayon, kung anuman ang nangyayari sa iyo ngayon, akala mo lang di kita kinakausap, inoobserbahan kita.

“Ang layo ng Blythe na kilala ko na eight years old sa Blythe ngayon, at natutuwa ako.

“Lagi kong sasabihin sa iyo na yung lakas ng loob, tapang, tiwala sa sarili, ‘Nak, ha, dalhin mo yan palagi.”

Dagdag pa ng beterang aktres, “Kahit ngayon na matanda ka, isang tawag mo lang sa akin, kay Gela, kay Tito Art, sa pamilya Atayde, nandun kami.

“Kahit anong oras, kahit tulog kami, tatakbuhin ka namin. Saka ang ikakasikat mo, ikakatagal mo sa industriya, tanging ikaw lang yun saka ang Diyos.”

Sa kuwento ng Senior High, si Sylvia ay gumaganap bilang lady guard sa Northford Highschool kung saan nag-aaral ang mga kabataang artista.

Tinanong namin si Sylvia kung hindi ba siya nagdalalawang-isip na tanggapin ang supporting role samantalang ilang beses na rin siya nagbida sa mga serye ng ABS-CBN.

“Masaya, feeling ko GenZ ako,” sagot ni Sylvia.

Wala raw problema kay Sylvia ang maging supporting cast member.

“Alam mo, sa akin kasi, sa umpisa pa lang ang pangarap ko [maging] support [character] okay lang.

“Kaya nung naging bida ako, very thankful ako dun. Yung thinking ko kasi ganun, ‘Ah, hindi puro bida.’

“Ngayon, kahit bigyan ako ng maliit na role pero importante naman, okay naman sa akin, walang problema.

“Nagkataon lang it was security guard na na-offer na bago.”

Kinasal nung July 30 ang anak na Arjo Atayde at Maine Mendoza. Masaya si Sylvia sa nakikitang kaligayahan ng anak.

“Happy siya, happy ako,” maiksing saad ni Sylvia nang kamustahin ang newlywed couple.

Gusto raw niya na magkaapo na siya sa mga ito.