Talents of 1521 movie on being underpaid by producer Francis Ho: “Ang sabi po nila, sa ayaw at gusto po namin, yun lang po yung makukuha namin. Kasi nga, yan lang daw po talaga yung binigay ni producer. So, kami po, siyempre nagreklamo pa rin po kami and wala naman po kami magagawa daw.”
#1521controversy
Mababa ang sahod at walang maayos na sistema sa pagpapasuweldo.
Ito ang hinaing ng labing-apat na talents o mga “extra” sa 1521, ang international film na iprinodyus ni Francis Ho.
Si Ho ang may-ari ng Inspire Studios, isang independent production company na nakabase sa U.S.
Ang mga bida sa pelikula ay ang Filipino actress na si Bea Alonzo at American actors na sina Hector David Jr., Michael Copon, at Danny Trejo.
Boluntaryong lumapit at nagpainterbyu sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang nagpakilalang lima sa labing-apat na talents sa pelikula.
Naganap ang interview via Zoom, Linggo ng hapon, October 15, 2023.
Kasama rito ang ilang miyembro ng PEP News Team: Rachelle Siazon, deputy associate editor; Bernie Franco, deputy editor ng Non-Celebrity Section; at ang awtor na ito, staff writer.
Ang limang interviewees ay kinabibilangan nina Talent 1 at Talent 2, na parehong may edad na 20s-30s.
Sina Talent 3, Talent 4, at Talent 5 ay pawang teenagers.
Nagbigay ng permiso ang guardians ng tatlong teenagers sa kanilang pagharap sa interbyu ng PEP.ph.
Ang alegasyon ng limang talents: hindi umano sila nabayaran nang tama sa kabila ng kanilang pinaghirapang trabaho.
Kuwento ng talents, nag-audition sila bilang villagers sa pelikula.
Nang matanggap sila, labis daw nila itong ikinatuwa lalo na’t ito ang kauna-unahan nilang karanasan bilang talent sa isang pelikula.
Ngunit napalitan daw ng lubos na pagkadismaya at pagkalito ang kanilang naramdaman nang magsimula nang gumulong ang camera para sa shooting ng pelikula.
Ayon sa kanila, nagsimula ang shooting na walang ibinibigay sa kanilang kontrata kung saan malinaw na nakasaad kung magkano ang talent fee (TF) nila.
Paglalahad ni Talent 1: “Binayaran naman po kami. Pero late kami nabayaran. And wala pong agreement kung magkano.
“Nagreklamo kami noong una na, ‘How much yung TF?’ Kasi magwa-one week na, wala pong briefing about TF. Wala pong sinabi sa amin.
“Hanggang sa pinilit po naming sabihin nila sa amin.
“Kasi po gumagastos na rin po kami ng sarili po naming pera. Gumagastos kami ng pamasahe ng pagkain, etc.”
Wala rin daw ibinigay na guidelines ang produksiyon para malinaw raw sana ang pinasukan nilang trabaho.
Patuloy ni Talent 1: “Nag-question po kami about sa contract. Kasi nga siyempre, tao naman po kami, alam namin yung kalakaran din nung iba [talents].
“So, nag-ask po kami kung ano yung contract.
“And pinagpapasa-pasahan po nila kami, magwa-one week na po kaming naghahabol sa kanila, nagtatanong. Pero wala po silang ibinibigay na info.”
Sa ika-apat o ikalimang araw na ng shooting nang malaman ng talents na ang kanilang TF kada araw ay PHP300.
Si Ramon “Monch” Bravante, line producer ng 1521, ang kausap ng talents tungkol sa kanilang talent fee.
Salaysay ng talents sa PEP.ph, sinubukan nilang humingi ng dagdag na bayad lalo pa’t hindi raw biro ang trabaho bilang extra.
Dagdag pa raw rito ang tagal ng working hours, kunsaan inaabot sila ng gabi hanggang madaling-araw para lamang sa isang working day.
Pero hindi raw pumayag ang produksiyon.
Sabi ni Talent 1: “Sinabi na nga po nila na ang value po namin is only PHP300.
“So, na-shock po kaming lahat. Kaso po, ang sabi po nila, sa ayaw at gusto po namin, yun lang po yung makukuha namin. Kasi nga, yan lang daw po talaga yung ibinigay ni producer.
“So, kami po, siyempre nagreklamo pa rin po kami and wala naman po kami magagawa daw.
“Kung gusto raw po namin makuha yung sahod namin, tanggapin na lang daw po namin yung PHP300. Kung ayaw naman daw po namin, umalis na lang po kami.”
NO PROPER GUIDELINES?
Ayon sa limang talents, lahat sila ay first time na maranasan ang maging extra sa isang pelikula.
Kaya raw ikinagulat nila ang anila’y kawalan ng maayos na sistema sa produksiyon ng 1521.
Dugtong pa ni Talent 2: “Unang-una po, wala po kami totally alam sa industriya na yan.
“Dapat sila po talaga yung dapat mag-prepare ng kontrata, dapat ire-ready din po nila kami before the shoot. Yan din ang unang inaasahan namin.
“Pero that first day, talagang naisabak na lang kami sa pinapagawa nila.
“Parang apat na araw po kaming nagtatanong kung anong gagawin, tapos pinagpapasa-pasahan kami. ‘Pumunta kayo kay ganito, si Sir ano yung kausapin niyo,’ mga ganon po.
“Hanggang sa hinarap na kami ni Sir Monch, mga four to five days na kaming litung-lito kung magkano talaga rate namin.”
Hanggang sa may isang extra ang naglakas-loob na maghayag ng saloobin sa Facebook hinggil sa isyu noong sinu-shooting pa nila ang pelikula.
Sabi ni Talent 1: “Kaya naman na po nila kami hinarap kasi mayroon na pong naganap na pagpo-post [sa Facebook], mga bali-balita sa set po na magrereklamo na.
“Kaya siguro sila nagbigay na ng TF namin.”
ON ASKING FOR TRANSPORTATION FEE
Dahil ilang araw na silang nasa set, hindi na raw nagawang umatras ng limang talents na nakausap ng PEP.ph.
Tinanggap na nila ang TF na PHP300 kada araw.
Pero punto nila, kulang na kulang daw ito sa paghihirap nila, dagdag pa ang araw-araw nilang pamasahe pauwi.
Ang shooting locations nila ay sa Mitra Ranch sa Sta. Monica at sa Tagcawayan Beach sa Puerto Princesa, Palawan.
Dahil dito, naglakas loob na raw silang humingi ng karagdagang bayad para sa kanilang mga pamasahe.
Lahad ni Talent 1: “Nag-request po kami ng pamasahe, kasi kulang na kulang po talaga. Yung pamasahe pa lang po namin, kulang na po yung PHP300.
“Ang layo po ng shooting area, four to five yung iba pa rides papunta sa [shooting location].
“Pero po, to be clear din naman po, nung una pong araw, nagbibigay naman po sila ng service.
“Pero tinigil po nila kasi for VIP nga raw po. Pang-VIP yung mga service na van.”
Ang tinutukoy na VIP ni Talent 1 ay ang mga artista sa pelikula at ibang cast members na galing Manila.
Pagpapatuloy niya, “E, ang sa amin naman po, kapag umaga, wala naman pong problem yung service.
“And pag gabi lang po talaga, wala kami masakyan. Kaya nagreklamo rin po kami about sa service.
“Nagagalit pa nga po sila, e. Kasi nag-request po kami ng fare namin.
“Based lang naman po yun sa totoong fare din na talagang ginagastos namin. Kaso ang sabi nila masyadong malaki, ganyan.”
Kalaunan, pumayag ang produksiyon na magbigay ng pamasahe sa mga talents.
Sabi ni Talent 1, “Bale ang dinagdag po sa akin PHP200. Kasi po malayo rin po yung bahay ko.”
Paliwanag ni Talent 2: “Yung mga pamasahe po namin is iba-iba.
“Actually, yung mga malapit po is depende lang din po yung dagdag sa pamasahe nila.
“Like, yung sa katulad ko po is medyo malaki, kasi nga po, Irawan pa ako [umuuwi].
“Pero usually po, kapag gabi po kami nag-shoot [at] madaling-araw ang uwi namin, yung PHP300 na additional nila para sa fare po is kulang na kulang yon.
“Kasi kung magsasakay po ako ng tricycle, magha-hire po ako, isang way pa lang po yun back po dito sa area ko is PHP300 na po.”
Isa pa raw nakakausap ng talents tungkol sa kanilang TF at pamasahe ay nagngangalang Yu Bi Dian.
Ayon sa talents, si Yu ay sister-in-law ni Francis Ho at nagpakilalang finance officer ng pelikula.
Kinuwestiyon daw ni Yu Bi Dian ang mga talent na malaki ang hinihinging pamasahe.
“Nagrereklamo po yun siya, ako po kasi yata yung isa sa pinakamalaking fare na talagang dineclare. Kasi nga po malayo talaga yung area ko. Looban pa po ako, e,” sabi ni Talent 2.
Sabi naman ni Talent 3: “PHP100 pesos lang po yung additional nila [sa akin]. Para daw po may pamasahe kami pauwi. ”
Dagdag ni Talent 4: “Noong nagsabi po kami na kulang yung TF, humingi po kami ng pamasahe. Nabigyan naman po kami, siguro mga PHP100 o PHP150.”
Katuwiran naman ni Talent 4, kung tutuusin ay kulang pa rin ang ibinigay sa kanyang pamasahe.
Pahabol pa ni Talent 2: “Marami po talagang pagkakataon lalo na pag madaling-araw kami umuwi, abonado po talaga kami.
“Tapos ang sakit pa ng mga na-experience namin.”.
Tuwing sahuran, ayon pa rin sa salaysay ng talents, pahirapan umano kung ibigay sa kanila ang kanilang talent fee at allowance para sa transportation fare.
Paliwanag ni Talent 1: “Weekly po nila binibigay. Every Saturday po nila ibinibigay yung sahod po namin.
“Tapos lagi po kami nagkakagulu-gulo kasi halos ayaw po nila ibigay yung pamasahe na pina-add namin.
“Kaya lagi kami natatagalan din kapag naghihintay kami ng sahod namin.
“Bale, wala na lang po kaming choice kasi pinagtrabahuhan din po namin yun. Kaya kukunin po namin yung sahod namin.”
CONTESTING THEIR SUPPOSED CONTRACTS
Nanindigan ang limang talents na walang maayos na kasunduan tungkol sa trabaho nila sa 1521.
Taliwas ito sa pahayag ni Yu Bi Dian sa isang Facebook post noong October 1, 2023.
Sa post na iyon, nagpakilala si Yu na siya ang finance officer ng pelikula, at siniguro niyang wala raw atraso ang produksiyon pagdating sa usaping pera.
Bahagi ng pahayag ni Yu: “I want to clarify that all financial obligations have been paid in accordance with our agreements, and any accusations of non-payment are completely untrue and we have the necessary documentation to support our claims.”
Si Francisco Nebres, na natukoy na production designer ng 1521, ay naghayag din sa Facebook ng depensa para sa 1521.
Ani Nebres sa kanyang Facebook post noong September 30, 2023, lahat ng “volunteers” na talents sa pelikula ay maayos ang accommodation at nabayaran nang maayos.
Pianbulaanan ito ng talents.
Ayon kay Talent 1: “Hindi po totoo na may agreement. Nakakatawa nga po yung post na yan, e. Kasi hindi naman agreement tawag sa pinilit na yan ang sahod namin.
“Kasi iba ang napagkasunduan, napag-usapan nang maayos. Before the shoot sana ganoon, para puwede kami mag-backout, alam namin kung ano ang worth namin.
“Ilang weeks na, saka lang kami gaganunin. Talagang magrereklamo po kami.”
Lahad pa ni Talent 1, noong malapit nang matapos ang shooting ng pelikula ay may papel na sapilitan umanong pinapirmahan sa kanilang mga extra.
Hindi raw malinaw sa kanila kung ano ang dokumentong iyon.
Paglilinaw ni Talent 1, “Mayroon po sila, late na po may pinapirmahan po sila sa amin na hindi po nila sinasabi kung ano.
“And pinapamadali nila kaming pirmahan. So, hindi rin po namin nabasa kung ano yung nakalagay sa paper na yun.”
Bakit nila pinirmahan kahit hindi nila alam kung para saan iyong dokumento?
Sagot ni Talent 1, “So, nagpirmahan lang kami para makuha po namin yung sahod namin.
“Siguro mga late two weeks na po ito, o patapos na ng shooting.
“Kaya po kung may sasabihin man po sila na may contract o may pinagkasunduan, hindi po totoo yun.
“Kasi talagang parang naipit na lang po kami. Parang wala po kaming choice kung hindi i-accept na lang yung sahod namin.”
Katuwiran pa ni Talent 1, “Kasi kami naman po gumawa nun, e. Pinagpaguran naman po namin yun.”