Tamang Manalo ba ang nanalong Miss Universe Philippines 2024?

Isang Manalo ang nanalo sa Miss Universe Philippines 2024.

Pero si Chelsea Manalo at hindi si Ahtisa Manalo ang kinoronahang Miss Universe Philippines 2024.

chelsea manalo miss universe philippines 2024
PHOTO/S: NIKKO TUAZON

Marami ang hindi makapaniwalang ang 24-year-old na kandidata ng lalawigan ng Bulacan ang magwawagi dahil si Ahtisa ng Quezon Province ang pinapaboran, humakot ng special awards, at pinapalakpakan nang malakas ng mga tao sa tuwing lumalabas siya sa entablado.

Dumagundong sa loob ng Mall of Asia Arena ang malakas at iba’t ibang reaksiyon ng manonood nang tawagin ang kinatawan ng Quezon Province bilang second runner-up dahil ikinagulat nila ang resulta.

ahtisa manalo miss universe philippines 2024
Ganoon din ang kanilang inasal sa anunsiyo na ang dark-horse candidate ng Bulacan ang Miss Universe Philippines 2024 winner.

“I’m so tensed,” sabi ng isa sa mga host ng grand coronation na si Alden Richards bago niya isinigaw ang lalawigan ng kalahok na nanalo.

alden richards miss universe philippines 2024

Alden Richards 

PHOTO/S: NIKKO TUAZON
Isa itong malaking sorpresa sa lahat kaya muling umalingawngaw ang nakabibinging hiyawan ng mga nanood na pumuno sa Mall of Asia Arena, na patunay na nananatiling nangunguna at prestihiyoso ang beauty pageant na pumipili ng kandidata na ipadadala ng Pilipinas sa Miss Universe.

MISS UNIVERSE PHILIPPINES 2024 SIDELIGHTS

Eksaktong 8:23 p.m. ng Mayo 22, 2024, Miyerkules, nang mag-umpisa ang Miss Universe Philippines 2024.

Natapos ito ng madaling-araw ng Mayo 23, Huwebes, dahil tumagal ng limang oras ang koronasyon.

Pero gising na gising at halos hindi nagpakita ng pagkainip ang MOA audience na tinapos ang programa.

Kasama ni Alden na nag-host ng Miss Universe Philippines 2024 sina Miss Universe 2022 R’Bonney Gabriel, Kapuso actress Gabbi Garcia, eventologist-TV host Tim Yap, at ang American TV personality na si Jeannie Mai.

Isinabuhay mabuti ni Jeannie ang bansag sa kanyang fashion expert dahil sa maraming beses na pagpapalit niya ng mga damit sa bawat segment ng coronation night.

r'bonney gabriel jeannie mai miss universe philippines 2024

R’Bonney Gabriel and Jeannie Mai 

PHOTO/S: NIKKO TUAZON

MISS UNIVERSE PHILIPPINES 2024 GRAND CORONATION TIMELINE

9:44 p.m. nang magsimula ang swimsuit competition ng Top 20 semifinalists. Ang mga kandidata ng Iloilo, Quezon Province, Bulacan, at Palawan ang tumanggap ng malalakas na palakpakan.

10:34 p.m. ang announcement ng Top 10 candidates.

11:15 p.m. ang panayam nina R’Bonney at Jeannie kay outgoing Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee.

michelle dee r'bonney gabriel jeannie mai miss universe philippines 2024

R’Bonney Gabriel, Michelle Dee, and Jeannie Mai 

PHOTO/S: NIKKO TUAZON

11:24 p.m. ang evening gown competition.

12:07 a.m. ang Top 5 announcement.

1:18 a.m. ang deklarasyon ng nagwagi at ng kanyang mga runner-up.

ALEXIE BROOKS

Si Alexie Brooks ng Iloilo ang isa sa mga paborito na kandidata at hinuhulaang mananalo ng korona, pero hindi siya pumasok sa Top 5.

Ang unflattering green gown na ginamit ni Brooks sa evening gown competition ang sinisisi sa pagkakaligwak niya sa Top 5.

Pero hindi siya umuwing luhaan dahil sa kanya ibinigay ang koronang Miss Eco International Philippines 2024.

alexie brooks miss universe philippines 2024

“VIVAMAX MOMENT”

May Vivamax moment” ang ilan sa mga kandidata sa evening-gown segment dahil sa kanilang mga sultry pose na kinaaliwan nang husto ng manonood sa MOA.

Nagmistulang Project: Runway at fashion show ang coronation night ng Miss Universe Philippines 2024 dahil sa mga kakaiba at nakikipag-agawan ng atensiyong pananamit ng mga “wannabe-seen people” na naghatid ng karagdagang-aliw sa panonood sa Mall of Asia Arena.