TAPE lawyer: “Maaari pa rin po namin gamitin ang Eat Bulaga sa aming show.”
#EatBulagaWar
Nanindigan ang kampo ng TAPE Inc. na maari pa rin nilang gamitin ang titulong Eat Bulaga! sa kanilang noontime show dahil hindi pa pinal ang desisyon ng Intellectual Property Office (IPO) sa pagbawi nito ng kanilang trademark.
Nakansela na ito ng IPO noong December 4, 2023, kasabay nang paggawad naman nila sa TVJ nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon ng trademark ng Eat Bulaga!
Sabi ni Atty. Maggie Abraham-Garduque, abogado ng TAPE, sa ipinatawag nilang press conference kahapon, December 13, 2023, “Hindi pa po pinal ang desisyon ng adjudication officer ng BLA o Bureau of Legal Affairs, dahil appeallable pa siya, hindi pa po tapos o baga po ang findings ng adjudication officer ng Bureau of Legal Affairs ay maaaring ma-reverse o maaari ding ma-affirm on appeal.
“Kaya po ang sinasabi po namin, para wala na maging confusion at magkaroon na, ito na talaga yung desisyon, ay pagbigyan naman po natin yung apela din namin na makaakyat at marinig din at huwag po nating i-preempt ang desisyon ng body na mag-review or magtitingin ulit nitong desisyon ng adjudication officer.”
Hindi pa rin daw umabot ang kanilang apela sa director general ng IPO kundi nasa adjudication office pa lang kaya mahaba-haba pa ang tatahakin ng laban na ito.
Wala pa rin daw desisyon ang Marikina Regional Trial Court ukol naman sa copyright infringement and unfair competition complaints na inihain ng TVJ laban sa TAPE at GMA.
Dagdag pa ng abogado, “Kaya po ang desisyon po ng TAPE Inc. ay maaari pa rin po namin gamitin ang Eat Bulaga sa aming show kasi po nasa amin pa rin po ang trademark registration ito until such time na may final na desisyon na hindi na namin po puwede gamitin.”
Hindi rin diumano nakalagay sa unang desisyon ng BLA na dahil sa kanilang paggawad ng trademark sa TVJ ay bawal na nilang gamitin ang Eat Bulaga.
Wala pang reaksiyon ang TVJ ukol dito.
Pero, usap-usapan nang sa January 2024 ay gagamitin na nila ang titulong Eat Bulaga! sa kanilang noontime show sa TV5.