GORGY RULA
Nagtataka ang mga taga-Eat Bulaga! kung saan nanggagaling ang mga kumakalat na bali-balita tungkol sa kanila. Kung anu-anong kuwento ang ikinakalat sa social media na hindi naman daw totoo.
Naranasan ko mismo iyan sa radio program namin sa DZRH na may mga nagpapadala ng komento sa amin na kesyo nag-resign na raw si Paolo Contis sa Eat Bulaga!, dahil hanggang December 31, 2023 na lang daw ang naturang noontime show sa GMA-7.
Meron ding nagkakalat na maari raw makukulong ng pitong taon si Paolo dahil sa paggamit daw nito ng titulong Eat Bulaga! na pag-aari raw nina Tito, Vic & Joey.
Ang isa pang pinagtawanan na lang nila ay sinabon daw nang bonggang-bongga si ng mga Jalosjos si Paolo.
Nagsimula raw kumalat ang mga ganitong fake news nang pinag-usapan ang pagkansela sa TAPE, Inc. ng trademark ng Eat Bulaga!.
Sabi ni Paolo, hindi na siya apektado sa mga ganung isyu, pati ang mga bashing na ibinabato sa kanya.
Aniya, “Hindi naman talaga mawawala ang mga bashing and fake news lalo sa ganitong panahon. For now, we are very thankful na tuluy-tuloy ang work naming mga host.
“Masaya ako sa tiwalang binibigay sa akin ng cast, staff, lalo na ang Jalosjos family. Tuloy lang kami sa pagbigay ng tulong at saya.”
Ipinarating din namin sa legal counsel ng TAPE na si Atty. Maggie Abraham-Garduque ang mga tsimis tungkol sa Eat Bulaga! nang nagpa-presscon sila nung Miyerkules, December 13.
Nagtataka siya kung bakit si Paolo ang talagang tina-target ng trolls.
“Personal attack na sa kanila, desperate attempt to scare them obviously to pressure them to leave the show.
“This just means how our hosts are effective and tinatangkilik sila ng manonood, kaya they are the target now.”
Masaya ring ibinalita sa amin ni Atty. Maggie na lalo pa raw dumami ang sponsors ng Eat Bulaga!. Sa gitna ng mga isyung hinaharap nito, hindi raw apektado ang advertisers nila.
Ang mahalaga ay nagri-rate daw sila at masaya lang ang show.
Kahapon ay umabot daw ng 45 minutes ang commercial load ng Eat Bulaga, at ngayong araw daw ay umabot ng 53 minutes.
Sabi pa ni Atty. Maggie, “We are family in Eat Bulaga!. We, including our hosts, consider the show as ‘tahanan.’ Andiyan yung hosts namin nang nagsisimula pa lang na umahon ang Eat Bulaga! on June 5, 2023.
“Ngayong okay na ratings and commercial loads namin, ngayon pa ba sila bibitiw? Efforts din ng hosts namin.
“Kaya natanggap na ng taong bayan ang Eat Bulaga! na hindi associated with TVJ.
“Kaya alam namin na mahal ng mga hosts namin ang Eat Bulaga!.”
JERRY OLEA
Sa nakaraang media conference na ipinatawag ni Atty. Maggie Garduque, detalyado niyang ipinaliwanag kung bakit hindi pa puwedeng gamitin ng TVJ ang titulong Eat Bulaga!.
Sumusunod daw sila sa proseso na kung ano man ang desisyon ng nasa adjudication ng Bureau of Legal Affairs ng IPOPhil ay iaapela nila ito sa director general, at posible pang umabot sa Court of Appeals at Supreme Court.
Ipinakita rin niya ang kopya ng application ni Joey de Leon sa trademark ng Eat Bulaga! na pending pa rin daw hanggang ngayon.
“Hindi pa po pinal ang decision ng adjudication officer ng BLA or Bureau of Legal Affairs dahil po appealable pa siya at hindi pa po tapos yung findings ng adjudication officer ng Bureau of Legal Affairs, at maaari pa pong ma-reverse o maari ding ma-affirm on appeal.
“Kaya yung sinasabi po namin para wala na pong maging confusion at magkaroon ng eto na po talaga yung decision ay pagbigyan na po natin yung apela din namin na makaakyat at marinig din at huwag po nating i-preempt ang desisyon ng body na magri-review, magtitingin uli yung decision ng adjudication officer.
“At yun nga po, hindi pa po siya pinal ay hindi pa puwedeng i-execute. Yan naman po ay napaka-basic po sa lahat ng kaso, ng legal proceedings, ng legal processess, ng isang desisyon na hindi pa pinal ay hindi pa puwedeng i-execute.
“If you check sa website of IPO, makikita nyo pa rin po na yun pong status ng registration ng IPO, makikita nyo pa rin po na yun pong status ng registration ng IPO sa TAPE, Inc. ng Eat Bulaga! ay still registered pa rin po siya.
“Ang registration status ng TAPE Inc. for Eat Bulaga! trademark ay still registered pa rin po sa kanila. Existing pa rin po and valid.
“As regards the status of the application of Joey de Leon for trademark registration, this day po, makikita niyo po sa website and I can attest to that, ang nakalagay pa rin po ay ‘pending,'” pahayag ni Atty. Maggie.
Sabi pa ng abugado ng TAPE, nakikita nila sa mga tao na tanggap na nila ang mga hosts ng revamped Eat Bulaga!.
Kapag nakikita raw sina Paolo, Isko, at iba pang co-hosts, ang Eat Bulaga! na raw ang nakakabit sa kanila — hindi na ang TVJ.
Pagmamatuwid ni Atty. Maggie, “Ito pong pangalan [Eat Bulaga!] na ito ay sa TAPE Inc. sa napakahabang panahon.
“Yung association po ng pangalan is hindi po masasabi kung ngayon, dahil ngayon nga po may mga bago nang hosts.
“In fact, pag nakita nyo po si Yorme, nakita nyo po si Paolo Contis, Eat Bulaga! na rin ang naiisip nila.
“So, ibig sabihin, yung temporary association of the name, kaya po yan.
“Yun lang po ang sinasabi kong mga segments, ang mga kanta dahil nakalagay yung pangalan nila sa kanta, yun po ang hindi namin ginamit.
“Pero yung titulo, lahat po ng mga producer, alam po ito na puwede kang magpasok ng bagong hosts sa show mo. Puwede kang maglagay ng iba’t ibang segments sa show mo. Hindi mo kailangang magpaalam sa dati mong mga hosts.
“So, yun po ang ipinaglalaban ng TAPE, Inc. Kaya po even if…. yun po, ang Eat Bulaga! po ngayon, may mga bagong hosts na.
“Associated na rin naman po at tinanggap na ng taumbayan na ang Eat Bulaga! na may mga bagong hosts. Na pag naiisip nila ang Eat Bulaga!, hindi na TVJ ang iniiisip nila… sina Paolo Contis na, sina Yorme, and yun po yung nakikita namin. Kaya tinatangkilik siya ng mga manoood, and even the advertisers.
“Kasi, kung hindi naman po tatangkilikin ng mga manonood, hindi rin naman po ang mga advertisers makipag-transact sa TAPE Inc.”
NOEL FERRER
Bukod sa advertisers, tila hindi rin apektado ang mga manonood dahil halos ganoon pa rin ang ratings ng tatlong noontime shows.
Lamang pa rin ang E.A.T. ng TVJ at minsan ay dumidikit ang Eat Bulaga!, at nanatiling pangatlo pa rin ang It’s Showtime.
Medyo mababa ngayon ang viewership dahil halos nasa labas na mga tao na aligaga sa pamimili para sa Pasko. Madalas, kapag patapos na ang taon ay bumababa talaga ang bilang ng mga manonood sa kanilang telebisyon.
Nung nakaraang Miyerkules, December 13, ay naka-3.6% ang Eat Bulaga!, ang E.A.T. naman ay 4.3%, at ang It’s Showtime ay 2.9%.
Nung Huwebes, December 14, ay 3.1% ang Eat Bulaga!, ang E.A.T. naman ay 4.2%, at ang It’s Showtime ay 2.9% pa rin.
Sa isyu ng pangalan, hayaan na nating ang tao ang magdesisyon. Kasama na riyan ang level ng respectability sa mga taong gumagamit nito.
Hindi porke’t ginagamit at popular ay tama na.
Sana, maresolba na agad ang usaping ito nang may finality. Pero for now, pagandahan na lang ng show!