Tatlong beauty queens idinawit sa kontrobersiya nina Rob Gomez at Shaila Rebortera

rob gomez shaila rebortera magandang dilag

Sina Miss Philippines Tourism 2023 Herlene Budol, Bb. Pilipinas-Universe 2009 Bianca Manalo, at ang aspiring beauty queen na si Pearl Gonzales ang tatlo sa mga dating cast member ng Magandang Dilag na nadamay sa kontrobersiya ng alleged leaked screenshots ng mga pakikipagpalitan nila ng mensahe kay Rob Gomez.

Si Rob ang lead actor ng afternoon drama series ng GMA-7 na nagwakas noong Nobyembre 10, 2023.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ni Rob noong Miyerkules ng gabi, Disyembre 20, 2023, itinuturo niya ang ina ng kanyang anak at Miss Multinational Philippines na si Shaila Rebotera na siya umanong naglagay ng mga kontrobersiyal na screenshot sa mga social media account ng aktor na pinagpistahan ng publiko.

Isang source ng Cabinet Files ang nagsabing inagaw umano ni Shaila ang cellphone ni Rob at pilit na hiningi ang password ng mga social media account ng aktor. Kapag hindi raw ito ibinigay ng aktor, hindi ipapakita ni Shaila ang kanilang anak na si Amelia.

Reportedly, nagkaroon ng mga sugat si Rob dahil sa pag-aagawan nila ni Shaila sa kanyang cellphone, kasunod ang pagdating ng mga miyembro ng Pasig Police na tinawag para mahinto ang nangyayaring kaguluhan sa condominium unit na tinitirhan ng former beauty queen at ng anak nito.

Kabilang si Senator Sherwin Gatchalian sa mga nadamay sa gulo sa pagitan nina Rob at Shaila dahil limang taon na ang relasyon ni Bianca bilang magkasintahan.

Mula nang kumalat noong Miyerkules, Disyembre 20, 20, 2023, ang mga diumano’y screenshot ng pagpapalitan ng mensahe nina Bianca at Rob, limitado na ang puwedeng magkomento sa mga Instagram post ni Senator Gatchalian.

Nakatatanggap din ng mga batikos ang kanyang girlfriend mula sa netizens na nakikisawsaw sa isyu.

Bilang depensa kay Bianca, isang nakakaalam sa kuwento na nakausap ng Cabinet Files ang nagdeklarang walang relasyon kay Rob ang girlfriend ni Senator Gatchalian.

Aniya, parang ate lang ni Rob si Bianca na nagbibigay ng payo tungkol sa mga personal na problema ng aktor at ni Shaila.

“Ate lang si Bianca. Ate-atehan. Si Bianca, Pearl Gonzales,” sabi ng source.

“Nakikita nila, namomroblema si Rob. Kinakausap nila na hindi naman end of the world kapag nawala si Shaila.

“So, ang ginawa nila, may mga TikTok sila, sinasayawan nila si Rob, yung mga beauty queen.

“May eksena kasi sa Magandang Dilag na fashion show. Lahat ng beauty queen, inikutan si Rob para pabirong ipakita kay Shaila na hindi lang ito ang humahabol kay Rob.

“Naaawa sila kay Rob.”

Dagdag pa ng source, “Si Bianca, kawawa rin talaga para sirain nang ganoon.

“Wala talagang silang relationship. Nagpapakaate lang.

“Gusto lang magkita, nagbibigay lang ng payo kasi ate naman talaga ang dating ni Bianca kapag nakausap mo.”

Biktima rin ng bashing si Herlene, at personal ang mga atake kay Rob. Pero nadagdagan ang social media followers nila.

Samantala, deactivated na ang Instagram account ni Pearl.

Tinanong din ng Cabinet Files ang tungkol sa screenshot ng negative pregnancy test kay Herlene, na walang pahintulot na in-upload sa Instagram account ni Rob na hindi agad nabura dahil matagal bago nagkaroon ng access ang aktor sa kanyang cellphone na inagaw ni Shaila.

“It’s a prank!” sagot ng aming nakausap.

“Si Herlene naman, palaging nagpapatawa kahit seryoso, patatawanin ka.

“Yung pregnancy test, mahilig mag-prank si Herlene.

“Nung nag-birthday si Herlene sa isang hotel, pinrank nila. Pinagbayad nila ng malaking bill.

“Tapos ang ingay nila, kunwari pinapaalis sila. Mahilig silang mag-prank.

“Yung pregnancy test na yon, parang naglolokohan lang. Yung bolahan kasi nina Rob at Herlene, medyo seksi.”