Tetchie Agbayani turns down leading-lady role in Rambo movie

Tetchie Agbayani with Sylvester Stallone and young Tetchie as insert photos
Veteran actress Tetchie Agbayani recounts how she auditioned to be Sylvester Stallone’s leading lady in Rambo: First Blood Part II. She got the part but decided to turn down the project

In recent years ay ipinagmalaki nating nakagawa ng Hollywood movies ang ilang local actors, tulad nina Dolly de Leon at Liza Soberano.

Pero bago sila, nabigyan na noon ng spotlight ang beteranang aktres na si Tetchie Agbayani, 62, sa ilang Hollywood movies.

Sa katunayan, napili pa siyang maging leading lady ni Sylvester Stallone sa isang Rambo movie, subalit tumanggi si Tetchie.

Sa interview sa kanya ni Julius Babao sa YouTube nitong June 11, 2024, isiniwalat ni Tetchie kung bakit pinalampas niya ang isang role na maaaring nagdala sa kanya sa tugatog ng tagumpay sa Hollywood.

TETCHIE STAYED IN THE U.S. AFTER THE PLAYBOY MAGAZINE NOISE

Pinagkaguluhan at pinag-usapan nang husto si Tetchie sa Pilipinas nang mag-post siya sa Playboy Germany July 1982 edition.

Sinabi ni Tetchie na dahil sa sobrang atensiyon ay nagdesisyon siyang manirahan sa Los Angeles, California, sa U.S.

Mayroon lamang daw siya noong $5,000 (katumbas ngayon ay PHP293,000).

“Lahat ng ari-arian ko binenta ko. Lahat ng kotse ko, sports car ko, binenta ko…”

Kasagsagan daw ng kasikatan ni Tetchie sa Pilipinas noong early ‘80s, pero iniwan niya ito para mamuhay nang normal sa Amerika.

Pero nahirapan daw siyang kumuha ng trabaho roon. Hindi raw siya natatanggap nang mag-apply bilang waitress at salesgirl dahil wala siyang references.

Isang kakilala raw ang nag-udyok sa kanyang subukan ang suwerte sa Hollywood.

May mga agam-agam si Tetchie dahil sa tindi ng kumpitensiya. Pero may magandang landas pala ang naghihintay sa kanya.

TETCHIE TRIES HER LUCK IN HOLLYWOOD

Isang kaibigan ni Tetchie ang naging daan para may makilalang agent ang aktres sa William Morris Agency (WMA), isang Hollywood-based talent agency na kilala hanggang sa ngayon.

Sa kuwento ni Tetchie, maging ang agent daw niyang si J.J. Harris ay hindi kumpiyansa kung makukuha siya sa auditions.

Yun pala, magsusunud-sunod ang mga proyekto ng aktres.

Unang nag-audition si Tetchie para sa role na isang tribe native sa pelikulang The Emerald Forest (1985) na pinagbidahan ni Charles Boorman.

Nakapasa si Tetchie sa audition at lumipad sa Amazon Jungle sa Brazil kung saan ginawa ang pelikula.

Kinailangan daw niyang maghubad sa pelikula bilang isang native. Apat na buwan daw silang nag-shoot.

“That was the longest movie I’ve ever done,” sabi ni Tetchie.

Tetchie Agbayani native role
Tetchie played the role of a native girl from a tribe in her first Hollywood movie in 1985.

Matapos ang pelikula, kinuha si Tetchie para maging leading lady ng Olympian na si Kurt Thomas sa Gymkata (1985).

Pinapirma na rin siya noon ng kontrata para maging talent ng WMA.

Nasundan pa ito ng pelikulang Money Pit (1986) na pinagbidahan ni Tom Hanks.

“I played the role of the stepmother of Tom Hanks,” paliwanag ng aktres, bagamat maiksi lamang daw ang kanyang role doon at hindi sila nagkaroon ng eksena ni Tom.

Isang araw, tinawagan daw siya ng kanyang agent para mag-audition sa casting ng pelikula ni Sylvester Stallone.

Tetchie Agbayani with Kurth Thomas
Tetchie with Olympian Kurt Thomas in the film Gymkata (1985)

TETCHIE TALKS ABOUT ACTING OPPOSITE SYLVESTER DURING AUDITION

Sinisimulan daw noon ang casting call para sa sequel ng successful movie ni Sylvester na Rambo.

Sabi raw ng kanyang agent, sa Pilipinas ang shooting kaya kaagad pumayag si Tetchie na mag-audition.

“So, yun, nag-audition ako. I auditioned once and then later on pinabalik ako… second audition, same role.”

Ang role daw ay leading lady ni Sylvester.

“Sa audition, nandoon si Sylvester Stallone. Nandon siya, may camera na moving camera.”

Ang dalawang natitirang babae raw ay siya at ang Hawaiian actress na si Julia Nickson.

Una raw sumalang sa audition si Tetchie, kaeksena si Sylvester.

Nagkabatian daw sila ni Sylvester.

Pagbubunyag ni Tetchie, “Pero mas mababa siya sa akin. Hindi siya katangkaran. Mas matangkad ako sa kanya.”

Hindi rin daw siya na-starstruck sa tanyag na Hollywood actor.

“So, parang wala, pangkaraniwan lang. Hindi naman siya maere.”

Naging mabilis lang daw ang audition process.

“Simple lang naman siya. ‘Hi, hello. Pleased to meet you,’ and then eksena na. And nung natapos, ‘Thank you.’ Exit. Ganon lang.”

Pagdating daw sa bahay, nakatanggap siya agad ng tawag mula sa kanyang agent.

“I got a call from J.J. Harris. Sabi ni J.J., ‘Tetchie, you got the part. Be ready to fly to Mexico.’”

Napakunot daw ng kilay si Tetchie. “’Wait a minute,’ sabi ko. ‘I thought they were shooting in the Philippines?’”

Paliwanag daw ng kanyang agent, nagkaroon ng logistics problem sa Pilipinas kaya’t pinalitan ang location at sa Mexico na ito isu-shoot.

Sabi raw ni Tetchie sa kausap, “’J.J., I just came back from the jungles of the Amazon, the jungles of Brazil.’

“Sabi ko, ‘I wouldn’t mind going to the jungles of the Philippines, but Mexico?’ Sabi ko, ‘No, I don’t think I’d like to accept it.’ So, the role went to Julia Nickson.”

Sylvester Stallone and Julia Nickson
Sylvester Stallone with Singaporean-American actress Julia Nickson in Rambo II

DID TETCHIE REGRET TURNING DOWN THE PROJECT?

Pag-usisa kay Tetchie, pinagsisisihan ba niyang tinanggihan ang project na maaaring naging daan para makilala sa Hollywood?

“Wala. Wala akong regrets kasi wala naman akong ilusyon talaga na, ‘I wanna make it big in Hollywood,’” sagot ni Tetchie.

“Yung sa akin, everything is an adventure. Let’s see what unfolds… that there is more to life than just acting, even up to now…

“That’s why I’d like to keep a private life. There’s more to life than pelikula, like going back to school.”

Pagpapatuloy ni Tetchie, marahil kung tinanggap niya ang role sa Rambo II ay hindi na siya nakabalik sa Pilipinas at hindi na natapos ang kanyang pag-aaral, at nagkaroon ng anak.

Makalipas ang apat na taon sa U.S., bumalik sa Pilipinas si Tetchie para gawin ang pelikulang Mission Manila (1988) kasama ang Hollywood actor na si Larry Wilcox.

mission manila poster

Nagdesisyon daw siyang manatili muna sa bansa dahil na-homesick siya.

Kinuha na raw siya noon ng Viva Films para gawin ang Balweg na pinagbidahan ni Phillip Salvador.

“Then one led to the other. Sunud-sunod na yung ginawa kong movies dito. Hindi na ako nakabalik sa L.A.,” pagpapatuloy ni Tetchie.

“And I decided, enjoy ako dito kasi I was constantly working as an actor.

“In L.A., may mga gaps na hindi ako nagwo-work. Naiinip ako. At saka naho-homesick ako.

“Gusto kong umuwi ng Pilipinas, gusto kong kumain ng Filipino food… nami-miss ko ang Pilipinas.

“And I realized na hindi pala ako meant to live in America habang buhay. I realized kung ako namatay, gusto ko sa Pilipinas.”