Trending Heartthrobs: Oliver Moeller, Andres Muhlach, Lucho Agoncillo

Tatlong kalalakihan ang gumawa ng ingay dahil sa kanilang mga social media at TV exposure noong Sabado, Abril 6, 2024: sina Atty. Oliver Moeller, Andres Muhlach, at Lucho Agoncillo.

oliver andres lucho hearthrobs

OLIVER MOELLER

Si Oliver ang abogado at searchee na pinili ni Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee sa “EXpecially For You” segment ng It’s Showtime.

Nakuha ni Oliver ang atensiyon ng publiko dahil sa pagkakahawig niya kay Piolo Pascual.

Mula sa halos 14,000 followers, lumobo sa 105,000 ang bilang ng mga sumusubaybay sa kanya sa Instagram ngayong Lunes, Abril 8.

Abogado ang propesyon ni Oliver.

Ang kanyang biglang pagsikat sa social media ang dahilan kaya naglabas ng mensahe ng pagbati ang kinaaniban niyang Integrated Bar of the Philippines Cebu City.

Nakasaad dito: “Today, IBP – Integrated Bar of the Philippines Cebu City Chapter’s very own PRO, Atty. Oliver Moeller, not only stole the heart of Miss Universe Philippines Michelle Dee but the hearts of many Filipinas all over the country (and all over the world).

“We wish to congratulate Atty. Oliver on his guest appearance on ABS-CBN’s It’s Showtime, where he was dubbed “The Sporty Lawyer of Cebu.”

“Lawyer, Fitness Enthusiast, Baller, Golfer, maybe Model-Actor could be another feather in his hat?”

ANDRES MUHLACH

Hindi lamang si Moeller ang napagtuunan ng atensiyon noong Sabado dahil pinag-usapan din ang paglabas ni Andres Muhlach sa Eat Bulaga!.

Kinilig ang loyal viewers ng Eat Bulaga! kay Andres.

Naging masaya rinsila para kay Ryzza Mae Dizon na matinding kilig din ang ipinamalas sa personal na paghaharap nila ng kanyang hinahangaan na aspiring actor na kakambal ng co-host niya na si Atasha Muhlach.

Nang bumisita si Andres sa Eat Bulaga!, ibinalita niyang mapapanood simula sa Mayo 2024 ang Da Pers Family, ang sitcom ng TV5 na pagbibidahan nila ng kanyang kapatid na si Atasha Muhlach at mga magulang na sina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez.

LUCHO AGONCILLO

Gumawa naman ng sarili at hindi inaasahang ingay si Lucho Agoncillo, ang 13-year-old at nag-iisang anak na lalaki nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo dahil sa mga larawan niyang lumabas sa social media.

Nagkakaisa ang lahat na future heartthrob si Lucho at malaki ang potensiyal niyang sumikat kung sakaling magdesisyon siyang sundan ang yapak sa showbiz ng kanyang mga popular na magulang.