“Alas dose na, Eat Bulaga! na!”
Ito ang masaya at pasigaw na sabi ni Vic Sotto sa umpisa ng live broadcast ng E.A.T. Bulaga! sa TV5 ngayong Huwebes ng tanghali, Disyembre 7, 2023.
Naganap ito isang araw pagkatapos sabihin ng legal counsel ng TVJ na si Atty. Enrique dela Cruz na anumang oras, maaari nang muling gamitin ng mga pioneer host ng Eat Bulaga! ang kontrobersiyal na trademark.
Ito ay sa bisa ng desisyong inilabas ng Intellectual Property Office (IPO) of the Philippines noong Martes, Disyembre 5, 2023. Nakasaad dito na ang TVJ ang tunay na nagmamay-ari ng Eat Bulaga! at EB trademarks.
Matapos isigaw ni Vic ang mga salitang Eat Bulaga!, kinanta ng mga host ang theme song ng kanilang programa, kasunod ang sabay-sabay pagsigaw ng “E.A.T. Bulaga!”
“Ang sarap-sarap sabihin!” sabi ni Allan K.
Matagal na hindi nabanggit ng legit Dabarkads ang salitang “Bulaga” mula nang umalis ang grupo nila sa TAPE Inc., producer ng Eat Bulaga!, at lumipat sila sa TV5 noong July 1, 2023.
Suot naman ni Joey de Leon ang sumbrerong may mga letra at numerong “EB79” at ang T-shirt na may tatak na “E4T BUL4GA” na pahiwatig na nabawi na nila ang trademark na siya ang lumikha.
Ang mga numerong 79 ang taon kung kailan nag-umpisang mapanood sa RPN 9 ang Eat Bulaga!, at ang 44 naman ang ika-44 anibersaryo ng noontime variety show ngayong 2023.
Bago ang live broadcast ng E.A.T. ngayong Huwebes, muling nagpasaring si Joey sa video post nito sa kanyang Instagram account.
“Well, I don’t expect respect from ‘Res-fake,” pasaring ni Joey.
Malinaw na para sa TAPE Inc. at sa mga host ng Eat Bulaga! ng GMA-7 ang parunggit ni Joey dahil sa patuloy na paggamit sa pamagat na Eat Bulaga! ng kanilang katapat na programa.
Ang salitang “respeto” ang ipinagdiinan ni Atty. Dela Cruz sa press conference na ipinatawag nina Tito Sotto, Vic, at Joey noong Miyerkules, Disyembre 7, 2023, nang matanggap nila ang magandang balita mula sa IPOPHIL.
“Ngayong lumabas ang desisyon na nagsasabi na ang creator at may gawa, may likha, may karapatan, TVJ!
“Sana, inaasahan naman namin, respetuhin din naman nila yung desisyon.
“Habang nag-aapela sila, huwag nang gamitin [ang Eat Bulaga!] bilang respeto dahil nirespeto ng TVJ yung batas, yung proseso.
“We can only expect that they will do the same,” apela ng legal counsel nina Tito, Vic, at Joey sa TAPE.