Sama-samang humarap sa press ang sikat na triumvirate na TVJ—o sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon—upang ihayag ang kanilang saloobin sa desisyon ng Intellectual Property Office (IPO) na igawad sa kanila ang pagmamay-ari ng Eat Bulaga! trademark.
Kaugnay ito ng controversial legal battle sa pagitan ng TVJ at owners ng TAPE Inc.
Ang TAPE Inc. ang producer ng Eat Bulaga! sa loob ng 44 na taon. Majority shareholder nito si Romy Jalosjos, at ang isa pang may-ari ay si Tony Tuviera.
Si Tito ang nanguna sa pagbasa ng official statement ng TVJ sa ginanap na presscon bago sila sumalang sa live telecast ng E.A.T. ngayong Miyerkules ng umaga, December 6, 2023.
Ang E.A.T. ang ongoing noontime show ng TVJ kasama ang legit Dabarkads sa TV5.
Bungad ni Tito: “Yesterday, the Intellectual Property Office, the Bureau of Legal Affairs, decided that we, Tito Vic, and Joey, are the rightful owners and originators of the trademarks Eat Bulaga! and EB.
“Thus, we, TVJ, have the exclusive and absolute right to register the said marks and all its variations.”
Kinansela ng IPO ang ipinarehistro ng TAPE Inc. na trademark para sa pangalang Eat Bulaga! at EB.
Patuloy ni Tito: “TAPE Incorporated failed to prove that they conceptualized Eat Bulaga! and EB.
“It is Joey who coined and created these marks in 1979 in my kitchen in my place.
“In our petition, we explained the significance of the design and the origin of each word that comprises Eat Bulaga!”
Tugma raw ito sa mismong salaysay ng TAPE Inc. owners ukol sa kung paano nabuo ang pangalang Eat Bulaga!.
Lahad pa rin ni Tito: “TAPE Incorporated did not even refute nor contradict our narration of the origin of the marks.
“In fact, they corroborated our claims when they said that Romy Jalosjos only chose the name Eat Bulaga! amongst the list given to him.
“Thus, the IPO finds our position to be believable, credible, and strong controverting evidence against TAPE’s registration.
“The IPO took note and recognized Joey’s creative efforts in conceptualizing the words Eat Bulaga!”
TVJ’S REACTION TO THE DECISION OF IPO
Ayon kay Tito, umaga ng Martes nang una niyang malaman mula sa legal counsel ng TVJ na si Atty. Enrique “Buko” Dela Cruz ang tungkol sa desisyon ng IPO.
“Una sa lahat, abot ang pasasalamat ko sa Panginoon Diyos, sapagkat yun yung matagal na naming ipinaglalaban at pinagdarasal,” ani Tito.
Sabay lahad ng dating senador, “We knew that we had the right to it.
“We knew that Joey created it, we nurtured it, we fostered it all throughout these years.”
Idiniin ni Tito na wala umanong pahintulot sa TVJ nang iparehistro ng TAPE Inc. sa IPO ang trademark o pagmamay-ari ng tatak na Eat Bulaga! at EB para sa merchandise items ng noontime show noon.
“Tapos malalaman namin 2013 may nag-file pala ng trademark.
“Masakit sa loob noon because, as a matter of fact, there was deception. Hindi namin alam.
“Tapos malalaman na may nag-file ng sections [or trademark classes] 16, 22, 25…
“Puro merchandising. Ibig sabihin, pagbebenta. Magbebenta ng baso, T-shirt, doon yun. Doon yung trademark na yun.
“Kaya talagang we felt so it was unfair.”
Sa kaso ni Vic, hindi raw agad nag-sink in sa kanya nang una niyang malaman na ni-recognize ng IPO ang TVJ na nagmamay-ari ng Eat Bulaga! trademark.
Lahad ni Vic, “Ako naman, nasa taping ako ng sitcom ko sa GMA. Andaming nagte-text sa akin, nagko-congratulate.
“Sabi ko, ‘Hindi naman ako grumadweyt, ha? Bakit puro congratulations?’
“Tapos pinadala sa akin ng kapatid kong si Maru yung statement [ng IPO]. Dun ko lang nalaman.
“Pero hindi agad nag-sink in sa akin. Kasi mga legal na termino, hindi ako masyadong maalam sa mga legalities, mga legal rights.
“Ang alam ko lang at nararamdaman ko ay iyong moral rights. Yun ramdam na ramdam ko yun.”
Lubos din ang pasasalamat ni Joey na kinilala ng IPO na siya ang orihinal na nakaisip ng pangalang Eat Bulaga! mula nang ipinanganak ang noontime show 44 years ago.
Komento ni Joey: “Madalas sabihin yan, ‘Si Joey nakagawa niyan.’ Baka kundi sa kape ni Tito, baka di ko naisip yun. Ang kasama ko nun si Jess Espiritu.
“So, paglipas ng panahon, relihiyoso akong tao, e. So, sabi ko, Jesus Espiritu. May Jesus na, may Holy Spirit pa.”
HOW TVJ’S LEGAL COUNSEL EXPLAINED IPO’S DECISION
Para mas maintindihan ng publiko ang isyu, ipinaliwanag ni Atty. Dela Cruz ng Divina Law na hindi lang isyu sa trademark kundi pati sa copyright para sa Eat Bulaga! ang ipinaglalaban ng TVJ.
May hiwalay na kasong copyright infringement at unfair advantage na inihain ang TVJ laban sa TAPE Inc. at dinidinig pa rin iyon sa Marikina court, ayon sa abogado.
Paliwanag ni Atty. Dela Cruz: “Yung copyright ay binibigay na proteksiyon sa mga lumikha ng programa, kanta, sulat, tula, na walang puwedeng ibang gumamit kundi ang may likha o yung mga taong kanyang pinahintulutan.
“Kapag ginamit nang walang pahintulot, [may] infringement [o] paglabag sa copyright.
“Yung trademark ay mga bansag [o] mark na ibinibigay para ang isang produkto makilala kung saan galing, para ma-distinguish siya sa produkto ng iba.
“Yung trademark kailangan irehistro para malaman ng iba, ‘Itong markang ito, akin ito.’
“Kaya hiwalay ang copyright sa trademark.”
Sa isyu ng TVJ versus TAPE Inc., ang TAPE Inc. ang unang nagparehistro ng pangalang Eat Bulaga! at EB na ginamit sa merchandise items.
Hindi malinaw kung sino sa TVJ at TAPE Inc. ang may naiparehistro para sa trademark class 41 o iyong marka na may kinalaman sa entertainment services o produksiyon ng show.
Patuloy pa ni Atty. Dela Cruz, “Ang sabi ng kabila, ‘Nauna kaming magparehistro [ng trademark], so amin ang Eat Bulaga!, dahil di niyo pinarehistro.
“Pero sabi sa IPO, hindi porket kayo ang nauna magparehistro, sa yo. Kailangan mapatunayan mo ikaw pa rin ang lumikha.”
Dagdag pa ng abogado, “Yung trademark yung logo. Yung pinaka-copyright yung buong show, yung words na Eat Bulaga!.
“Kahit na bagu-baguhin nila yung representasyon sa trademark, sa inyo [TVJ] nanggagaling yung original copyright, yung pagsasama-sama ng mga salitang yan.”
Idinagdag ni Atty. Dela Cruz na ang korte ang may final decision sa isyu ng copyright.
Pero tiwala ang abogado na malakas ang laban ng TVJ dahil ang copyright ay “hindi na po kailangan mag-file ng registration. Magmula sa oras na nilikha mo yan, kanya na agad yung copyright.”
Dagdag ni Atty. Dela Cruz, “Kaya welcome sa atin itong development sa IPO dahil sinabi ng IPO kayo ang may likha nung Eat Bulaga!”
Sa puntong ito, komento ni Vic, “Ay, wala. Sabit talaga, Brad.”
Umaasa ang TVJ na rerespetuhin ng TAPE Inc. ang desisyon ng IPO, at hindi na gagamitin ang pangalang Eat Bulaga!