Walang pagsidlan ang sayang nararamdaman ni Vhong Navarro sa bagong legal tagumpay na nakamtan niya laban kina Cedric Lee at Deniece Cornejo.
Binasa sa korte ng Taguig Regional Trial Court ang hatol na guilty kina Cedric at Deniece, pati na sa mga kapwa-akusado nilang sina Zimmer Raz at Ferdinand Guerrero, sa kasong serious illegal detention for ransom ngayong Huwebes ng umaga, May 2, 2024.
Iniutos din ng korte ang pag-aresto sa mga akusado para sa parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong. Kinansela rin ng korte ang kanilang bail bond.
Maaari pa rin nilang iapela ang desisyon ng korte.
Sampung taon na ang nakararaan mula nang maganap ang insidenteng pambubugbog, paggapos, pananakot, at pagditena kay Vhong sa condo unit ni Deniece sa Taguig City, noong gabi ng January 22, 2014.
VHONG NAVARRO REACTS TO NEWEST DECISION IN HIS FAVOR
Sa It’s Showtime ngayong Huwebes ng tanghali, nagbigay ng pahayag si Vhong kaugnay ng desisyon ng korte.
Nagpasalamat ang TV host-actor sa nakamit na hustisya pagkatapos ng matagal na paghihintay.
Pahayag niya: “Gusto ko munang [kunin] itong pagkakataon na ito para magpasalamat.
“Of course, maraming-maraming salamat, Lord, dahil lagi Ka nakagabay sa akin.
“Sa raming pinagdaanan ko sa buhay, nandiyan Ka, Ikaw naging sentro ko, at napakatotoo Mo.
“Kaya maraming-maraming salamat.”
Sunod niyang pinasalamatan ang Taguig RTC na nagbaba ng desisyon pabor sa kanya.
Saad ni Vhong: “And of course, maraming salamat po sa RTC Taguig Branch 153, kay Judge Bien, at sa lahat po ng staff ng court, sa ibinigay niyo pong justice sa akin, na matagal ko na pong pinagdadasal.
“Salamat po ng marami.”
Pinasalamatan din ni Vhong ang kanyang legal team sa pamumuno ni Atty. Alma Mallonga “sa hindi niyo po pagbitaw at pagsama sa akin hanggang sa huli.”
Pinasalamatan din niya ang kanyang ABS-CBN family na hindi tumalikod sa kanya.
Ani Vhong: “At maraming salamat po sa ABS-CBN, Sir Carlo [Katigbak], Tita Cory [Vidanes], Sir Mark [Lopez], Sir Gabby [Lopez], Ma’am Charo [Santos-Concio], FMG [Freddie M. Garcia], Direk Lauren [Dyogi].
“Dahil since day one, nandiyan po kayo, lagi po kayong nakasuporta sa akin at naniniwala kayo sa akin.”
Gayundin ang kanyang manager na si Direk Chito Roño at ang mga kasamahan sa Streetboys.
Aniya: “At maraming maraming salamat po kay Direk Chito, Streetboys, sa mga kaibigan ko, sa mga kuys, Wednesday Club, dahil parati kayo nasa tabi ko.
“Hindi niyo po ako iniiwan at pinapabayaan.
“And, of course, sa mga naniniwala sa akin, sa aking mga fans, na kung ano yung mga narinig niyong hindi maganda sa akin, e, patuloy kayo nandiyan, sumusuporta at naniniwala.”
VHONG THANKS IT’S SHOWTIME FAMILY
Hindi rin nakalimutang banggitin ni Vhong ang It’s Showtime family niya.
Aniya, “Sa staff ng Showtime, Showtime family, maraming salamat kasi hinahabaan niyo yung pasensiya niyo.
“Kasi minsan lutang ako, rollercoaster pinagdaanan ko, ang hirap explain, pero minsan sabaw ako dito, e.
“Pero nandiyan kayo, kahit yung mga bitaw ko, mga hirit ko e sablay, papuntang norte, papuntang south.
“Hindi ko alam, pero nandiyan kayo to support me, dahil alam kong mahal na mahal niyo ako.”
VHONG NAVARRO THANKS TANYA AND HIS CHILDREN
Kasunod na binanggit ni Vhong ay ang kanyang mga anak na sina Yce Navarro at Bruno Navarro, at ang asawang si Tanya Bautista.
Dagdag ng host, comedian, dancer: “And of course, sa family ko, kay Yce, Bruno at sa dalawa kong nanay, kapatid ko, pamangkin ko, salamat dahil naging matatag kayo kasama ko.
“Salamat sa pagmamahal niyo.
“And, of course, kay Tanya, naku, marami akong pagkukulang sa yo, pero hindi mo ako iniwan.
“Marami akong kasalanan, pero nandiyan ka pa rin.
“Hayaan mong bumawi ako sa yo, sa abot ng aking makakaya, hanggang sa huling sandali ng buhay ko.
“Mahal na mahal kita. Salamat.”
Sa kasalukuyan ay wala pang payahag ang kampo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo.