Vhong Navarro’s son Yce Nvarro joins the cast of FPJ’s Batang Quiapo

Kasama ang anak ng TV host-actor na si Vhong Navarro sa bagong cast ng ABS-CBN primetime series na FPJ’s Batang Quiapo.

Sa inilabas na trailer ng ABS-CBN noong February 17, 2024, ipinasilip nila ang mga bagong aabangang karakter sa ikalawang taon ng Batang Quiapo.

Isa na rito ang anak ni Vhong na si Yce Navarro.

Bagamat hindi pa tinutukoy kung ano ang karakter ni Yce sa serye, ikinatuwa ito ni Vhong.

Sa Facebook post ng It’s Showtime host, inihayag niya ang taus-pusong pasasalamat sa lead star at direktor ng Batang Quiapo na si Coco Martin, sa tiwalang ibinigay nito sa kanyang anak.

Sabi pa ni Vhong, karangalan sa kanya bilang ama na mapasama ang anak sa isa sa itinuturing na pinakamalaking teleserye ng ABS-CBN.

Masaya at pagmamalaking caption ni Vhong, “Yahoo! Thank you,Lord [pray sign emoji].

“Nakaka proud na mapabilang ang anak ko at makasama sa cast ng Batang Quiapo. Goodluck Yce Navarro! [red heart emoji] Aabangan ko to!

“Maraming Salamat, Direk CM [Coco Martin].”

Hindi rin naitago ni Yce ang saya at pasasalamat sa tiwala at pagkakataong ibinigay sa kanya ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment.

Sa kanyang Instagram Stories, ini-repost ni Yce ang banner photo niya sa Batang Quiapo kalakip ang caption na:

“Isang pasasalamat po sa @dreamscapeph at sa lahat ng bumubuo ng Batang Quiapo lalo na po kay Direk @cocomartin_ph sa opportunity na to!

“Isang karangalan po na mapabilang sa mga mahuhusay at batikang artista sa industriya.”

Yce Navarro joins Batang Quiapo

PHOTO/S: YCE NAVARRO INSTAGRAM

Bago tuluyang pasukin ang mundo ng showbiz, nagtapos muna si Yce ng kolehiyo sa UST (University of Santo Tomas) noong June 2022.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Yce noong August 2022, ibinahagi nito ang kagustuhan niya noon pa lang na maging artista.

Aniya, “Nag-Star Magic workshop po ako nung two years ago. ‘Tapos doon ko po talaga parang na-feel na ito to talaga ang pangarap ko.

“Pero kailangan ko po muna mag-graduate sa college. Yun po kasi yung pangarap sa akin ni Daddy.”

Patuloy ni Yce: “Kasi, sinasabi po niya parati sa akin, siya po hindi nakapagtapos kasi breadwinner po siya, e.

“Lumaki po siya sa hirap. Yung pagkuha po ng degree na pinangarap po sa kanya ng magulang niya, pinasa lang po niya sa amin.”

Inamin din ni Yce na nagtampo siya nang hindi siya payagan ng amang si Vhong na sumabak sa pag-aartista noong nag-aaral pa siya.

“For years din po ako naghintay, kasi na-experience ko mag-try sa mga go-see sa Star Magic, ganoon. Medyo nalungkot din po ako na hindi po ako pinapayagan.

“Kasi before po binibigyan na ako ng projects na puwedeng… yung remake po ng Tabing-Ilog ganoon po. Kaso ayaw po talaga ni Daddy. Kaya medyo nalungkot po talaga ako.

“Medyo sumama po ang loob ko that time. Kasi nandoon na po yung opportunity, e.

“Pero lagi po niyang sinasabi sa akin dadating naman daw yung opportunity. Kaya kailangan ko lang daw po talagang tapusin itong pagka-college.”