Hindi napigilang maging emosyunal ng It’s Showtime hosts, sa pangunguna ni Vice Ganda, nang personal nilang masaksihan ang tuluyang pagsasanib-puwersa ng dalawang giant networks—ABS-CBN at GMA-7.
Ngayong Miyerkules, March 20, 2024, naganap ang historical contract signing ng ABS-CBN at GMA-7 para sa pag-ere ng Kapamilya noontime show sa Kapuso network.
Ibig sabihin, bukod sa GTV ay mapapanood na rin sa noontime slot ng GMA-7 ang It’s Showtime simula sa April 6, Sabado.
Ang It’s Showtime ang papalit sa binakanteng timeslot ng Tahanang Pinakamasaya, ang isinarang noontime variety show ng TAPE, Inc.
Labis na ikinatuwa ng mga host ng It’s Showtime na sina Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Karylle, Amy Perez, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Ion Perez, Jackie Gonzaga, MC Muah, Lassy Marquez, Cianne Dominguez, Darren Espanto, at lalung-lalo na ni Vice, ang pagsasanib-puwersa ng GMA-7 at ABS-CBN.
Bago matapos ang contract-signing event, na naganap sa Studio 7 ng GMA Network, ay binigyan ng pagkakataon si Vice para magbigay mensahe at magpasalamat sa bagong yugtong tatahakin ng kanilang programa.
Aniya, hindi ito mangyayari kung hindi dahil sa tiwala, malasakit, at pagmamahal ng GMA-7 sa ABS-CBN.
Bungad na mensahe ni Vice, “Magandang hapon ho sa inyo mga Kapuso at Kapamilya. Hindi ko alam kung paano magsisimula…”
Pagpapatuloy niya, “Una, maraming-maraming salamat po sa GMA dahil grabe yung pagtanggap niyo talaga sa amin lagi.
“Noong nagpirmahan po, that was first time we all gathered for a wonderful partnership sa GTV.
“Pagsampa namin sa GTV, ang sarap-sarap po ng karanasan na iyon na ibinigay ninyo sa amin.
“Ang init ng pagtanggap niyo, ang sinsero ng pagmamahal niyo, maraming-maraming salamat.
“Hindi lang yon, nasundan pa noong nakaranas kami na um-attend sa GMA Ball, ang init-init din ng pagtanggap niyo sa amin doon, ang saya-saya rin po ng naranasan namin.
“Pagkatapos ng event na yon, ikinukuwento namin sa marami how beautiful the experience was, going to the GMA Ball.
“And now, isa na namang masarap, mainit, at napakagandang karanasan. Maraming-maraming salamat po sa inyo.
“Kami po sa ABS-CBN na nakararanas nang ganyang trato at pagtingin mula sa inyo, lagi po naming napag-uusapan at hindi nawawala yung laging nabibitawan na, ‘In fairness, ang babait ng mga taga-GMA.’
“Lagi po iyan, lagi naming nababanggit, ‘Ang dali nilang kausap, maayos silang kausap.'”
Nabalik-tanaw din ang It’s Showtime host kung paano tinulungan ng GMA-7 ang ABS-CBN nang nawalan ito ng prangkisa noong 2021.
Sabi ni Vice, “Ang bait-bait po ninyo sa amin, ang laki ng tulong at suporta ang ibinibigay ninyo sa amin.
“We are humbly expressing that, na siyempre hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat kung gaano kasadsad ang isinadsad ng Kapamilya.
“Pero naririyan kayo, hindi para tapakan kami at saktan pa sa mga panahong sadsad na sadsad kami.
“Inialay niyo ang mga kamay ninyo sa amin para unti-unti kaming makabangon.
“Maraming-maraming salamat. Hinding-hindi namin yan makalilimutan, pati na rin ang lahat ng Kapamilya sa buong mundo.
“Alam po nila kung ano ang pagmamahal at pagtulong na ibinigay ninyo sa amin.