Vice Ganda’s funny, touching speech at Angeline Quinto’s wedding

“Man of Honor” Vice Ganda (right) to newlyweds Angeline Quinto and Nonrev Daquina (left): “May mga pagkakataon na hindi masaya, but it’s okay. May mga pagkakataon na hindi na nakakakilig, but it’s okay. May mga pagkakataon na nakakapagod, pero magpahinga lang kayo. Okay lang na magpahinga basta hindi bibitaw.”

PHOTO/S: ABS-CBN

Naaliw at naantig ang damdamin ng mga dumalo sa kasal ng Kapamilya singer-actress na si Angeline Quinto dahil sa speech ng matalik niyang kaibigan na si Vice Ganda.

Si Vice ang nagsilbing “Man of Honor” ni Angeline sa pakikipag-isang dibdib ng singer sa long-time partner nitong si Nonrev Daquina.

Ginanap ang kasal nina Angeline at Nonrev sa Quiapo Church nitong Huwebes, April 25, 2024.

Sa wedding reception na ginanap si Manila Hotel ay kabilang si Vice sa nagbigay ng mensahe para sa bagong kasal.

Inalala at binalikan ni Vice kung paano nagsimula ang makulay at masayang pagkakaibigan nila ni Angeline.

Bungad na bati ni Vice: “Good evening everyone. Maraming salamat po sa pagdalo. Ako po talaga yung nagpakasal sa kanila, ako po talaga ang gumastos dito, charot!

“Hindi, I’m just so happy to witness this wonderful celebration. Napapaligiran kayo [Angeline and Novrev] ng napakaraming tao na sumusuporta at nagmamahal sa inyong dalawa.

“Masaya kayong dalawa tonight, at lahat ng tao na nandito ay masaya rin para sa inyo. Ang ganda nun. Ang saya nun.

“Your love is to be celebrated all the time. Kasi your love is pure sa isa’t isa. It’s so beautiful.”

VICE AND ANGELINE: MORE THAN FRIENDS

Pagbabahagi ni Vice, higit pa sa magkaibigan ang turingin nila ni Angeline sa isa’t isa.

Simula pa lang ay magandang relasyon na raw ang nabuo nila dahil maging ang pamilya ni Vice ay pamilya na rin ang turing kay Angeline.

Lahad ng It’s Showtime host: “Malalim po kasi talaga ang pagiging magkaibigan namin ni Angge [palayaw ni Angeline].

“Actually, friends or best friends, parang understatement siya, e, kasi parang pamilya kasi kami talaga.

“Para ko siya talagang kapatid.

“Naikuwento ko na ito dati sa Magandang Buhay, kasi meron akong kapatid…

“Kaya yung nanay ko, mahal na mahal si Angeline, kasi meron akong kapatid na Angeline din ang pangalan. Pero bata pa lang siya binawi na siya sa pamilya natin.

“Kaya noong na-meet ng nanay ko si Angeline, feeling niya si Angeline yung nawala niyang anak. At feeling ko rin, siya talaga yung nawawala kong kapatid.

“Nung na-meet ko nga siya, sabi ko, ‘Bakit nakita pa kita ulit?’ Hahaha!

“So, malalim talaga yung pinagsamahan namin.”

HOW THEIR FRIENDSHIP STARTED

Pagbabalik-tanaw pa ni Vice, nagsimula lamang sa isang tawag ang malalim na nila ngayong pagkakaibigan ni Angeline.

Hindi pa raw sila gaanong ka-close noon ni Angeline nang tawagan siya nito habang humahagulgol sa iyak.

Hindi rin daw mawari ni Vice kung ano ang nagtulak sa kanya para puntahan si Angeline sa tinutuluyan nitong condo nang nalaman niyang may pinagdaraanan ito.

Ang tagpong iyon ang naging daan para makilala nila ang isa’t isa at maging magkaibigan.

Kuwento ni Vice: “Alam niyo, ang weird nung pinagsimulan ng friendship namin ni Angeline. Pareho kasi kami ng handler, si Kate.

“Tapos there was one time, hindi ko alam kung paano niya nalaman ang number ko, bigla siyang tumawag sa akin tapos humahagulgol siya.

“Sabi niya, ‘Ate Vice, nasaan ka?’ Sabi ko, ‘Nasa bahay.’

“Tapos iyak lang siya nang iyak, hindi ko alam kung bakit.

“Tapos sabi ko, ‘Bakit ka umiiyak?’ Sabi niya, ‘Malungkot lang ako.’

“Sabi ko, ‘Bakit ako yung tinawagan mo?’ Sabi niya, ‘Kasi ikaw yung nagpapasaya sa akin every day. Gusto lang kita marinig kasi baka sumaya ako.’

“Hindi pa kami masyadong close nun, pero sabi ko, ‘Saan ka nakatira?’

“Pinuntahan ko siya sa bahay niya. Iyak lang siya nang iyak, niyayakap niya ako.

“Tapos sabi ko, ‘Bakit ka ba umiiyak, anong problema mo?’ Sabi niya, ‘Wala.’

“Tapos na-realize ko, parang, ‘Paanong hindi ka mag-iiyak, para kang baliw, yung tugtugan niya puro Sarah Geronimo na masasakit na kanta.’

“Wala naman siya pinagdadaanan pero dinadama niya yung mga kanta. Tapos, tawa lang kami nang tawa.

“From then on, wala na akong choice, sa kanya na yung number ko, nagte-text na kami lagi.”

ANGELINE: THE FEMALE VERSION OF VICE

Pakiramdam daw ni Vice ay si Angeline ang babaeng bersyon niya, lalo pa’t pakiramdam niya ay may pagkakahawig sila.

Hindi rin daw nalalayo ang mga hilig nila sa mga bagay-bagay at mga pinagdaanan sa buhay kaya mabilis silang nagkasundo.

Pagpapatuloy ni Vice: “Isang umaga, nagte-text na akin si Kate, sabi niya, ‘Kausapin mo na si Angge.’ Sabi ko, ‘Bakit?’

“Sabi niya, ‘Nagpa-tattoo.’ Sabi ko, ‘Talaga, e, hayaan mo na, matanda naman na siya?’

“Tapos, maya-maya, pagbukas ko ng ASAP, kumakanta siya, may tattoo na rin siyang star dito sa braso. Tapos sabi ko, ‘Oh my God, pareho kami ng tattoo!’

“Kaya naman pala ako yung tinawagan ni Kate, ako yung tinatalakan, baka akala niya na sinabi ko kay Angge na magpa-tattoo.

“Pero talaga, parang kami talagang magkapatid.

“Kasi feeling ko talaga, magkamukha kami. Tapos, stylist niya pa si Bang Pineda, na stylist ko rin.

“Tapos, sabi ko pa kay Bang Pineda, ‘Bang, bakit parang magkamukha na kami lagi ni Angeline? Yung hair ko, hair din ni Angeline. Tapos yung lagi ako nag-o-oversized suit, si Angeline din nakaganon.’

“Tapos, nag-cover siya ng Preview. Pagtingin ko ng cover ng Preview, akala ko ako yung cover, si Angeline pala!

“Tapos sine-send niya sa akin lagi, sabi niya, ‘Magkamukha talaga tayo, magkapatid talaga tayo.'”

BUWISITAN MOMENTS

Alam na rin daw nila kung paano mapasaya at mainis ang isa’t isa.

Ani Vice, “Every morning po ang buwisitan namin lagi. Magsisi-send siya sa akin lagi ng mga pictures ko na saksakan ako ng pangit, yung mga kauna-unahan ko pang pictures.

“So, kinakalkal ko rin yung mga pictures niya sa online na nandoon, yung mga pangit na pictures niya, yung mga… hindi ka ba nagpapagawa non, di ba?”

Sa sobrang kumportable nila sa isa’t isa ay madalas daw nilang pagkuwentuhan ang mga nakaraan nila lalo na noong nag-aaral pa sila.

Nang mapag-usapan ang tungkol sa magkaiba nilang eskuwelahan ay hindi na rin napigilan ni Vice na ikuwento ang naging biruan nila ni Angeline na nagpahagikhik sa mga bisita.

Lahad ni Vice: “So yun, kasi pareho kaming laki sa hirap ni Angeline.

“Taga-Sampaloc siya, taga-Avenida naman ako. Tas taga-FEU ako, taga-CID siya, magkatabi lang eskuwelahan namin, sa Central Market, pero mas pangit yung school niya.

“Anyway, niloloko ko pa nga siya, sabi ko, ‘Saan ka nag-aaral dati?’ Sabi niya, ‘Sa CID…’

“Kasi sa Recto po, kapag galing FEU, sumasakay ako sa Recto, doon ako nagdyi-jeep papuntang Avenida…

“Kaya sobrang kaming connected, kasi ang jologs naming dalawa, sobrang jologs namin, ang simple lang namin, masaya kami sa mga kabaduyan naming dalawa.

“Mahal na mahal namin yung isa’t isa, kaya ang daming mga bagay na hindi namin nasasabi sa maraming tao, pero nasasabi namin sa isa’t isa, kasi safe space namin ang isa’t isa.

“Kung magsasalita kaming dalawa sa isa’t isa ng mga bagay, hindi kami matatakot na kinabukasan, e, malalaman na ng maraming tao.”

VICE MEETS NONREV

Maging ang unang beses na pagkikita nina Vice at Nonrev ay malinaw pa sa alaala ngayon ng TV host-comedian.

Ito rin daw ang unang pagkakataong inamin sa kanya ni Angeline na nobyo na nito si Nonrev.

Pagbabalik-tanaw ni Vice: “Dinala niya si Nonrev sa bahay namin, hindi niya pa sinasabi na dyowa niya. Sabi niya, pupunta siya pero may kasama siyang kaibigan.

“Pagdating niya sa bahay, may kasama siyang lalaki. Kasi sabi ko, ‘Bakla ba yun?’

“Noong una sinabi niya na bading si Nonrev, kasi sabi ko hindi puwedeng magpapunta ng lalaki sa bahay, kasi siyempre, housewife na ako.

“So, sinabi niya, bakla si Nonrev. Sabi ko, parang ang daming tattoo. Hindi siya masyadong nagsasalita kasi baka kako ayaw niya magpabuking na lalaki siya.

“Tapos sinabi na nga ni Angge na lalaki nga rin si Nonrev, boyfriend niya nga raw.

“E, ako naman, hindi naman ako sagabal, hindi ako daot. Kumbaga, kung bet mo yan, trip mo yan, o sige, go.”

Sa puntong ito ay nagawa nang magseryoso si Vice nang sabihin niya kay Angeline kung gaano siya kasaya na sa wakas ay nahanap na nito ang lalaking mamahalin niya habambuhay.

Sabi ni Vice kay Angeline: “At the end of the day, ikaw naman ang magde-decide. Sa dulo na lang ako. Mag-aantay ako sa yo kung saan ka papunta.

“Kung pausad ka ba, paatras ka ba, paangat o pabagsak ka ba, sasamahan na lang kita kung nasasaan ka.

“Aabangan ko na lang kung iiyak ka. Aabangan ko na lang kung tatawa ka.

“Basta kung anuman ang mararamdaman mo sa dulo, sasamahan kita.

“Kung nagtagumpay ka man diyan, e, di sabay tayong tatalon, magse-celebrate tayo.

“Kung hindi man, hindi sabay tayong luluhod, iiyak tayong dalawa. Ganon lang naman ako.”

MESSAGE TO NONREV

Sa huli, pinasalamatan ni Vice si Nonrev sa pagmamahal at pag-aalaga nito kay Angeline at sa anak nilang si Sylvio.

Ani Vice, perfect timing ang pagdating ni Nonrev sa buhay ni Angeline, dahil nagkakilala sila noong panahong kailangang-kailangan ni Angeline ng makakapitan at inspirasyon.

Mensahe ni Vice kay Novrev: “I am very happy for you and thank you very much. Thank you, thank you very much.

“You came at the right time. You came at the time when she was still broken.
And she needed someone to.

“She needed someone to lean in, she needed someone to hug, to love, to kiss.

“Kailangang-kailangan niya ng totoong pag-ibig noong mga panahon na dumating ka.

“Nagpapasalamat ako na nandodoon ka, na ibibigay ka agad noong panahon na yun.

“Kasi kung hindi, mahihirapan siya, at kapag nahirapan siya, masasaktan ako.

“Parang magkadutong na ang damdamin naming dalawa. Kapag malungkot siya malungkot din ako. Kapag malungkot ako, malungkot siya.

“Hindi kami papayag na may nasasaktan sa amin kasi mahal namin ang isa’t isa.

“Nakikita ko kung paano mo siya minamahal at pinapasaya ang puso niya. Masayang-masaya ako don. Kaya maraming-maraming salamat sa iyo.”

Bakas naman sa mukha ni Angeline ang pagiging emosyunal sa naging mensahe ni Vice.

Hiling pa ng It’s Showtime host: “Sana gabayan kayo ng Panginoon araw-araw. Sana hindi maupos at mawala yung pagmamahal niyo sa isa’t isa.

“May mga pagkakataon na hindi masaya, but it’s okay. May mga pagkakataon na hindi na nakakakilig, but it’s okay.

“May mga pagkakataon na nakakapagod, pero magpahinga lang kayo. Okay lang na magpahinga basta hindi bibitaw.

“I will just be here. Isang chat lang nandiyan na ako.

“Susuportahan ko kayo at mamahalin ko kayong dalawa hanggang huli. I love you.”