Cedrick Juan, ginoogle ng ibang manonood nang magwagi sa MMFF 2023 Awards.
Tuwing Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival, bago magsimula ang programa, aligaga na ako sa pangangalap ng balita kung may leakage ng winners.
Itong nakaraang awards night na ginanap sa New Frontier Theater noong Miyerkules, December 27, wala talaga akong nakuha, mga Ka-Troiks!
Kahit si Jerry Olea na isa sa mga hurado, hindi rin daw alam.
Ang nasagap lang naming mukhang sure kami ay si Vilma Santos ng When I Met You In Tokyo ang Best Actress.
Tinext ko si Ate Vi para tanungin kung dadalo ba siya sa awarding. Kaagad siyang sumagot na papunta na raw siya.
Tinext ko siya uli na excited at happy kami para sa kanya, na tiyak na ikatutuwa ng mga Vilmanians.
Sagot niya sa akin, “Dapat amin ang best float!! Hahaha! Japan yun!”
Tinext ko siya uli na dapat more than best float ang ma-gets ng pelikula nila.
“Oh my! Panalo tayo Gorgy… bumalik na tao sa sine!!!”
Sinasabi naman ni Ate Vi sa mga nakaraang interviews na hindi na sila naghahangad ng acting awards. Sobrang saya na raw nila kapag mag-hit ito sa box office, at bumalik ang lakas ng mga pelikula natin sa sinehan.
Kaya mangiyak-ngiyak siya at hindi makapaniwala na siya ang nag-Best Actress.
Bahagi ng kanyang acceptance speech: “Hindi ko po ini-expect ito. Ang adbokasiya lang po namin talaga, when we did When I Met You in Tokyo, is not even the best actress or the best actor. We just wanted to do a simple love story, sa edad po namin.
“Pero ang talagang adbokasiya po namin ay maging successful ang Metro Manila Film Festival. At the same time, mabalik po sana ang mga tao sa sine.
“Iyun po ang aming inaasam-asam nang makasama po ito sa Metro Manila Film Festival. Iyun po ang dream namin.
“And with these 10 movies that are showing right now in Metro Manila Film Festival, bumabalik po ang mga tao sa sine.
“Sana magtuluy-tuloy, kasi ito ho ang kailangan po ng ating industriya, na ma-appreciate po nila ang panonood sa sine with their family bonding.
“And I think it’s happening now. Sana po ay tuluy-tuloy.”
Mas kagulat-gulat nang tinawag ang Best Actor na napagwagian ni Cedrick Juan ng pelikulang GomBurZa.
May ilang nag-Google pa kung sino si Cedrick Juan. Kaya nagpakilala muna siya bago siya nagbigay ng kanyang acceptance speech.
Disappointed ang DongYan fans at ang iba pang umaasang makuha nila ang acting trophy. Pero kahit isang award ay walang nakuha ang pelikulang Rewind.
Pero waging-wagi naman ito sa takilya, at mukhang hindi na ito malalaglag bilang topgrosser.
Nakakagulat nga dahil inaasahang malaki ang ibabagbagsak ng kinita sa pangatlong araw. Hindi na kasi holiday at bumalik na sa trabaho ang mga tao.
Pero hindi naman ganun kalaki ang ibinaba ng total gross sa pangatlong araw nito.
Kung naka-PHP68M ang second day ng MMFF, naka-P64M naman sa third day nito. Hindi na masama!
At ang Rewind pa rin ang nangunguna.
Ang deliberation at botohan ng Board of Jurors ng MMFF 2023 ay naganap noong araw Disyembre 27, Miyerkules mula 10:00 a.m. hanggang 3:00 p.m. sa isang meeting room ng Novotel Hotel, Cubao, Quezon City.
Kahit isa ako sa labing-isang hurado ng 49th MMFF ay hindi ko tiyak kung sinu-sino ang nagwagi. Batid ko lang kung sinu-sino ang mga nominado.
Ang nakaalam sa results ng botohan ay ang chairman ng board of jurors na si Direk Chito Roño, at ang vice chair na si Lorna Tolentino.
Ipinasa kapagkuwan ng MMFF ExeComm ang resulta sa production na pasimuno ng mga kaganapan sa awards ceremony a few hours later.
Matapos ang jury duty ko sa deliberation, tumulong naman kami ni Gorgy Rula sa ka-Troikang Noel Ferrer (spokesperson ng MMFF) sa pagpa-follow up sa ibang taga-media na magko-coverage ng awards night.
Sa mga nanalo noong gabing iyon, nakasama lang ako ay sa group picture with best director Pepe Diokno of GomBurZa.
Gusto ko sanang mapagsama-sama sa iisang frame ang acting winners na sina Vilma Santos, Cedrick Juan, Miles Ocampo at JC Santos, pero kani-kanya na ng interbyu sa kanila ang mga taga-media matapos ang awards rites.
Nakaalis na si Ate Vi ay marami pang nag-iinterbyu kay Cedrick.
Kakaiba pa rin ang vibes kapag nasa awards night ka. At talagang dahil premyado at may integridad ang mga hurado, walang makaka-question sa resulta.
Congratulations sa lahat ng mga nagsipagwagi.
At sana talaga, mag-pick up pa ang mga pelikula sa mga darating pang mga araw.
Suportahan na lang dahil aa huli’t huli, tayu-tayo lang talaga ang magtutulungan para pasiglahin pang muli sa ating industriya, at malaking factor at significant boost ang nakukuha ng lahat sa MMFF.