MAYNILA — Patok sa social media ang pag-hataw at paggiling ng isang security guard sa mga dance trends sa TikTok.
Ayon kay Bayan Patroller Ryniel Pineda, tuwing off-duty at break time ay nagre-record siya ng mga sikat na dance trends at ipino-post sa kanyang social media account.
Itinuturing niya itong exercise, pampagaan ng katawan at nakatutulong para mas maging alerto sa trabaho.
Kadalasang inaabot siya ng ilang minuto para mag-practice ng sayaw.
Pinipili rin niya ang mga sasayawin base sa kung ano ang uso sa Tiktok.
“Alam naman natin na ‘di basta basta yung trabaho natin bilang gwardya. Minsan magpapawis naman tayo, ganun magpasaya, magpa-goodvibes ‘di lang puro nakasimangot. Bantay-bantay lang kasi napakadelikado ng ating trabaho kaya kailangan na may mga bagay din tayong ginagawa na nagpapasaya sa atin,” aniya.
Kwento pa ni Bayan Patroller Ryniel, bago siya maging security guard ay isa siyang hip-hop dancer at choreographer sa loob ng 12 taon.
Pero noong nagkaroon na siya ang pamilya ay huminto na siya dahil mas kailangan ng permanenteng hanapbuhay para matustusan ang gastusin.
Kahit nasa ibang larangan na siya ng trabaho ay nakatatak na sa kanyang dugo ang pagsasayaw.
Masaya siya na suportado ng pamilya at mga kasamahan sa trabaho ang paggawa niya ng dancing videos. — Jairem Clei Villenas, BMPM intern