Ikinagulat ng Vivamax actor na si Aerol Bren Carmelo ang reklamong inihain ng Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas (KSMBPI) laban sa kanyang kapwa artista na si Angeli Khang.
Nagsampa ang KSMBPI ng kaso laban kay Angeli sa Pasay City Prosecutor’s Office noong nakaraang linggo dahil sa diumano’y paglabag ng sexy actress sa Article 201 ng Revised Penal Code in relation to Cyber Crime Prevention Act of 2012.
“Nakakagulat ang mga pangyayari at hindi ako makapaniwala sa mga kaso na isinampa ng KSMBPI, partida pa na sila ang wagas sa paghingi ng pabor mula sa amin simula’t sapul pa lamang,” bungad na pananalita ni Aerol, na talent din ni Veloso, sa panayam sa kanya ng Cabinet Files.
May sapat na dahilan para magulat si Aerol dahil kasama siya ng talent manager na si Jojo Veloso nang paunlakan nito noong 2022 ang imbitasyon ni Dr. Michael Raymond Aragon, isa sa mga nagtatag ng KSMBPI.
Dr. Michael Raymond Aragon of KSMBPI (left) with Aerol Bren Carmelo (center) and talent manager Jojo Veloso (right)
Sa harap ng aspiring actors na tinutulungan ng KSMBPI, pinuri nang husto ni Aragon si Veloso, na ipinakilala niya bilang adviser ng kanilang organisasyon. Pero makalipas ang isang taon, sinampahan niya ng reklamo si Angeli, na discovery ng veteran talent manager.
Saad pa ni Aerol, “Mataas o dating mataas ang respeto ko sa grupo nila dahil naipaliwanag nila sa akin noon nang maayos ang kanilang movement o gustong ipamahagi sa masa kaya nagtiwala ako at naniwala sa kanila.
“Pero sa mga huli nilang aktibidad, e, sa tingin ko dapat na natin silang kausapin na masinsinan dahil sa pagsasampa nila ng reklamo sa mga artista.
“Gusto kong maipaliwanag nila nang harap-harapan ang diumano’y batas na kanilang sinasabi na nilabag daw, na talagang inungkat pa pati ang mga kabataan pero ginagawa naman ng social media regulators ang kanilang mga trabaho.”
May personal na karanasan si Aerol na nagpapatunay na may aksyong ginagawa ang mga social media regulator laban sa mga ipinagbabawal na content.
Kuwento ng isa sa mga bida ng Vivamax movie na Haliparot, “May experience ako sa TikTok noong nakaraan lamang. Tinanggal nila ang trailer ng isang Vivamax movie na in-upload ko.
“Ibig sabihin, ginagawa nila ang kanilang mga obligasyon at nakadepende din ito sa community guidelines ng bawat plataporma.
“Kahit gumagamit kami ng age restrictions, kapag hindi ito sang-ayon sa batas ng plataporma, tinatanggal nila para protektahan ang mga kabataan na pinaglalaban daw ng grupo na KSMBPI.”
Personal na narinig ni Aerol ang lahat ng mga papuri noon ni Aragon tungkol kay Veloso at sa mga aktres na gumagawa ng mga pelikula para sa Vivamax kaya hindi niya matanggap ang mga paratang ng KSMBPI.
“Balikan natin ang sinasabi nilang explicit content or mga R-18 na palabas, hindi naman magpo-post nang ganito ang aking mga kaibigan at kapwa artista dahil maaari kaming mawalan ng trabaho.
“Marami diyan ang mga taong walang pangalan sa industriya pero gumagawa ng mga totoong explicit content at porn talaga, pero hindi ko naman nakikita na sinasampahan sila ng kaso.
“Bakit ang mga kaibigan ko ang sinasampahan nila ng kaso? Dahil may pangalan?Kayo na lang po ang humusga.
“Kung gusto nilang kalabanin ang aming plataporma, e, ipa-ban muna nila ang porno sa Pilipinas na talagang may mga actual sex scene kumpara sa mga ginagawa naming eksena na peke lang pero itinuturing na ‘art.’
“Alam kong konserbatibo ang ating bansa, pero marami pa rin ang nanonood ng mga palabas tulad ng Game of Thrones at Spartacus, na hindi naman nalalayo sa mga ginagawa ng aming platform kaya duda ako sa biglang pagsulpot at pagsampa ng kaso ng grupong ito.
“Uulitin ko, gusto ninyo ng safe? Para sa mga kabataan? Tanggalin ninyo ang porno sa ibang social media platforms tulad ng X kasi ito ang walang bayad at accessible sa lahat,” litanya ni Aerol na may hamon sa organisasyong pumupuntirya sa mga artista ng Vivamax.
Ang KSMBP din ang naghain ng kasong kriminal laban sa It’s Showtime hosts na sina Vice Ganda at Ion Perez dahil sa pagsubo ng mga ito cake icing sa isang episode ng noontime show, na suspendido ngayon sa ere.