“Where you belong” joke noon ni Vice Ganda, naungkat sa paglipat ng It’s Showtime sa GMA-7

Mapapanood sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Miyerkules ng hapon, Marso 20, 2024, ang mga balita at kaganapan sa pagpirma ng kontrata sa pagitan ng GMA Network at ABS-CBN executives.

Ito ay para sa paglipat ng It’s Showtime sa dating timeslot ng Tahanang Pinakamasaya, ang isinarang noontime variety show ng TAPE, Inc.

Sina Iya Villania at Robi Domingo ang mga host ng contract signing na magaganap sa Studio 7 Annex Building ng GMA Network.

Dadaluhan ito ng mga host ng It’s Showtime, ang Kapamilya noontime show na dating napapanood sa TV5 hanggang lumipat sa GTV noong Hulyo 1, 2023.

Ang GTV ang sister television network ng GMA-7.

Ang nakatakdang pagpapalabas ng Kapuso Network sa It’s Showtime simula sa susunod na buwan ang isang halimbawa na walang permanente sa mundo.

Walang sinuman ang nag-akalang darating ang panahong matutunghayan sa dating timeslot ng orihinal na Eat Bulaga! ang noontime program na katapat nila at noong matindi pa ang network war sa pagitan ng GMA-7 at ABS-CBN.

Hindi rin sumagi sa isip ng sinuman na ang Eat Bulaga! ang ookupa sa dating oras ng It’s Showtime noong itinatanghal pa ito sa TV5.